Mabibigo ang pinaiigting na operasyon ng AFP laban sa BHB
Ang atas kahapon ng bagong-talagang hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Gen. Vicente Bacarro na “itataas (nito) ang tempo sa operasyon” laban sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) ay tiyak na mawawalangsaysay.
Ngayon pa man, malinaw na lalala pa ang kalagayan sa bansa sa ilalim ni Marcos. Ang kanyang deklaradong mga patakaran, na walang ipinag-iba sa nagdaang mga rehimen, ay naglilingkod sa interes ng dayuhang malalaking bangko at kapitalistang mamumuhunan at tiyak magdudulot ng ibayong panlipunang sakuna sa malapad na masang Pilipino.
Mabilis na lumalala ang kalagayang sosyo-ekonomiko at lulubha pa sa ilalim ni Marcos. Dumaranas ang mga manggagawa, magsasaka, ordinaryong anakpawis at mga panggitnang uri ng lalupang lumulubhang mga anyo ng pang-aapi at pagsasamantala. Sumisirit ang presyo ng pagkain, petrolyo at iba pang batayang bilihin lampas sa kakayahan ng ordinaryong mamamayan.
Walang mga trabaho, o paraan para kumita. Pinahihirapan ang mamamayan ng dagdag na mga buwis, habang kinakaltasan ang buwis ng dayuhang mga kapitalista. Bumabagsak ang antas sa pamumuhay ng mamamayan habang milyun-milyon ang walang kakayahang magbayad para sa edukasyon, serbisyong medikal at iba pang pangangailangan sa buhay.
Partikular sa kanayunan, malawak ang pagkadistrungka sa kabuhayan ng mga magsasaka na tinataboy mula sa kanilang lupa ng malalaking kumpanya sa pagmimina at plantasyong protektado ng militar na umaagaw sa libu-libong ektaryang lupa para dambungin at lasunin.
Ibinubunsod ng malulubhang kundisyong ang malawakang diskuntento ng malawak na masa ng sambayanan. Kahit anong “pagtataas ng tempo” na gawin ng AFP, hindi mareresolba ang napakalalim na panlipunan at pang-ekonomyang ugat na nagtutulak sa mamamayan na isulong ang lahat ng porma ng pakikibaka. Sa katunayan, lalo pang natutulak ang mamamayan sa landas ng armadong pakikibaka ng pinaigting na panunupil sa mga karapatang sibil at pampulitika ng mamamayan sa konteksto ng kontrainsurhensya. Wala na silang ibang mapagpilian.
Sa desperasyong putulin ang suportang masa sa BHB, bumaling ang AFP sa brutal na kampanyang pasipikasyon at panunupil. Dumarami ang bilang ng mga pagpaslang at masaker sa mga magsasaka na ipinamamalita ng militar na mga “engkwentro” laban sa BHB, hindi lang para pagtakpan ang kanilang mga krimen, kundi para gantimpalaan ng medalya at pabuya ang kanilang mga upisyal at tauhan.
Ang atas ni General Bacarro na “itaas ang tempo” ng mga operasyon ng AFP ay mangangahulugan lamang ng karagdagang pang-aabuso at paglabag sa karapatang tao, dagdag na pambobomba mula sa ere at panganganyon, ibayong pagkawasak sa kapaligiran at dagdag na paghihirap sa mamamayan.
Tiyak ipatutupad ito ng mga batalyon ng AFP sa pamamagitan ng pagpapakawala ng ibayong lagim at brutalidad laban sa mamamayan para palabasin na nananalo sila sa digma laban sa BHB. Para lang magpamalas ng superyor na pwersa at sindakin ang mamamayan, patuloy na naglulunsad ang AFP ng pambobomba mula sa ere at panganganyon, sa kabila ng malaking gastos at kawalang bisa nito laban sa BHB.
Sa kalakhan, ang BHB sa buong bansa ay matagumpay na nakaangkop sa estratehiya ng AFP na malawakang-saklaw na “focused military operations” at “gradual constriction.” Tinatahak ng BHB ang landas ng tuluy-tuloy na pagpapalawak. Sa pagpapanatiling bulag sa kaaway, nakapagpapalawak ang mga yunit ng BHB at nakapagbubukas ng bagong mga larangang gerilya, kung saan tumatamasa sila ng di natutuyong bukal ng suportang masa. Patuloy na nagrerekrut at nagsasanay ang BHB ng bagong mga Pulang mandirigma, pangunahin mula sa pinakamahuhusay na anak ng masang magsasaka, gayundin mula sa mga manggagawa, mala-proletaryado at intelektwal sa kalunsuran.
Determinado ang BHB na magpatuloy sa paglulunsad ng masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya. Sa malapit na hinaharap, mahihirapan ang AFP na maglunsad ng mga nakapokus na operasyong militar sa papalapad na teritoryo at saklaw ng operasyon ng BHB na nagtutulak sa kaaway na ikalat at banatin ang kanilang mga pwersa.
Tila batid ng hepe ng AFP na ang BHB ay patuloy na nakapagpupunyagi at nakapangingibabaw sa todong opensiba. Hindi tulad ni Duterte at dating mga hepe ng AFP, hindi nagbitaw ng malinaw na deklarasyon si General Bacarro ng “pagwawakas sa BHB sa katapusan ng taon,” kundi isang di tiyak na “kung kagyat na magagawa, iyon ang layunin.” Siguro ay ayaw niyang unahan ang mga pagdinig para sa badyet para makahingi pa rin ang AFP ng dagdag na perang pampondo sa kanilang bigong limang-taong mga opensiba. O baka dahil mayroon pa siyang tatlong taon sa pwesto, at alam niyang babalik lang sa kanya ang adelantadong pagyayabang.