Mensahe ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas sa mga rali ng sambayanang Pilipino kaakibat sa pagdiriwang sa ika-48 anibersaryo ng Partido
Ikinalulugod ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas ang mainit na tugon ng sambayanang Pilipino sa panawagan para sa malalaking rali ngayong araw upang gunitain ang ika-48 anibersaryo ng muling pagtatatag ng Partido at upang mahigpit na punahin ang rehimeng Duterte sa kabiguan nitong tuparin ang mga pangakong hakbangin para sa usapang kapayapaan. Ilampung libong mamamayan ang inaasahang magtitipon ngayong araw sa iba’t ibang mga larangang gerilya sa buong bansa pati na sa mga lihim na lugar sa kalunsuran.
Parangalan natin ang lahat ng mga naging bayani at martir ng rebolusyong Pilipino. Utang natin sa kanila—silang mga walang pag-iimbot na nag-alay ng talino, pagod at buhay—ang mga tagumpay sa ating pakikibaka.
Sa pangungulo ng Partido, nagkamit ang rebolusyonaryong kilusan ng malalaking tagumpay sa kapakinabangan ng mamamayan. Sa nagdaang halos limang dekada, naitatag ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan bilang pinakamalaki’t pinakamalakas na rebolusyonaryong hukbo sa kasaysayan ng Pilipinas. Naitatag natin ang NDF bilang malawak na alyansa ng mga pwersang sumusuporta sa armadong pakikibaka. Nakatindig na rin sa buong bansa ang mga binhi ng demokratikong gubyernong bayan.
Sa mga nagdaang taon, nakamit natin ang maniningning na tagumpay sa pagsusulong ng digmang bayan. Mabilis ang mga pagsulong sa Mindanao, habang ibinubwelo ang digmang bayan sa mga rehiyon sa Luzon at Kabisayaan. Hinahalaw ng Partido ang mga aral upang puspusang isulong ang armadong rebolusyon sa buong bansa.
Nananawagan ang Komite Sentral ng Partido sa sambayanang Pilipino na ibayong isulong ang ating rebolusyonaryong pakikibaka. Sa harap ng nagpapatuloy na krisis sa Pilipinas at sa buong mundo, walang ibang landas para makamit ang maaliwalas na bukas kundi ang landas ng pambansa demokratikong rebolusyon.
Nananawagan ang Partido na itakwil ang lumang mapang-api at mapagsamantalang sistemang mala-kolonyal at malapyudal. Ito ang nagpapahirap sa sambayanang Pilipino. Ito ang nagpapalaki sa monopolyong tubo ng mga imperyalistang empresa sa bansa. Ito ang nagpapayaman sa mga malalaking kapitalistang komprador tulad ng mga Ayala at Pangilinan, Henry Sy, Lucio Tan, Cojuangco at Consunji, kasabwat ang uring panginoong maylupa at mga dayuhang malalaking kapitalista. Sila ang humuhuthot ng yaman mula sa pawis ng mga manggagawa. Sila ang kumakamkam ng lupa at yaman ng bansa.
ANG PAGDURUSA at paghihirap ng bayan sa ilalim ng sistemang mapagsamantala at mapang-api ang malalim na ugat ng digmaan sa Pilipinas. Gamit ang AFP at lahat ng makinarya ng paniniil ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP), ipinagtatanggol ng mga naghaharing uri ang mapang-aping sistema; habang isinusulong naman ng mga inaaping uri ang pagbabagsak nito upang itayo ang Demokratikong Gubyernong Bayan gamit ang kapangyarihang bayan at lakas ng Bagong Hukbong Bayan.
Sa simula ay ikinalugod ng sambayanan na nagpahayag ang bagong upong Presidente Duterte ng GRP ng kahandaang harapin ang mga ugat ng digmaan sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan. Pinalakpakan natin ang pagpapalaya sa mga konsultant ng NDFP upang ibwelo ang pag-uusap. Sa unang serye ng pag-uusap, pinangako niyang magproklama ng amnestiya upang palayain ang lahat ng detenidong pulitikal at pabilisin ang proseso ng pag-uusap. Napagkasunduan na maglalabas ng magkatugong deklarasyon ng walang-taning na tigil-putukan ang dalawang panig at bubuuin ang isang bilateral na kasunduan para sa tigil-putukan.
Subalit matapos ang ilang buwan, nakapako pa ang mga pangako ni Duterte. Nasa 400 pang mga bilanggong pulitikal ang nakakulong. Namatay kamakailan sa kulungan ang isang detenido na si Bernabe Ocasla. Ginagamit ni Duterte na parang baraha ang mga bilanggong pulitikal upang pilitin ang NDFP na pumaloob sa kasunduan para sa matagalang tigil-putukan na hindi pa napag-uusapan ang kalutasan sa mga problemang pang-ekonomya at panlipunan.
Gayundin, sa kabila ng pag-iral ng magkatugong kasunduan sa tigil-putukan, walang tigil sa pag-ooperasyon ang AFP sa mga baryo sa mga sona at baseng gerilya ng NPA. Sa buong bansa, tinatayang aabot sa mahigit 500 baryo ang sinakop ng AFP mula nang magtigil-putok. Halos kalahating milyong mamamayan ang apektado ng presensya, paghihigpit, pananakot at iba pang abusong militar.
Habang nagtatagal na walang kongkretong pakinabang ang bayan sa usapang pangkapayapaan, at sa harap ng walang-tigil na armadong operasyon ng AFP sa ilalim ng Oplan Bayanihan at planong Enhanced Oplan Bayanihan, at bigong pangakong palayain ang mga detenidong pulitikal, hindi maglalao’y mapupwersa ang Partido na bawiin na ang deklarasyon nito ng tigil-putukan.
Gayunpaman, tanda ng pagsuporta ng Partido na isulong ang usapang pangkapayapaan, nagpahayag ang NDFP at Partido ng kahandaan na buuin at pumirma sa isang kasunduang bilateral para sa tigil-putukan. Gayunpaman, magkakabisa lang ang tigil-putukang iyon oras na palayain niya ang lahat ng bilanggong pulitikal.Itatakda rin sa kasunduang ito na ipag-uutos ang pagtigil ng mga operasyon ng mga yunit ng AFP sa mga baryo.
Dapat mabatid ng bayan na anumang makakamit sa usapang pangkapayapaan ay nakabatay sa sigla ng kanilang sama-samang mga pakikibaka at rebolusyonaryong armadong lakas.
May usapang pangkapayapaan man o wala, ang higit na mahalaga ay ang patatagin at palawakin ng sambayanang Pilipino ang kanilang pagkakaisa at pakikibaka.
NANANAWAGAN ANG PARTIDO sa buong sambayanan, laluna sa masang anakpawis na mga manggagawa at magsasaka, na sumanib sa mga organisasyong masa upang buuin ang kanilang lakas. Buuin ang mga unyon sa mga pabrika upang labanan ang pang-aapi at pagsasamantala. Buuin ang mga samahang magsasaka sa mga baryo upang bigkisin ang lakas ng maralitang magsasaka at manggagawang bukid.Patuloy na itatag ang mga binhi ng rebolusyonaryong gubyernong bayan. Saanmang sulok ng bansa, buuin ang mga organisasyon para bigkisin ang lakas ng bayan.
Buuin ang mga sangay ng Partido sa lahat ng baryo, komunidad, pabrika, mga kolehiyo, upisina, pamayanan at iba pa. Ang malalim at malawak na pagkakaugat ng Partido ang susi upang mapamunuan nito ang buong bayan sa isang makapangyarihang pwersang magbabago sa takbo ng kasaysayan ng bansa.
Isulong sa buong bansa ang mga pakikibaka ng masang magsasaka laban sa pang-aagaw ng lupa, paglawak ng mga plantasyon at pagpasok ng operasyong pagmimina at iba pang mandarambong, Isulong ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Isulong ang malawak na pakikibaka para sa mas mataas na sahod, laban sa kontraktwalisasyon at iba pang anyo ng pleksibleng paggawa.Pakilusin ang mga kabataan at estudyante para isulong ang kilusang propaganda at makiisa sa mga pakikibaka ng bayan.
Dapat magkaisa ang buong bayan upang labanan ang mga patakarang dikta ng dayuhang malalaking kapitalista na nagpapahirap at nang-aapi sa sambayanan. Magkaisa laban sa patuloy na panghihimasok ng US, laluna ang presensya ng mga dayong tropang Amerikano, para ibasura ang tagibang na mga kasunduan at labanan pagkontrol nito sa AFP para supilin ang pakikibaka para sa pambansang paglaya.
Nananawagan ang Partido sa lahat ng kabataan—mga kabataang magsasaka, manggagawa at mga estudyante sa kalunsuran—na sumapi sa NPA. Ang pagsasanib ng lakas ng mga kabataan mula sa iba’t ibang mga positibong uri ang lumilikha ng isa sa pinakamalakas na pwersang tagalikha ng kasaysayan.
Bayang Pilipino! Wasakin ang lumang bulok na sistema at itayo ang bago! Ibagsak ang imperyalismo! Ibagsak ang pyudalismo! Ibagsakang ang burukratang kapitalismo! Ibagsak ang malalaking burgesyang komprador at malalaking panginoong maylupa!
Mabuhay ang NPA!
Mabuhay ang NDF!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang tagumpay!