Palayain si Adora Faye de Vera, makata, makabayan at mandirigma sa pagpapalaya ng kababaihan
Nakikiisa kami sa panawagan ng mga grupo ng kababaihan, arista, makata, tagapagtanggol ng mga karapatan at iba pang demokratikong organisasyon para sa kagyat na pagpapalaya kay Adora Faye de Vera. Inaresto si Adora Faye ng pulis noong Miyerkules ng hapon sa kanyang tinutuluyang bahay sa Quezon City, at kalauna’y dinala sa bayan ng Calinog, Iloilo, kung saan sinampahan ng walang-batayang mga kasong kriminal. Dagdag na siya ngayon sa hindi bababa sa 800 bilanggong pulitikal sa Pilipinas na patuloy na nagdurusa sa hindi makatarungang pagkukulong.
Si Adora Faye ay isang artista, isang makata, isang buong-ukol at marubdob na tagapaglingkod sa bayan. Isa siyang makabayan, isang mandirigma para sa karapatan ng kababaihan at rebolusyonaryo. Kabataan pa’y lumahok siya sa pakikibaka laban sa paghaharing batas militar ni Marcos at nakipagtagisan sa lahat ng larangan ng pakikipaglaban sa pasistang diktadura.
Siya at ang dalawa niyang kasama ay dinukot noong 1976 ng pwersang militar sa prubinsya ng Quezon at itinago sa isang “safehouse” ng militar sa Bicol. Ipinailalim sila sa malulupit na porma ng tortyur, kabilang ang pwersahang gumawa ng mga aktong sekswal. Ang kanyang dalawang kasama–sina Flora Coronacion at Rolando Federis–kalaunan ay iwinala ng militar.
Paulit-ulit na ginahasa si Adora Faye ng mga bumihag sa kanya at kalaunan ay napilitang sumailalim sa aborsyon. Ginawa siyang sekswal na alipin nang halos isang taon. Malaon ay magtatagumpay siyang makatakas mula sa mga tumortyur sa kanya.
Matapos nito ay lumahok siya sa armadong rebolusyon sa rehiyong Bicol kung saan nagsilbi siya sa masang magsasaka, lumahok sa kanilang pakikibaka para sa reporma sa lupa at nagpatuloy sa paglaban sa kinamumuhiang diktadura. Noong 1983, sa isang pag-atake ng mga pasistang tropa ni Marcos, nabaril siya sa binti na nagdulot ng malubhang pinsala sa kanya.
Nakalaya si Adora Faye kasabay ang ilandaang iba pang bilanggong pulitikal noong 1986 pagkatapos ng pagbagsak ng ditkadurang US-Marcos. Kabilang siya sa mga nanguna sa class suit, na kanilang naipanalo, laban kay Marcos sa malulubhang paglabag sa karapatang-tao. Ang kanilang tagumpay ay panandang ligal at nagsisilbing sangguniang pang-istoriko sa napakaraming krimen laban sa sangkatauhan ng mga pwersang militar at pulis sa ilalim ng diktadurang US-Marcos.
Sa harap ng hindi nagbagong kundisyon sa lipunan at pulitika, nagpatuloy si Adora sa paglalaan ng kanyang buhay sa adhikain ng pagpapalaya sa kababaihan at pambansa-demokratikong kilusan ng mamamayan. Sa nagdaang mga taon, sa kabila ng kanyang mga pinsala at humihinang katawan, pinangibabawan niya ang lahat ng mga kahirapan sa paglalakbay at paglalakad nang malalayong distansya para lang makapiling ang mga manggagawa, magsasaka at iba pang mga aping sektor ng lipunan.
Sa kabuuan ng kanyang buhay at ngayo’y 66 na taong gulang, hindi nagmaliw ang dedikasyon ni Adora Faye sa paglilingkod sa mamamayan. Patuloy niyang ibinibigay ang lahat ng kanyang lakas at talento sa adhikain ng mamamayan. Patuloy siyang nagsusulat ng mga tulat at awitin at ibinabahagi ang kanyang malawak na kaalaman para bigyang liwanag at itaas ang kamulatan ng kabataan at ang bagong henerasyon ng mga rebolusyonaryo.
Nananatiling matatag si Adora Fay sa pakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo, at buruktrata-kapitalismo. Sa atas ni Marcos, hinabol ng mga tutang pasista si Adora Faye para itapong muli sa kulungan. Pinaparusahan siya ng mga reaksyunaryo sa pagtangging isaisantabi ang kanyang dedikasyon sa paglilingkod sa mamamayan. Isa itong hindi makatarungan at malupit na parusa. Sa lahat ng kanyang serbisyo sa adhikain ng inaapi at pinagsasamantalahang masa, nararapat lamang na palayain si Adora Faye de Vera!