Parangal kay Kasamang Abdias “Omar/Badul” Guadiana
20 SETYEMBRE 2021 | Noong ika-29 ng Hulyo 2021, si Kasamang Abdias Guadiana na mas kilala sa rebolusyonaryong hanay na Kasamang Omar/Badul ay pumanaw dahil sa impeksyon ng COVID-19 na nagkumplika sa matagal na niyang sakit na interstitial pulmonary fibrosis. Siya ay 72 anyos. Siya ay tubong San Julian, Eastern Samar. Naantala ang pagkatanggap ng malungkot na balita, pati ang pagsulat at paglalathala ng parangal na ito dahil sa maigting na mga operasyong militar ng pasistang berdugong rehimeng US-Duterte.
Sa matagal na panahon, si Kasamang Omar ay isang haligi ng Partido at rebolusyonaryong kilusan sa Samar at Silangang Kabisayaan. Kalihim siya ng Komiteng Rehiyon ng Partido nang halos 30 taon mula huling bahagi ng 1985.
Nasa unahang hanay na siya ng mga kadre ng Partido sa rehiyon mula 1974. Lider siya ng mga progresibong aktibistang estudyante sa University of Eastern Philippines (UEP) sa Catarman, Northern Samar nang ipataw ni Marcos ang pasistang paghaharing militar. Nasa katapusang taon siya ng kursong Veterinary Medicine nang arestuhin at ibilanggo ng rehimeng diktador. Pagkalaya, pumunta siya sa kanayunan at, kasama ng iba pang kadre ng Partido gaya ni Antonio Cabanatan at Prudencio Calubid, kanilang binuo, pinalawak at pinatatag ang unang larangang gerilya ng BHB sa timog-kanlurang Samar sa pamamagitan ng sariling kayod mula sa tunay na wala. Pagpasok ng dekadang 1980 ang armadong kilusan sa Samar at Leyte ay tampok nang bahagi ng rumaragasang armadong pakikibaka at kilusang masa na nagpabagsak sa pasistang diktadurang US-Marcos.
Si Kasamang Omar ang prinsipal na lider ng Partido, hukbong bayan at rebolusyonaryong kilusan sa Samar at Leyte sa panahon ng paghahari ng 5 papet na presidente. Mabangis na sinalakay ang Partido at hukbong bayan nang paulit-ulit na mga Oplan, todong gyera, lambat-bitag, pasistang lagim na ala-Palparan at madugong pagdurog. Gayunman, napreserba ng mga rebolusyonaryong pwersa ang sarili; napanday ang Partido, hukbo at masa sa pakikibakang buhay-at-kamatayan; at ang armadong rebolusyonaryong kilusan ay nanatiling isa sa pinakamalawak at pinakamalakas sa buong bansa.
Sa harap ng makahayop na pasistang pag-atake at pananalasa, nanatiling matatag na nakatindig ang Partido at hukbo sa rehiyon dahil tiniis nito ang lahat ng hirap at panganib at tiim-bagang na lumaban para isulong ang demokratikong rebolusyong bayan; dahil tinamasa at pinagyaman nito ang malawak at malalim na suporta ng masang magsasaka; dahil walang pagod na nakikipaggitgitan ito sa iba’t ibang panig at sulok ng malawak na kalupaang paborable sa digmang gerilya; dahil tumalima ito sa mga tuntuning gerilya sa higit na pleksibilidad sa taktika, mobilidad, sikreto at maliksing pagkilos; at dahil mulat ito palagi bilang integral na bahagi at kakapit-bisig ng paglaban ng sambayanan sa buong kapuluan.
Sa kanyang pamumuno, nilabanan at binigo ng Partido sa Silangang Kabisayaan ang anti-Partidong panghahati ng pangkating Tabara na nakapuslit sa pamunuan ng Partido, nakakontrol sa Komisyon sa Kabisayaan, at nagpalaganap at naggiit ng linya ng wala sa panahong regularisasyon at insureksyunismong lunsod, rebisyunismo at gangsterismo. Salungat sa bulok na pangkating Tabara, nanindigan si Ka. Omar at iba pang matapat na proletaryong rebolusyonaryo sa rehiyon para sa mga pundamental na prinsipyo ng Partido at rebolusyong Pilipino, matapat na nagpuna-sa-sarili at nagtuwid sa mga paglihis at pagkakamali. Dahil dito, mabilis na nahadlangan ang tangkang pangwawasak ng pangkating Tabara at nabawasan nang malaki ang kanilang pamiminsala. Noong 1990 nahalal si Ka Omar sa Komite Sentral ng Partido at noong 1992, sa Komite Sentral at Kawanihang Pampulitika.
Sa 50 taong singkad lubos na iniukol ni Ka Omar ang kanyang buhay sa Partido at rebolusyon. Halos lahat ng iyon sa kanayunan, sa piling ng hukbo at masang magsasaka ng Samar. Halimbawa siya sa simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka, pagpapakumbaba, pagpuna-sa-sarili, pakikipagkaisa sa masa at kasama. Sa lahat ng pagkakataon ayaw niyang maging pabigat sa masa at Partido. Kahit nang dapuan ng malalang sakit, laging una siyang tumututol sa malaking paggasta para sa kanyang pagpapagamot.
Si Kasamang Omar ay ulirang kinatawan ng mga lokal na kadreng iniluwal ng kilusang masa sa Samar. Walang atubili at puspusan siyang lumubog sa hanay ng masang magsasaka at pinanday ang sarili sa walang humpay na rebolusyonaryong pag-aaral at paggawa. Tuluy-tuloy siyang nagpanibagong-hubog sa ideolohiya upang itaas ang kanyang proletaryong kamulatan at iwaksi ang mga impluwensyang burgis at petiburgis.
Kahit pumanaw na siya ang kanyang maningning na halimbawa ay magsisilbing inspirasyon sa mas nakabababatang mga lider at kadre ng Partido na sila nang nasa gulugod ngayon ng rebolusyonaryong pamumuno. Ang lakas sa ideolohiya, pulitika, organisasyon at militar ng Partido at rebolusyon sa rehiyon ang buhay na pamana niya at kanyang mga kasama. Ang mga ito ang matatag na tuntungan para sa tuluy-tuloy na pagpupunyagi ng Partido, hukbo at masa sa landas ng armadong rebolusyon hanggang makamit ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.
Pulang saludo kay Kasamang Omar!
Matuto sa kanyang habang-buhay na katapatan at katatagan sa rebolusyon, proletaryado at sambayanan!