Giriang militar ng US-China, paiigtingin ng administrasyong Biden

,

Hindi nag-aksaya ng panahon ang bagong-upong administrasyong Biden para ikonsolida ang kapangyarihang militar ng US sa rehiyon ng Asia-Pacific. Sunud-sunod ang mga hakbang nito para sa pagpapatindi ng pakikipaggirian nito sa China sa larangan ng militar.

Noong Marso 11, ginanap ang kauna-unahang pulong ng mga pinuno ng Australia, Japan, India at US sa tinaguriang Quadrilateral Security Dialogue o “Quad” para pagulungin ang diplomasya sa pamamagitan ng bakuna ng US sa rehiyon. Bunga ng pulong na ito ang pagpopondo sa India ng $1 bilyon para magmanupaktura at magbenta ng bakuna sa Asia simula sa katapusan ng 2022. Pangkontra ito sa diplomasya ng China na sumaklaw sa Pilipinas, Indonesia at mga bansang malapit sa India. Tangka rin ito ng US na kontrahin ang kritisismo ng pagkopo ng milyun-milyong dosis para sa sariling gamit sa gitna ng malawakang kasalatan.

Inilalarawan ang Quad bilang alyansang militar na itinatag ng US na hindi kaiba sa North Atlantic Treaty Organization. Mula nang buuin ito ng administrasyong Obama noong 2004, nilayon ng US na palakasin ang ugnay nito sa India laban sa China.

Para saklawin ang India, kalapit na mga bansa at mga karagatan nito, pinalawak ng US ang saklaw ng erya-kumand ng US Pacific Area Command (Pacom) noon pang 2018. Itinatag ang Indo-Pacific Area Command para pagharian kapwa ang Indian Ocean at Pacific (na bumubuo sa 51% ng mundo) at palibutan ang China mula sa dalawang karagatan. Layunin ng Indo-Pacom na padalasin at sabayan ang pagpapatrulya ng China sa mga islang inangkin nito sa South China Sea. Layunin din nitong palakasin ang ugnayan sa mga militar sa Indo-Pacific sa pamamagitan ng pagtatambak at pagbebenta ng mga armas at paglulunsad ng mas malalaki at madadalas na pagsasanay-militar.

Mula 2018, dumalas ang pagpapakitang lakas ng malalaking barkong pandigma ng US sa South China Sea. Nagsagawa ng limang operasyong pandagat ang US noong 2018 at walo noong 2019 sa ngalan ng “operasyon sa malayang paglalayag.” Sa panahon ng pandemya, nagsagawa ito ng siyam na gayong operasyon at 13 “transit” o pagdaan sa Taiwan Strait. Nagpalipad ito ng mga eroplanong pandigma na gumamit ng pekeng pagkakakilanlan o nagpakilalang pribado. Dumadaan, kundiman nakatigil, ang mga barko at eroplanong pandigma ng US sa karagatan ng Pilipinas.

Titindi pa sa ilalim ng administrasyong Biden ang mga operasyong ito. Noong Marso 2, inilatag ng Indo-Pacom ang hiling nito sa Kongreso ng US ng mahigit $27 bilyong badyet o ₱1.35 trilyon (sa palitang $1=₱50) para sa susunod na limang taon sa tinatawag ngayong Pacific Deterrence Initiative, isang komprehensibong programang militar laban sa China. Ito ay dating tinawag na Pacific Defense Initiative at may badyet na $6 bilyon o ₱300 bilyon noong 2020 at nakatakdang inisyal na laanan ng $4.68 bilyon sa 2021.

Iginigiit ng mga upisyal militar ng Indo-Pacom na hindi na sapat ang depensa mula sa ere at dagat lamang. Nanawagan ang mga ito ng paglalatag ng mas malawak na sistema ng mga misayl at armas na ground-based o nakapwesto sa lupa sa tinatawag na “first island chain.” Tinutukoy dito ang Taiwan, Okinawa (Japan) at kanlurang bahagi ng Pilipinas.

Sa partikular, humihingi ang Indo-Pacom ng $408 milyon sa 2021 para sa mga armas na ibabase sa lupa at dagdag na $2.9 bilyon para rito sa susunod na limang taon. Layunin nitong buuin ang isang kontra-China na network ng mga misayl na may minimum na abot na 500 kilometro. Ayon sa US, may 1,250 misayl ang China na kayang abutin ang “first island chain” habang zero o wala ang US dulot ng pagbabawal sa nakaraan ng Intermediate-Range Nuclear Forces Treaty. Hindi na muling pinalawig ng US ang naturang tratado nang mawalan ito ng bisa noong 2019 at bwelo na ang pagmamanupaktura nito ng mga misayl na may abot na 500 hanggang 5,500 kilometro.

Liban sa Japan at Korea kung saan mayroong mga base militar ang US, dati nang tradisyunal na tambakan ng US ang Pilipinas ng naturang mga armas at misayl. Kabilang sa mga pinagtatambakan at tinataguan nito ng armas ang dati nitong base sa Subic, Zambales, ang itinayo nitong mga base sa Palawan at iba pang kampo militar ng AFP na saklaw ng Enhanced Defense Cooperation Agreement.

Giriang militar ng US-China, paiigtingin ng administrasyong Biden