Apat na magsasaka sa Bicol, pinaslang ng AFP

,

Apat na magsasaka ang pinatay sa Bicol at apat din ang inaresto ng mga pwersa ng estado sa mga araw bago ang State of the Nation Address ni Rodrigo Duterte.

Pinatay ng mga pulis sina Jemar Palero, kasapi ng Organisasyon ng mga Magsasaka sa Albay at Marlon Naperi ng Albay People’s Organization, gabi ng Hulyo 25, sa Banao Bridge, Maharlika Highway, Guinobatan, Albay. Nagpipinta noon ang dalawa, kasama ang dalawa pang aktibista, ng panawagang “Duterte Ibagsak!” sa haywey. Pinalabas ng mga pulis na nanlaban ang dalawa, bagay na pinabulaanan ng kanilang mga kaanak. Huling nakitang buhay ang dalawa habang isinasakay ng mga pulis sa isang van.

Pinatay naman ng mga sundalo sina Louie Austria at Benjamin Delos Santos sa Sagñay, Camarines Sur noong Hulyo 20. Pinalabas ng mga elemento ng 83rd IB na napatay sila sa isang engkwentro at nagparada pa ng 12 matataas na kalibre ng baril na nakuha diumano sa labanan.

Iligal na pag-aresto. Iligal na inaresto ng militar at kinasuhan ng paglabag sa Anti-Terror Law ang apat na magsasaka sa Sityo Buscad, Barangay Tuban, Sablayan, Occidental Mindoro noong Hulyo 19. Inakusahan sina Miguel Manguera, Fe Marinas, Sherlito Casidsid at Allen Dela Fuente na tumutulong sa Bagong Hukbong Bayan at isinangkot sa engkwentro sa pagitan ng AFP at hukbong bayan noong Hulyo 5. Kinasuhan ang dalawa sa kanila ng illegal possession of firearms and explosives at ang dalawa ng obstruction of justice.

Sa Sorsogon, inaresto ng mga pulis ang mag-asawang Ruel Llamera at Annie Jean Castillo, mga kasapi ng Sorsogon People’s Organization noong Hulyo 8 habang bumibyahe pauwi ng Sorsogon City. Sinampahan sila ng gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives.

Pandarahas. Walang patumanggang nagpaputok ang mga elemento ng 62nd IB at 16th Scout Ranger Company sa Barangay Banwage, Guihulngan, Negros Oriental noong Hulyo 15. Hinagisan din nila ng granada ang bahay ni Alo Lojanio, residente ng Sitio Kapudlusan.

Sa Northern Samar, sapilitang pinapirma ng mga sundalo ang mga upisyal ng barangay ng 17 baryo sa Las Navas, 14 na baryo sa Silvino Lobos, anim na baryo sa Pambujan, isang baryo sa Catubig at lahat ng baryo sa Matuguinao para ideklarang persona non grata ang BHB.

Panganganyon. Noong Hulyo 20 hanggang 21, kinanyon ng 87th IB ang kagubatan ng Km. 14 hanggang Km. 17 sa San Jose de Buan, Western Samar. Hindi bababa sa 20 beses na nagpaputok ang AFP sa magkasunod na araw na nagresulta sa pagkawasak ng mga sakahan at nagtulak sa mga residente ng Sityo Salvacion, Barangay San Nicolas na pansamantalang lumikas.

Sa Northern Samar, dalawang bahay ang tinamaan nang magpaputok ang PNP-Special Action Force ng grenade launcher noong Hulyo 10 sa Barangay Hitapian, Catubig. Target nito ang yunit ng BHB na naglunsad ng opensiba sa parehong araw. Kasabay nito, nagnakaw ang pulis ng pinyang pambenta ng mga residente. Pinagbantaan din nila ang mga upisyal ng barangay.

Pagbakwit. Sa Northern Samar, iniulat sa Hulyo 30 ng Larab na nagbakwit ang mga residente sa Barangay San Jose, Las Navas dulot ng walang patumanggang pambobomba. Sa mga baryo ng Sag-od, Epaw at San Jose sa naturang bayan, halos wala nang natirang tao dulot ng okupasyong militar. Gayundin ang nangyari sa mga baryo ng Senonogan de Tubang, Hiyaot, at Balod sa Silvino Lobos. Nagbakwit din ang mga residente ng Barangay Ligaya at Barangay Carolina na nasa hangganan ng Matuguinao, Western Samar.

Apat na magsasaka sa Bicol, pinaslang ng AFP