Huwad na reporestasyon
Unang ipinatupad noong 2011 sa ilalim ng rehimeng Aquino ang NGP. Pinalawig at pinasaklaw ito sa pamamagitan ng Executive Order 193 (E-NGP) noong 2015 sa kabila ng deklarasyong bigo ang programa. Ipinagpatuloy ito ng mga upisyal ni Duterte dahil ang pondo nito (mahigit ₱5 bilyon) ay ginagawang palabigasan ng mga pulitiko.
Ipinagmalaki noong 2019 ng DENR na dalawang milyong ektarya na ang natamnan ng 1.7 bilyong punla sa ilalim ng E-NGP mula 2011 hanggang 2019. Pero walang ebidensyang maipakita ang DENR na totoo ito nang isinalang ang programa sa Senado. Mas malala, ayon sa mga eksperto, walang pagkakaiba at nananatiling nasa pitong milyong ektarya ang natitirang kagubatan sa Pilipinas mula 2011 hanggang sa kasalukuyan.
Hindi totoong reporestasyon ang layunin ng E-NGP. Ang mga kahoy na ipinatatanim nito, tulad ng kawayan, kape at falcata ay hindi likas sa mga lokal na kagubatan. Taliwas ito sa mungkahi ng mga syentista na magtanim ng mga kahoy na endemic o katutubo sa kagubatan upang tiyakin ang ekolohikal na balanse ng kalikasan. Itinatanim ang komersyal na mga kahoy na ito hindi para buhayin ang kagubatan kundi para anihin at ibenta sa mga dayuhan.