Duterte, Marcos, walang pinag-iba

,

Pinamunuan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (Carmma) ang protestang bayan sa Maynila noong Setyembre 21 bilang paggunita sa ika-49 na taon ng deklarasyon ng batas militar ni Ferdinand Marcos.

Ayon sa mga nagprotesta, mahalaga ang paggunita sa batas militar dahil sa pag-iral ng hibo ng pasismo at mga banta ng pangungunyapit sa pwesto ng tiranong si Duterte. Kailangang alalahanin ang madidilim na taon para pigilan ang pagbabalik ng mga Marcos sa Malacañang at rebisyunismo sa kasaysayan nito.

Nagkaroon ng katulad na mga pagkilos sa mga syudad ng Baguio, Calamba, Cebu, Iloilo, Davao at Cagayan de Oro, gayundin sa Cavite at Cagayan Valley.

Kasabay nito, nangalampag ang mga manggagawang pangkalusugan para sa makataong pagtrato sa kanilang hanay sa Bacolod City. Isang araw bago nito, nagpiket din ang mga magsasaka sa sentro ng Bacolod City para gunitain ang Escalante Massacre na naganap noong panahon ng diktadurang US-Marcos.

Sa ibayong dagat, inilunsad ang koordinadong mga protesta sa United Kingdom, HongKong, Montreal sa Canada, France, Netherlands, Chicago, Manhattan sa New York, Seattle, Korea at Belgium.

Naglunsad din ang iba’t ibang grupo ng mga porum, protestang online, mga pagpupulong at iba pang porma ng mga aktibidad.

Duterte, Marcos, walang pinag-iba