Karapatan sa paninirahan, sasagasaan ng MCRP

,

Niraratsada ng rehimeng Duterte ang konstruksyon ng kontra-mamamayang Malolos-Clark Railway Project (MCRP) na magpapalayas sa tinatayang 1,416 pamilya sa Pampanga, Tarlac at Bulacan. Ang proyektong ito ay popondohan gamit ang $2.75-bilyong (₱137.5 bilyon) pautang mula sa Japan International Cooperation Agency at Asian Development Bank. Sa nakalipas na 12 buwan, minadali ni Sec. Arthur Tugade ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapasa sa limang malalaking kontrata na nagkakahalaga ng $2.4 bilyon (₱120 bilyon) para sa konstruksyon ng proyekto sa kabila ng pananalasa ng matinding krisis sa ekonomya na idinulot ng pandemyang Covid-19 sa bansa.

Ang MCRP ay bahagi ng dambuhalang proyektong North-South Commuter Railway Project, isa sa mga nangungunang proyektong pang-imprastruktura sa ilalim ng ambisyosong programang Build, Build, Build ng rehimeng Duterte. Layunin diumano nitong idugtong ang sistema ng tren sa pambansang kabisera sa Central Luzon at paiiksiin ang byahe mula Bulacan tungong Clark, Pampanga. Aagawin ng proyekto ang 455,000 ektarya ng mga lupaing residensyal, agrikultural at komersyal sa Malolos, Calumpit at Apalit sa Bulacan; Minalin, Sto. Tomas, San Fernando, Angeles at Mabalacat sa Pampanga; at Bamban at Capas sa Tarlac. Sasaklawin nito ang 59 barangay sa tatlong prubinsya, kalakhan (40 barangay) ay nasa Pampanga.

Pinakamalalawak ang kakamkaming lupa at pinakamarami ang mapalalayas na pamilya sa San Fernando (167,000 ektarya, 823 pamilya), Calumpit (61,000 ektarya, 328 pamilya) at Angeles (60,000 ektarya, 197 pamilya). Sa kabuuan, mayorya sa mga pamilyang mapalalayas (1,173) ay mga maralitang walang pag-aaring titulo sa lupa, at sa gayon ay kakarampot lamang ang maaaring makuhang benepisyo mula sa rehimen. Isang beses lamang silang makatatanggap ng ayudang pinansyal na ₱15,000 alinsunod sa ipinapanukalang programang rehabilitasyon ng DOTr na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin umuusad.

Halos kalahati (49%) sa mga mapalalayas ay mahigit dalawang dekada nang naninirahan sa apektadong mga lugar, habang sangkatlo naman ang nagsabing isa hanggang sampung taon na silang naninirahan doon. Hindi bababa sa 1,089 na istruktura ang idedemolis para bigyang daan ang paglalatag sa riles at istasyon ng tren. Tinatayang 784 sa mga ito ay mga bahay, 199 ang istrukturang komersyal, at 97 ang istrukturang industriyal.

Ayon sa inisyal na pag-aaral na inilunsad mismo ng DOTr bago simulan ang proyekto noon pang 2018, marami sa mga apektadong pamilya ang nagpahayag ng pagkabahala kaugnay sa programang relokasyon ng rehimen dahil karamihan ng ipinanukalang mga erya ng relokasyon ay malayo sa trabaho at pamilihan, ospital at eskwelahan, at mangangahulugan ng dagdag gastos. Marami rin sa mga negosyanteng mapalalayas ang nababahala dahil mawawalan sila ng regular na mga kliyente, at sa posibleng kawalan ng sapat na espasyo para sa negosyo sa kanilang mga paglilipatan. May ilang ulat din ng kawalan ng akses sa tubig at kuryente sa ilang mga erya ng relokasyon.

Karapatan sa paninirahan, sasagasaan ng MCRP