Mga magsasaka, lugi sa bagsak-presyong palay
Patuloy ang pagkalugmok sa kahirapan ng masang magsasaka ng palay dahil sa pagsasamantalang pyudal, kawalang-suporta sa produksyon, bagsak presyong pagbebenta at todong pag-iimport ng murang bigas.
Hirap na hirap ang mga magsasaka dahil sa pagsadsad ng presyo ng palay. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nasa ₱17.14 hanggang ₱20.87 kada kilo ang presyo ng pagbili ng palay sa mga magsasaka sa nagdaang limang taon. Subalit ayon sa mga grupong magsasaka, sa aktwal, sumasadsad sa ₱7-₱10 kada kilo ang presyo nito sa nakaraang dalawang taon. Naitala ito sa ilang prubinsya ng Central Luzon na pangunahing prodyuser ng palay sa bansa.
Malaon nang iginigiit ng mga grupong magsasaka na bilhin ang palay sa mga magsasaka sa presyong ₱20 kada kilo bilang pansuporta sa lokal na produksyon. Sa kabila ng mababang presyo ng pagbili ng palay, ibinebenta ang bigas sa abereyds na tingiang presyo na ₱42.59 sa nagdaang limang taon at umabot sa pinakamataas na ₱45.18 noong 2018.
Lalong nahihila ang presyo ng palay dahil sa pagbaha ng imported na bigas matapos isabatas ang Rice Tariffication Law (RTL) noong Pebrero 2019. Naitala noong taong iyon ang pinakamataas na bolyum ng imported na bigas na pumalo sa 3.131 milyong metriko tonelada (MT) o higit limang beses na mas malaki kaysa noong 2016. Nananatiling mataas ang importasyon sa 2020 at 2021. Taliwas sa pagdadahilan ng mga tagapagtaguyod ng RTL, nasa 1% lamang ang ibinaba sa presyo ng bigas sa mga palengke.
Halos wala nang kinikita ang masang magsasaka sa palay. Umaabot sa ₱12.41 kada kilo ang karaniwang gastos nila sa produksyon. Malayong mataas ito kung ikukumpara sa gastos sa produksyon sa Vietnam na nasa ₱6.22 kada kilo at sa Thailand na nasa ₱8.86 kada kilo.
Lubhang maliit ang saklaw ng batas sa libreng irigasyon. Kahit pa naisabatas ito noong 2018, papaliit naman ang badyet na inilaan dito. Mula ₱41.67 milyon noong 2018, nasa ₱35.29 milyon na lamang ito noong 2020.
Dagdag pahirap sa mga magsasaka ang paglobo ng presyo ng abono. Ang urea, isa sa karaniwang abonong ginagamit ng mga magsasaka ng palay, ay nagmahal nang 12.06% mula 2016 tungong ₱1,046.44 noong 2020. Nagtaasan din ang presyo ng ibang karaniwang ginagamit na abono tulad ng ammonium sulfate (8.32%), diammonium phosphate (7.57%) at iba pa.
Humigit-kumulang lima’t kalahating sako (50 kilo kada sako) ang ginagamit na abono sa isang ektaryang palayan. Kung kukwentahin, tumaas ang gastos ng mga magsasaka sa abono nang ₱688-₱711 sa kada ektaryang sinasaka.
Sa datos ng PSA, “pinakamataas” ang produksyon ng palay sa bansa—19.44-milyong MT noong 2020. Pero ito ay dulot pangunahin ng mas mataas na bolyum ng ulan at mas mabababang ani sa naunang mga taon dulot ng El Niño. Ito ay sa kabila ng pagbaba ng tinatamnang erya mula relatibong mataas na 4.81 milyong ektarya noong 2017 tungong 4.53 milyong ektarya sa 2020 (bawas nang 300,000 ektarya.)
Baha at mababang presyo
Sa huling siklo ng pagtatanim ng palay noong Hunyo, gumastos ang magsasakang si Miguel nang ₱19,350 para sa abono sa tatlong ektaryang palayan. Dagdag pa sa gastusin ang herbisidyo na ₱5,730 at pestisidyo na ₱4,324. Inuupahan niya ang mga makinang pansaka at nagpapasahod ng ilang magsasaka para makatuwang sa pag-aani sa kabuuang halaga na ₱16,200 para sa tatlong ektarya.
Dagdag pahirap sa kanya ang pagkasira ng halos sangkapat ng kanyang tanim dahil sa bagyong nanalasa sa South Cotabato. Nakapag-ani lamang siya ng 170 sako (69.47 kilo kada sako) ng palay noong Setyembre. Ikakaltas dito ang 13 sako (8%) bilang upa sa harvester na kanyang ginamit. Dito rin ibabawas ang 12 sakong pambinhi sa susunod na siklo.
Ang natirang 145 sako na netong ani ay kakaltasan ng 25% o 36 sako bilang bayad sa may-ari ng lupa. Ibabawas dito ang 30 sako bilang pambayad utang sa pinansyer (18 sako) at pangkonsumo (12 sako) ng pamilya.
Maibebenta lamang niya sa presyong ₱13.50 kada kilo ang nalalabing ani. Samu’t saring kaltas pa ang kukunin ng komersyante sa pagbebenta nito. Makakukuha lang ng umaabot sa ₱70,134 si Miguel at kailangang bayaran ang nasa ₱60,000 gastos sa produksyon at iba pang utang. Matitira na lamang sa kanya ang ₱10,134 na pagkakasyahin hanggang sa susunod na anihan.