Mga bagong kandidato ng Makabayan para sa Senado at Kongreso

,

Pormal na ihinirang ng koalisyong Makabayan sa pambansang kumbensyon nito noong Setyembre 27 sina Atty. Neri Colmenares at unyonistang si Elmer Labog bilang kandidato sa pagkasenador sa halalang 2022. Bago nito, nag-anunsyo noong Setyembre 26 ang mga progresibong partidong Bayan Muna, Anakpawis Partylist, Gabriela Women’s Party, Kabataan Partylist at ACT Teachers Partylist ng kumpletong listahan ng kanilang mga nominado sa Kongreso.

Inihalal ng Bayan Muna bilang unang nominado nito si Teddy Casiño, kasunod sina Rep. Ferdinand Gaite bilang pangalawang nominado at si Amirah Lidasan, pangkalahatang kalihim ng Moro Christian People’s Alliance at kumbenor ng Sandugo.

Muling inihalal ng Gabriela Women’s Party si Rep. Arlene Brosas bilang unang nominado. Tatayong pangalawa at pangatlong nominado sina Dr. Jean Lindo at Lucy Francisco.

Inihalal ng Anakpawis Partylist ang dating kalihim ng Department of Agrarian Reform at kinatawan nito mula 2004 hanggang 2013 na si Rafael “Ka Paeng” Mariano bilang unang nominado. Sina Lana Linaban ng Kilusang Mayo Uno at Francisco Mariazeta, Jr. ang tatayong pangalawa at pangatlong nominado ng partido.

Pinili rin ng ACT Teachers Party-list ang kasalukuyan nitong kinatawan sa Kongreso na si Rep. France Castro bilang unang nominado. Sina Antonio Tinio, na kumatawan sa partido sa Kongreso mula 2010 hanggang 2019, ang pangalawang nominado at si Dr. David Michael San Juan ang pangatlo.

Si Raoul Manuel, dating presidente ng National Union of Students of the Philippines, ang pinili ng Kabataan Partylist bilang unang nominado. Sina Angelica Galimba at Jandeil Roperos ang magsisilbing pangalawa at pangatlong nominado ng partido.

Mga bagong kandidato ng Makabayan para sa Senado at Kongreso