Mga sandata sa brutal na pambobomba at pangraratrat

,

Sa ilalim ng pasistang rehimeng Duterte, sinimulang gamitin ang brutal na taktika ng paggamit ng mga drone, helikopter at fighter jet sa pambobomba at pagraratrat mula sa himpapawid sa gerang kontra-insurhensya.

Sa nagdaang mga taon, kaliwa’t kanan ang pagbili ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga kagamitan para palakasin ang “superyoridad sa himpapawid” nito. Daan-daang bilyong piso ang nilustay para sa pagbili ng mga drone, helikopter, fighter jet, rocket, kanyon, at bomba. Pinalalabas na bahagi ito ng “modernisasyon” ng mga kagamitang militar para sa paghahanda sa pagdepensa laban sa panghihimasok sa South China Sea. Ang totoo, malaking bahagi nito ay ginagamit sa todo-gera laban sa mamamayan sa kanayunan.

Sa kasalukuyan, may 17 medium-altitude long-endurance drone ang AFP, kabilang ang walong Hermes 450 (may pakpak na 10.5 metro, nakalilipad sa taas na 5.4 kilometro at tumatagal sa ere nang 17 oras) at siyam na Hermes 900 (pakpak na 15 metro, lipad na 10.3 kilometro at nagtatagal nang 36 oras sa ere). Binili ang mga ito sa kumpanyang Elbit Systems ng Israel na kasosyo ng US. Dagdag pa rito ang hindi bababa sa 15 ScanEagle drone ng AFP. Ginagamit ang mga drone na ito para sa estratehikong pagsarbeylans sa malalawak na erya.

Mayroon ding mas maliliit na drone katulad ng Raptor 1, Knight Falcon 1, at RQ-11 Raven 3 sa arsenal ng AFP na mas mababa ang kapasidad at kayang pumaimbulog nang maksimum na hanggang 5 kilometro. May maliliit na quadcopter (apat na elisi) na mas mababa ang lipad at ginagamit kaakibat ng mga operasyong taktikal. May nakatakdang ideliber na 1,066 na ganitong quadcopter. Katuwang din ng AFP ang mga pwersang militar ng US na gumagamit ng mga drone na kinokontrol mula sa base nito sa kampo sa Zamboanga City.

Ang mga drone ay mga eroplano na walang sakay na tao na malayuang kinokontrol sa pamamagitan ng satelayt o radyo. Karga ng mga ito ang malalakas na electro-optical camera (kumukuha ng larawan), infrared thermal imaging camera (kumukuha ng larawan gamit ang temperatura) at iba’t ibang kagamitan para sa pagsarbeylans sa lupa. Wala pa sa arsenal ng AFP ang mga armadong drone, bagaman may mga ulat mula 2018 na may mga drone na naghulog ng bomba. Sa ngayon, masinsin ang paggamit ng mga drone sa intelidyens, sarbeylans, rekonaysans (o pagmamanman) at “target acquisition” o paghahanap ng target. Gumagamit din ang AFP ng mga de-pilotong eroplanong Cessna na may dalang kagamitang pangsarbeylans.

Ginagamit ng AFP sa pambobomba ang mga panalakay na helikopter tulad ng MD-520MG at Agusta Westland (AW 109). Sa kasalukuyan, hawak ng AFP ang 13 AW 109 at 15 MD-520MG. Nambobomba ang mga helikopter na ito gamit ang 6-7 rocket (bombang dala ng rocket) na may dayametro o taba na 2.75 pulgada at bigat na 15 kilo ang bawat isa. Mayroon ding mga rocket na Hydra na 6.2 kilo. Gumagamit din ang AFP ng mga Sikorsky na helikopter na maaari ring kargahan ng masinggan para mang-istraping.

Ginagamit din ng AFP sa pambobomba ang mga eroplanong pandigma katulad ng FA-50 fighter jet (na binili noon pang 2014) at A-29B Super Tucano (na sisimulang gamitin sa 2023 matapos ang panahon ng pagsasanay). Ang FA-50 ay kayang lumipad sa bilis na 1,837.5 kph (kilometro kada oras), habang ang Super Tucano ay 590 kph. May kapasidad ang mga eroplanong ito na magkarga ng hanggang pitong malalaking bomba. Bumili ang AFP ng mga bombang AGM-65 Maverick na tumitimbang na 210-304 kilo (katumbas ng 4-6 na sakong bigas). Gumagamit din ang AFP ng mga eroplanong Bronco, OB-12 at Marchetti jet sa paghuhulog ng bomba. Inihuhulog ang bomba batay sa impormasyon na nakukuha sa mga drone.

Bukod sa pagdadala ng bomba, ang mga eroplanong pandigma na ito ay maaari ring magdala ng mga rocket. Kinakabitan din ito ng M61 Vulcan na masinggan na may kapasidad na awtomatikong bumuga ng 6,000 bala sa isang minuto. Ang pangraratrat mula sa himpapawid ay isinasagawa kahit walang malinaw na target sa lupa. Isinasapeligro nito ang buhay ng sinumang maaaring datnan nito at sumisira ng mga puno, tanim at iba pa. Ang ganitong pagraratrat ay bahagi ng taktika para lumikha ng takot sa mga nasa lupa at palakasin ang loob ng kanilang sariling tropa.

Ang mga rocket at bomba ay lubhang malalakas na uri ng sandata. Sa gera, kadalasang ginagamit ito sa matitigas na target na may malakas na depensa katulad ng mga kampong militar o mga barkong pandigma. Ang isang bombang 500-libra ay kayang magpaguho ng isang katamtamang laking gusali o kaya’y humukay sa lupa ng butas na 15 piyeng lalim at 30 piyeng lapad. Lalong mapaminsala ang mga bombang ito kapag ito’y kinakabitan ng “proximity fuse” na nagpapasabog sa bomba bago ito tumama sa lupa.

Dapat ding banggitin ang walang kapararakang paggamit ng AFP ng mga kanyong howitzer. Ang mga kanyong ito ay kinakargahan ng mga bombang 105mm (13 kilo) o 155mm (43.7 kilo). Ang 105mm ay kayang paliparin nang layong 11 kilometro, habang layong 23.5 kilometro ang pwedeng liparin ng 155mm. Ang mga kanyong ito ay may gulong at hinihila ng mga trak ng militar at kadalasang ipinupwesto sa tabi ng mga baryo. Ang bawat pagsabog nito ay naghahatid ng labis na takot sa mga residente.

Mga sandata sa brutal na pambobomba at pangraratrat