Bentahan at pandaraya sa pribatisadong eleksyon
Habang papalapit ang eleksyong 2022, lumalakas ang ugong sa iba’t ibang bahagi ng bansa kaugnay sa bilihan ng mga boto gamit ang mga makinang Smartmatic. Ayon mismo sa ilang tumatakbo para sa lokal na pusisyon, may mga ahente ng Smartmatic na sumisingil ng ₱60 milyon kapalit ng pagsiguro ng pagkapanalo ng isang kandidato.
“Sa nakaraang eleksyon, ₱7 milyon lang ang sinisingil para manalo,” ayon sa isang kumakandidato. “Mas mataas na ngayon malamang dahil napatunayang kayang-kaya nila ang dayaan. Nanalo ang mga nagbayad at wala namang nangyari sa mga protestang elektoral sa lokal na antas.”
Matatandaang mayorya sa mga nanalo sa eleksyong 2019 ay mga kandidatong binuhusan ng pondo at rekurso ng partido at alyadong partido ni Rodrigo Duterte. Ito ang eleksyong may padrong tinaguriang “60-30-10” o pamamahagi ng boto alinsunod sa itinakdang 60% ang mapupunta sa mga kandidato ng administrasyon; 30% para sa oposisyon; at 10% para sa iba pang kandidato.
Ito rin ang eleksyong nalantad ang vote-shaving o pagkakaltas sa mga boto ng mga progresibong partidong tumatakbo sa sistemang party-list. Sa isinagawa noon na imbestigasyon ng partidong Anakpawis sa isang klaster ng mga presinto, lumabas na malayo sa bilang ng kanilang mga myembrong bumoto ang pinadala ng Smartmatic na botong nakuha ng partido sa lugar. Sistematiko at kalkuladong tinapyasan ang mga boto ng partido para tiyaking di nito maaabot ang rekisitong bilang para makaupo ang mga kinatawan sa Kongreso.
“Parang mahika,” ayon pa sa nakapanayam ng Ang Bayan na kandidato. “Nakaprograma na sa mga makina kung kanino mapupunta ang mga boto bago pa ang botohan.” Pinasisinungalingan nito ang ipinagmamalaki ng Commission on Elections na “99% accuracy” o katumpakan ng mga makina ng Smartmatic.
Sistemang di maaasahan
Noong Enero 28, isiniwalat mismo ng upisyal ng Cybercrime Investigation and Coordination Center (CICC) sa ilalim ng Department of Information and Communications Technology sa isang pagdinig sa pinagsanib na komite ng mga kongresista at senador na “nakompromiso” at di na maaasahan ang dekompyuter na sistema ng bilangan ng kumpanyang Smartmatic. Ibinunyag ito matapos mapabalita na napasok ng mga hacker ang mga server ng Comelec at nakuha ang maseselang impormasyon mula rito. Pinabulaanan ito ng mga upisyal ng komisyon at sinang-ayunan ng CICC. Sa halip, itinuro ng CICC na ang mga server ng Smartmatic ang “nakompromiso” dahil sa mahinang sistema nito.
Umaabot sa ₱3.1 bilyon ang halaga ng mga kontratang iginawad ng Comelec sa Smartmatic USA Corp. at lokal na subsidyaryo nitong SMMT-TMI (Smartmatic Philippines) para sa eleksyong 2022. Kabilang sa binayaran ng Pilipinas ang automated election software, serbisyong transmisyon ng mga boto, pagsasaaayos ng mga vote counting machine na ginamit sa nagdaang eleksyon at pagbili ng dagdag na 10,000 makina at ekstrang mga baterya. Sa maiksing salita, ang Smartmatic ang tatanggap ng boto, magbibilang at, magkokonsolida ng mga boto mula sa iba’t ibang mga presinto at magpapadala ng mga resulta nito sa Comelec. Ang buong proseso ay di lantad sa publiko at walang kasiguraduhan ang mga botante, mga tagapagmasid at kahit ang Comelec, na nabibilang o nabibilang nang tama ang bawat boto.
Apat na beses nang nakopo ng Smartmatic ang matatabang kontrata para sa dekompyuter na eleksyon. Mula 2010 ay umabot na sa kabuuang ₱20.85 bilyon ang pondong nahuthot nito mula sa kaban ng Pilipinas. Batbat ng anomalya ang proseso ng paggawad ng mga kontrata na kinasasangkutan ng matataas na upisyal ng Comelec.
Ang dekompyuter na sistema ng bilangan ay matagal nang ibinasura sa maraming bansa at ibinalik ang manu-manong pagbibilang sa antas-presinto, habang pinanatili ang elektronikong sistema ng pagkakanbas ng boto.
Pinalubha ng dekompyuter na botohan at bilangan ang pribadong kontrol sa eleksyon at ang malawakang pandaraya rito. Dahil hawak ng mga dayuhang may-ari, kanilang mga inhinyero at ahente ng Smartmatic ang software at mga makinang ginagamit sa pagboto, pagbibilang ng boto at pagpapadala ng mga resulta ng mga presinto, kayang-kaya nilang panghimasukan at manipulahin ang eleksyon mula sa antas-lokal hanggang nasyunal. Katambal ng tradisyunal na bilihan ng boto sa mga baryo at komunidad, sinuman ang may pinakamalaking rekurso ang makananakaw ng eleksyon.