Editoryal Labanan ang “lokal na kapayapaan”

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynonBisaya

Bukambibig ng tiranong si Rodrigo Duterte, ng mga pasistang upisyal ng NTF-Elcac, mga heneral at maging ng ilang kandidato sa pagka-presidente ang konsepto ng “lokal na kapayapaan” para ikubli ang kasalukuyang walang-habas na teroristang paninibasib sa mga sibilyan at sa kanilang mga komunidad. Ito ang nilalaman ng Executive Order 158 ni Duterte na nagdeklara ng “peace, reconciliation and unity” (“kapayapaan, pagkakasundo at pagkakaisa”) bilang mapanlinlang na pangontra sa matagal nang hinahangad ng sambayanan na makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Asahang paulit-ulit itong iwawasiwas sa mga darating na panahon para tabingan ang pagsidhi ng teroristang paninibasib laban sa mamamayan.

Ang “lokal na kapayapaan” ng pasistang rehimeng US-Duterte sa katunaya’y isa lamang bagong katawagan at anyo ng luma nang mga taktika sa kontra-insurhensya at pasipikasyon. Singluma na ng kasaysayan ng kontra-rebolusyon sa Pilipinas at ibang bansa ang mga taktika nito ng saywar at paniniil na tumatarget sa mga sibilyan, sa baluktot na pananaw na dapat “limasin ang dagat para walang languyan ang isda.”

Sa ilalim ng “lokal na kapayapaan,” ipinagmamalaki ng mga pasista ang “libu-libong mga sumurender” na mamamayan, na katunayan ay mga biktima ng walang-tigil na kampanya ng armadong paninindak, panggigipit, pang-aaresto at mga pagpatay. Malawakang nilalabag ang karapatan ng mamamayan na pinagkakaitan ng prosesong ligal at pagkakataong magtanggol sa sarili sa ilalim ng mga reaksyunaryong batas. Taliwas din ito sa internasyunal na makataong batas kung saan ang mga sibilyan ay itinuturing na mga armadong kombatant at target ng armadong panunupil at pagpapasurender.

Para sa mamamayan, ang “lokal na kapayapaan” na itinataguyod ng pasista at teroristang estado ay katumbas ng kawalan ng katiwasayan sa mga komunidad na dinudumog, pinalilibutan at sinasaklot ng mga abusadong tauhan ng militar at pulis. Permanenteng takot ang hatid ng pamalagiang presensya ng mga pasistang tropa sa kanilang mga komunidad na ipinaiilalim sa mga operasyon na tinaguriang Retooled Community Support Program (RCSP). Binabantayan ang lahat ng kanilang kilos, maya’t maya na nirerekisa ang kanilang mga bahay at ari-arian, kinukontrol ang kanilang ipinamimili at itinatakda ang dami ng pagkaing pwede nilang mabili. Minamanmanan sila sa kanilang pagtatrabaho sa bukid. Pinagbabawalan silang magpalawak ng kanilang mga sakahan at pinipigilang magpaunlad ng kabuhayan sa malisyosong katwirang isusuporta iyon sa hukbong bayan.

Ang dating matiwasay na kapaligiran sa mga komunidad sa kanayunan ay binalot ng takot at kaguluhan. Ang taumbaryo ay pwersahang pinagtatrabaho ng mga sundalo at pulis sa pagtatayo o paglilinis ng kanilang mga kampo. Ang mga bata at babae ay pinag-iigib ng tubig na animo’y kanilang mga utusan. Masamang impluwensya sa mga kabataan ang dala ng mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na kilala sa paglalasing, pagsasabong, pagdodroga at pagpapakalat ng pornograpiya sa kanilang mga komunidad.

Ang dating umiiral na katahimikan sa mga baryo ay binabasag ng ilang oras na pagpapalipad ng mga drone para magmanman sa mga bukid at bundok, at paglusob ng mga helikopter at jet fighter para maghulog ng bomba at magpaulan ng mga bala sa gitna ng gabi o madaling araw. Mula sa gitna ng mga baryo, nanganganyon ang mga buhong na sundalo para sindakin ang masa at palabasing sila ang hari. Kadalasang target ng pambobomba ang mga bukid at mga bundok na malapit sa komunidad na nagsasapeligro sa buhay ng mga sibilyan at pumipinsala sa kanilang mga ari-arian at pinagkukunan ng kabuhayan.

Ang “lokal na kapayapaan” ni Duterte ay manipis na komoplahe para ikubli ang mga operasyong saywar para atakehin at sirain ang pagkakaisa ng masa at mga operasyong pang-intelidyens. Ginagamit din ito para titktikan ang masa para matukoy ang mga kamag-anak nilang Pulang mandirigma at kadre ng Partido.

Tinatarget ang mga lokal na samahan na aktibo sa pagtatanggol sa mga karapatan at interes ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. Ang mga natutukoy na kasapi nito ay ginigipit at pinatitiwalag upang mabuwag ang kanilang mga organisasyon at alisan sila ng kanilang lakas na magtanggol. Nagtatayo ang militar ng mga huwad na organisasyon at pilit pinasasali ang mga tao para palabasing pabor ang komunidad sa pangangamkam ng lupa at mga proyekto ng malalaking plantasyon, mga kumpanya sa mina, panginoong maylupa at malalaking kapitalista.

Ginagamit ang karatula ng “lokal na kapayapaan” para pagtakpan ang mga kabuktutan at korapsyon ng mga pasistang sundalo. Bilyun-bilyong piso ang winawaldas sa pangungurakot sa “E-CLIP,” programang “Kalahi-Cidds,” at sa mga pinagagawang mga kalsada, eskwelahan at iba pang imprastruktura sa ilalim ng “barangay development program.” Ang mga katutubo ay inaalok ng “pabahay” kung saan pilit silang binubunot mula sa kanilang lupaing ninuno na pinagmumulan ng kanilang yaman at kabuhayan. Ang mga proyektong ito ay pinalalabas na “sagot sa hinaing” ng masang magsasaka subalit, sa aktwal, ay nagpapalala sa problema ng kawalan at pang-aagaw ng lupa.

Dapat puspusang ilantad at itakwil ng sambayanang Pilipino ang mapanlinlang na “lokal na kapayapaan.” Dapat walang sawang ilantad at batikusin ang maduming gera ng AFP at PNP laban sa mamamayan. Ilantad ang lahat ng kaso ng terorismo ng estado at mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas. Dapat gumawa ng mga hakbang at paraan na ang mga kabuktutan ng mga pasistang tauhan ng estado sa mga liblib na lugar ay maisiwalat sa pangkalahatang publiko sa pamamagitan ng midya at social media. Pukawin at gabayan ang masa na manindigan at kumilos para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at isulong ang kanilang mga pakikibaka para sa lupa at kabuhayan.

Dapat tuluy-tuloy na magpalakas at magpalawak ang Bagong Hukbong Bayan at magpunyagi sa pagsusulong ng pakikidigmang gerilya at rebolusyong agraryo. Patuloy na pahigpitin ang ugnayan at tulungan ng hukbong bayan at ng masa. Ilunsad ang iba’t ibang anyo ng taktikal na opensiba upang ipagtanggol ang masa, baklasin ang makinarya ng kaaway sa paniniktik at paniniil, kamtin ang rebolusyonaryong hustisya at parusahan ang mga pasistang kriminal.

Kunin ang suporta ng iba’t ibang sektor at internasyunal na komunidad para iwaksi ang pasistang “lokal na kapayapaan,” isulong ang panawagang wakasan ang maruming gera ng AFP at PNP, kabilang ang walang habas na pambobomba mula sa ere.

Dapat pagbuklurin ang malapad na hanay ng mamamayan para igiit na wakasan ang ideolohiya ng “kontra-terorismo” na ipinataw ng US at nagsisilbing panabing sa kanilang armadong panghihimasok. Hanggang ito ang nananaig na patakaran sa reaksyunaryong estado, lalo lamang lalaki nang lalaki ang kapangyarihan ng mga pasista at hindi mabibigyan ng puwang ang hangarin ng bayan para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

Labanan ang "lokal na kapayapaan"