Presyo ng mga bilihin, itinaas ng estado

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynonBisaya

Itinaas ng Department of Trade and Industry (DTI) ang presyo ng mga pangunahing bilihin matapos nitong pagtibayin noong Enero 27 ang mas mataas na bagong mga suggested retail price (SRP o mungkahi na tingiang presyo) ng 73 batayan at pangunahing mga bilihin.

Kumpara sa huling listahan ng SRP na inilabas ng DTI noong Agosto 29, 2021, nakatakdang tumaas nang mula 1-10% ang presyo ng mga bilihin, kabilang ang mga delatang sardinas at produktong karne, gatas, tinapay, nudels, asin, sabong panlaba at panligo, nakaboteng tubig, kandila, at baterya.

Sa kabuuan, maaaring umabot sa ₱1.25 ang dagdag na presyo sa iba’t ibang mga delatang sardinas; ₱2.25 sa mga produktong gatas; ₱3.5 sa isang balot ng tinapay; ₱0.25 sa nudels; ₱1.45 sa asin; ₱2.25 sa sabong panlaba; ₱4 sa nakaboteng tubig; ₱15 sa kandila; ₱1.5 sa meat loaf; ₱3 sa karne norte; ₱1.5 sa beef loaf; ₱1.25 sa sabong panligo; at ₱17.25 sa baterya.

Iindahin ang dagdag presyo ng mayorya ng mahigit 18.6 milyong pinakamahihirap na pamilyang Pilipino o 81.8 milyong katao na kakarampot lamang ang kinikita. Kabilang sa kanila ang 2.9 milyong pamilya na kumikita lamang ng ₱11,000 pababa kada buwan. Babalikatin din ito ng 8.4 milyong pamilya na kumikita ng ₱11,000-₱22,000, at 7.6 milyong pamilya na kumikita ng ₱22,000-₱44,000. Tinatayang umaabot sa ₱10,071 ay inilalaan ng mga pamilyang ito sa pagbili ng mga pagkain at batayang pangangailangan kada buwan. Kulang na kulang ang kanilang kinikita para punan ang pinakabatayang mga pangangailangan ng isang lima-kataong pamilya.

Inianunsyo ang pagtaas ng mga presyo matapos ipagmayabang ng rehimen na tuluy-tuloy na bumababa ang tantos ng implasyon sa nakaraang ilang buwan. Gayunpaman, ang pagbabang ito ay dulot pangunahin ng paghina ng demand na bunsod ng disempleyo, pagbagsak ng kita, pagkaubos ng impok at mas mababang paggasta ng mga pamilya. Sa kabuuan, bumagsak nang mahigit 5% ang paggasta ng mga pamilya para sa kanilang konsumo noong huling kwarto ng 2021 kumpara sa ikatlong kwarto.

Sa walang patumanggang pagtaas ng mga presyo, inasahan na lalupang mahihirapan ang mga pamilyang salat na salat na ang kita para abutin ang sapat na nutrisyon. Ayon sa isang pag-aaral ng Foodlink Advocacy Cooperative, tinatayang kinakailangan ng isang pamilyang Pilipino na may limang myembro ng ₱14,368 kada buwan para sa sapat at masustansyang pagkain alinsunod sa Pinggang Pinoy. Ang Pinggang Pinoy ay isang gabay sa pagkain na itinakda ng Food and Nutrition Research Institute para matiyak na nakakukuha ng sapat na enerhiya at nutrisyon ang katawan ng mga mamamayan.

Presyo ng mga bilihin, itinaas ng estado