Pinsalang hatid ng mga pagmiminang open-pit
Nagkulay-kahel ang Mapagba River at tabing dagat sa Barangay Maputi, Banaybanay, Davao Oriental noong Enero 14 matapos umagos ang mga kemikal at dumi mula sa umapaw na imbakan ng latak sa mina. Sa ilog at dagat nagmumula ang kabuhayan ng taumbaryo, at bago mangyari ang naturang insidente, sa ilog pa naliligo at naglalaba ang mga residente. Sa mga panayam sa midya, nagpahayag sila ng pagkabahala na magkasakit, at sa pagkasira ng paligid at pagtigil ng kanilang pangingisda.
Ilang kilometro sa ilaya ng ilog ay ang Riverbend Consolidated Mining Corporation na responsable sa insidente. Saklaw ng kumpanyang Chinese na ito ang 6,363 ektaryang open-pit na mina ng nickel. Nabigyan ito ng kontratang mag-opereyt noong 2016 sa Barangay Maputi at lima pang katabing barangay.
Bago nito, isinapubliko ang isang ulat kaugnay sa pagkalason din ng mga ilog sa Mt. Bulanjao sa Palawan dulot ng pag-apaw ng nakalalasong mga kemikal mula sa minahan ng Rio Tuba. Ang Rio Tuba ay pagmamay-ari ngayon ng Nickel Asia, na nagpapatakbo ng mga minahan ng nickel sa Taganito sa Surigao del Norte. Nilason ng mga operasyon ang mga ilog at dagat sa parehong lugar.
Malaking kahihiyan sa mga upisyal ng rehimeng Duterte ang talamak na pagsira sa kalikasan lalupa’t binawi nila ang pagbabawal sa pagmiminang open-pit noong Disyembre 23, 2021 sa kabila ng pagtutol ng mga grupong makakalikasan. Dahil dito, tiyak na pinangangambahang sisikad muli ang pananalasa ng naturang paraan ng pagmimina na ipinatigil noong 2017.
Hukay dito, hakot doon
Matapos isabatas ang Mining Act of 1995, lalong nanalasa sa bansa ang mga pagmiminang open-pit. Sa operasyong ito, ang dating kabundukang may makakapal na gubat na mayaman sa buhay ay naging ekta-ektaryang hukay. Karugtong din nito ang malawakang pagpapalayas sa mga komunidad ng magsasaka at katutubo. Nag-iiwan din ang mga kumpanyang mina ng mga dam na imbakan ng lasong kemikal na ginamit sa panimulang paglilinis sa mineral bago iluwas sa ibang bansa.
Ayon sa ulat ng reaksyunaryong gubyerno, noong Disyembre 2020 pa lamang ay mayroon nang mahigit 729,000 ektarya na saklaw ng iba’t ibang tipo ng kontrata sa pagmimina. Pinakamalawak ang miminahin sa Caraga na umaabot ng mahigit 140,000 ektarya. Hindi pa kabilang dito ang milyun-milyon pang ektarya na sasaklawin ng mga pinoprosesong aplikasyon ng dambuhalang mga kumpanya.
Ang insidente sa Banaybanay ang pinakahuli sa kasaysayan ng matitinding sakunang dulot ng pagmiminang open-pit. Kabilang dito ang sakuna sa Itogon, Benguet noong Agosto 2012 nang umapaw sa mga ilog ang 20 milyong metriko toneladang latak mula sa dam ng Philex Mining.
Noong Oktubre 2005, tumagas ang mga lasong kemikal at heavy metal mula sa imbakan ng latak ng kumpanyang Australian na Lafayette Mining Limited sa mga ilog at dagat ng Rapu-Rapu, Albay. Nagresulta ito sa pagkamatay ng mga isda at pananim, at pagkawala ng kabuhayan ng mga residente sa ilang barangay sa Albay at Sorsogon.
Isa sa pinakamatitinding sakuna ang nangyari noong Marso 1996 sa Boac at Mogpog sa Marinduque. Tumagas sa ilog at baybayin ang mahigit 1.6 milyong metriko kubiko na latak ng Marcopper Mines. Pinatay nito ang Boac River, mga pananim at alagang hayop ng mga residente. Ilang residente ang namatay, at libu-libong iba pa mula sa 20 barangay ang napilitang lumikas. Natuklasan rin na bago nito ay 16 na taon nang nagtatapon ng nakalalasong latak sa dagat ang Marcopper, na umabot sa 200 milyong tonelada.
Peke ang “responsableng pagmimina”
Karaniwan ang mga insidente ng pagkalason ng tubig sa mga operasyong open-pit. Ito ay dahil interesado lamang ang dayuhang mga kumpanya na isagad ang makukuhang ganansya.
Huwad ang mga panawagan nito para sa “responsableng pagmimina.” Itinutulak lamang ito ng mga imperyalista para bigyan ng pribilehiyo ang dayuhang mga kapitalista kumpara sa lokal na mga mamumuhunan.
Sa loob ng maraming dekada ay nabansot ang ekonomya ng Pilipinas dahil halos 100% ng yamang mineral ng bansa ay ine-eksport upang iproseso sa ibayong dagat. Nangunguna sa mga ito ang kapitalistang mga bansang China, Japan, Canada at Australia. Ang mayamang rekursong mineral ng bansa ay binibili sa murang halaga ng dayuhang mga kumpanyang lumilikha ng asero at iba pang kalakal na siya namang pinagtutubuan matapos muling ibenta sa Pilipinas.
Sa gayon, ang pinakabatayang kasamaan ng pagmimina sa bansa ay dahil kontrolado at nagsisilbi ito sa interes ng malalaking dayuhang kapitalista, at hindi sa lokal na produksyong pang-industriya.