Paano dadami ang trabaho kung bagsak ang produksyon?
Ang “pagdami ng trabaho” noong nakaraang taon ang isa sa mga kababalaghang ipinalalaganap ng mga upisyal sa ekonomya ni Rodrigo Duterte. Nais nitong pagtakpan ang pinsala na idinulot ng mga lockdown, kawalan ng pampasikad na ayuda at palpak na tugon ng rehimen sa pandemyang Covid-19.
Ipinagyabang ng rehimeng Duterte na 1.5 milyong trabaho ang “nadagdag” sa sektor ng agrikultura noong 2021. Ito ay sa kabila ng 1.7% pagsadsad ng produksyong pang-agrikultura noong 2021, na mas malala pa sa 1.2% pagbagsak noong 2020. Katunayan, pinakamababa ito sa nagdaang dalawang dekada.
Ayon sa pananaliksik ng Ibon Foundation, sa panahong 2019-2021, kumitid nang 0.5% ang produksyon sa agrikultura. Pero sa parehong panahon, tumaas ang tantos ng empleyo sa sektor nang 15.1%. Kung paniniwalaan ang datos na ito, ibig sabihin ay lumiit nang 13.5% ang abereyds na output ng bawat magsasaka at manggagawang bukid sa panahong ito.
Sa 2021 lamang, lahat ng subsektor ng agrikultura liban sa mga pananim ay nagtala ng pagbagsak. Pinakamalaki ang ibinagsak ng produksyon ng karne (17% sa 2021 kumpara sa 7.4% noong 2020). Hindi pa rin nakababawi ang produksyon ng manok at itlog, gayundin ang pangisda.
Ayon sa mga organisasyong magsasaka, kumitid ang sektor dulot ng mga restriksyong ipinataw sa ngalan ng pandemya, pagbaba ng demand dulot ng pagbagsak ng kita at sahod, at walang habas na importasyon ng mga pagkain na lalupang humila pababa sa presyo ng pagbili ng mga lokal na produktong agrikultural. Noong Setyembre 2021 halos isang milyong trabaho ang nawala sa sektor. Kataka-takang hindi lamang nabawi ang nawalang mga trabaho, kundi nadagdagan pa sa huling kwarto, gayong humambalos ang bagyong Odette noong Disyembre 2021. Tinatayang ₱11.7 bilyon ang halaga ng pinsala ng bagyo sa agrikultura.
Hindi rin kapani-paniwala ang pagtaas ng tantos ng empleyo sa sektor ng kalakalang pakyawan at tingian. Ayon sa datos ng estado, nadagdagan ng 1.4 milyon ang mga nagtatrabaho sa sektor pero 4.3% lamang ang itinaas ng output nito. Ibig sabihin, mas mababa ang abereyds na output at tinatanggap na sahod ng bawat manggagawa.
Sa sektor ng pagmamanupaktura, ang sinasabing 3.4 milyong trabaho ay mas mababa pa rin ng 266,000 sa dami ng may trabaho rito bago magpandemya. Mas mababa rin ang bilang ng mga nagtatrabaho sa sektor ng transportasyon at pagbobodega, akomodasyon at serbisyong pagkain (mga restawran at iba pa) kumpara sa dami nito noong 2019.
“Mas mataas pa rin nang 3.2 milyon ang bilang ng mga walang trabaho noong Nobyembre 2021 kumpara noong Enero 2020 bago rumagasa ang pandemya,” ayon sa Ibon. Dagdag dito, impormal at mababa ang sahod at kita ang klase ng mga trabahong nalilikha sa nakaraang dalawang taon.
Inilabas ang datos sa empleyo bago inilabas ang estadistika kaugnay sa lokal na produksyon (gross domestic product o GDP) ng Pilipinas na sinasabing lumago nang 5.6% sa 2021. Nagmumukha itong paglago dahil nagmula ito sa -9.6% na pagbagsak ng GDP noong 2020. Kung tutuusin, malayo pa rin ito sa sinasabing abereyds na tantos na 6.4% paglago sa nakaraang 10 taon bago ang pandemya.
“Mas maliit pa rin nang 4.5% ang ekonomya sa 2021 kumpara sa 2019,” ayon sa Ibon. Direktang resulta ito ng mahihigpit na lockdown na walang kaakibat na ayudang pampinansya na sana’y nagpataas sa kakayahan ng mga pamilya na makabili ng pangangailangan at umagapay sa krisis, ayon sa grupo. Wala ring subsidyo na sana’y nakatulong sa pagpapalutang sa maliliit hanggang katamtamang-laking mga negosyo.
Magiging panandalian lamang ang mabilis na paglago sa katapusan ng 2021, ayon pa sa institusyon. “Malamang na maglalaho sa unang kwarto ng 2022.”