3 konsultant ng NDFP, iligal na inaresto

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Tatlong konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang iligal na inaresto ng mga pwersa ng militar nitong nakaraang dalawang linggo. Dalawa sa kanila ang hindi pa inililitaw. Samantala, dalawang lider masa na sangkot sa kampanyang elektoral ang magkasunod na tinangkang patayin at 13 sibilyang Lumad ang iligal na ikinulong.

Dinukot ng mga elemento ng Eastern Mindanao Command ng AFP si Ezequiel Daguman, konsultant ng NDFP sa Southern Mindanao. Mula pa Marso 7 nawawala si Daguman. Dinukot siya habang nasa biyahe papuntang komunidad ng mga magsasaka sa New Corella, Davao del Norte. Nakatakda sana siyang makipagkonsultahan sa mga manggagawa at magsasaka sa plantasyon.

Sa Northern Samar, dinukot ng militar ang konsultant na si Edwin Alcid, kilala bilang Ka Veejo, at dalawa niyang kasamang sibilyan noong Marso 8 sa Barangay San Jose, Catubig. Si Ka Veejo, 74 taong gulang, ay may diabetes at kailangan ng atensyong medikal. Hindi pa rin inililitaw ng AFP si Ka Veejo, retiradong kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ayon sa ulat, dalawang helikopter ng AFP ang lumapag sa baryo para kunin sila.

Isa pang konsultant, si Ramon Patriarca, ang iligal na inaresto noong Marso 18 sa Negros. Kasamang inaresto sina Carmen Jonahville Matarlo at John Michael Baldonado, mga aktibistang mananaliksik na nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga asyenda ng pamilyang Cojuangco sa Sityo Tondo, Barangay Suay, Himamaylan, Negros Oriental. Sinampahan sila ng gawa-gawang kaso.

Bigong pagpatay. Binaril ng di kilalang mga lalaki si Larry Villegas, lider ng Piston-General Santos at kampanyador ng Bayan Muna noong Marso 13. Pinasok ng mga salarin ang kanyang bahay sa Barangay Buayan, General Santos City. Nauna na siyang ni-redtag ng NTF-ELCAC.

Samantala, hinarang at tinutukan ng kalibre .45 ng di kilalang kalalakihan si Amalia Alcantara, lider-maralita sa Pook Malinis, Barangay UP Campus, Quezon City noong Marso 12. Nabigo naman ito nang agad na rumesponde ang mga residente sa lugar.

Iligal na pang-aaresto at detensyon. Sa Bukidnon, limang sibilyan ang iligal na inaresto sa Sityo Kilap-agan, Barangay Can-ayan, Malaybalay City noong Marso 3, habang nagtotroso para sa kanilang mga bahay nang maabutan sila ng 1st Scout Ranger Battalion. Sila ay tinortyur, tinaniman ng matataas na kalibreng baril, pampasabog at laptop, at pinalabas na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan.

Siyam na magsasaka, walo ang Lumad, ang idinetine simula unang linggo ng Marso sa Barangay White Culaman, Kitaotao, Bukidnon ng mga sundalo ng 72nd IB sa isang lokal na klinik. Pinwersa silang “sumuko” bilang kasapi ng BHB para “linisin” ang kanilang mga pangalan at ngayon ay iligal na ikinulong ng mga sundalo.

Sa Cavite, 10 boluntir ng kampanyang Makabayan for Leni-Kiko ang inaresto noong Marso 10 sa Sityo Silangan at Talaba 7, Bacoor. Sa tabing ng “gera kontra-droga” sinalakay ng yunit ng PNP-Bacoor ang komunidad. Tatlo rin ang sugatan sa pagsalakay na kinilalang sina Charlie Aquino, Richard Felipe at Johnmelda Lucernas. Binugbog din si Joel Salabanya, bise presidente ng Anakpawis Partylist-Cavite at pinaputukan ang kanyang asawa.

Iligal ding idinetine ng PNP-Silang, sa Silang, Cavite si Jonathan Mercado, tagapagsalita ng Teatro Kabataan Mula sa Nayon at dalawa pa niyang kasama. Nakalaya rin siya makalipas ang dalawang araw na pagkakakulong. Inaresto ang mga progresibo ilang araw matapos i-red tag ni Sen. Panfilo Lacson at Cong. Crispin Remulla ang mga dumalo sa raling Leni-Kiko sa Cavite.

Inaresto si Carlo Reduta, organisador ng grupong Coco Levy Funds Ibalik sa Amin-Quezon noong Marso 18 ng gabi sa Barangay Cawayan, Gumaca.

Pambobomba. Noong Pebrero 20, hindi bababa sa walong bomba ang inihulog ng AFP sa limang sakahan sa Barangay Deit de Turag, Silvino Lobos, Northern Samar. Kinaumagahan inistraping ng mga helikopter nito ang mga sakahan. Wasak ang isang bahay sa sakahan at mga puno ng niyog. Isang sakahan din ang nasira matapos lapagan ng helikopter.

3 konsultant ng NDFP, iligal na inaresto