Kampanya sa paghahanda ng lupa, bahagi ng rebolusyong agraryo sa India

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Ipinagdiwang ng rebolusyonaryong mamamayan ng India noong Pebrero ang tagumpay ng kampanya sa malawakang land leveling na sinimulan noong 2011. Ang land leveling ay paghahanda sa lupa para makapag-ipon ito ng tubig at maabot ng pagdaloy ng tubig mula sa mga dike ng irigasyon katulad ng mga tubigan ng palay sa Pilipinas. Ang kampanya ng paghahanda ng lupa ay bahagi ng pagpapaunlad sa atrasadong agrikultura at itaas ang produksyon sa kanayunan ng India.

Partikular sa estado ng Bastar, nakaasa sa ulan ang pagsasaka ng mamamayan. Nakapagtatanim lamang sila malapit sa mga pond (maliit na lawa) at bukal. (Ang mga estado sa India ay katumbas ng rehiyon sa Pilipinas pero higit na mas malaki.) Sinimulan dito ang kampanya para sa tubigan noong 2011. Pinangunahan ng mga komite ng mamamayan ang kampanya sa pagpapatag ng masasaklaw na mga lupain. Naglaan ang mga komite ng minimum na 5 hanggang 20 araw ng pagpapatag ng lupa kada komunidad. Bago ikinakasa ang trabaho sa mga sakahan, idinadaos ang mga pulong pagsisiyasat kung saan sinusuri ang katayuan sa ekonomya ng taumbaryo at pagpirmi sa pagsusuri sa uri ng mga pamilya. Itinatakda dito kung sinu-sino ang may pinakamatitinding pangangailangan. Isinasama sa kolektibong pagsisikap ang mga lupa ng mga martir at mandirigma ng People’s Liberation Guerilla Army, ang hukbong bayan na pinamumunuan ng Communist Party of India-Maoist (CPI-Maoist). Kada taon, mahigit 1.5 lakh o 150,000 ang buong siglang lumalahok sa mga aktibidad na ito.

Tuwing may kolektibong paghahanda ng lupa, umaalalay ang mga departamento sa pangkalusugan ng mga komite ng mamamayan. Lumalahok din ang mga Pulang gerilya. Dahil walang mga makinang pang-agrikultura, nagdadala ng kani-kanyang gamit ang mga magsasaka. Tuwing gabi, nagtatanghal ng mga programang pangkultura ang mga artista ng bayan. Sa huling araw ng aktibidad, nagkakatay ang mga komite ng baka bilang handog sa mga kalahok. Kada taon, naglalaan ng pondo ang mga lokal na gubyernong bayan para ipantustos sa aktibidad na inihahalintulad ng CPI-Maoist sa trabahong komunal.

Noong 2021, inilunsad ng Dandakaranya Special Zonal Commitee ang pagsusuma sa 10 taong karanasan sa kampanya. Sangkot rito ang lahat ng mga komite ng mamamayan. Sakop ng pang-sonang komite ang malalawak na rehiyon ng Chhattisgarh, Odisha, Telangana at Andhra.

Hindi kailanman naging masaya ang reaksyunaryong estado sa mga repormang agraryong saan mang bahagi ng Dandakaranya. Sa nakaraang 10 taon, hindi bababa sa anim na kasama ang napatay sa mga pananalakay ng mga pwersa ng estado sa mga aktibidad na ito. Iligal na sinasamsam ng mga pulis ang mga gamot na inihahanda ng mga komiteng medikal. Pinaiigting nila ang mga operasyong pantugis sa mga panahong naghahanda para sa pagtatanim ang mamamayan. Pero dahil malikhain ang masa, may mga pamamaraan na sila para linlangin o ilihis ang atensyon ng kaaway mula sa kanilang mga aktibidad.


(Hango sa ulat na ibinahagi ni Kasamang Amrut ng CPI-Maoist).

Kampanya sa paghahanda ng lupa, bahagi ng rebolusyong agraryo sa India