Nakahihilong sirit-presyo ng langis, bilihin at singil sa serbisyo

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Mistulang kwitis ang pinakahuling pagsibad ng presyo ng mga produktong petrolyo noong Marso 15. Umaabot sa ₱13.15 ang idinagdag sa kada litro ng diesel, ₱7.10 sa gasolina at ₱10.50 sa gaas. Ito ang ika-12 at pinakamalaking patong sa presyo simula 2022.

Dahil dito, umabot na sa halos ₱31 ang kabuuang taas-presyo ng mga produktong petrolyo mula Enero. Halos doble na ito ng buong-taong pagdagdag noong 2021. Mas malaki pa ang patong sa presyo ng mga produktong petrolyo sa mga prubinsya.

Ang katwiran ng mga kumpanya sa langis, malulugi raw sila kung hindi magtataas ng presyo dahil sa tumataas na presyo ng imported na krudo. Kaya naman, sa mamamayan nila ipinababalikat ang pagtaas ng presyo. Dahil sa ganitong pagkasugapa sa tubo kaya tumabo ang Petron ng ₱6.41 bilyon noong nakaraang taon. Malaking kabuktutan, kung tutuusin, ang lingguhang pagtaas ng presyo dahil laging may ilang buwang imbak ang mga kumpanya na hindi apektado ng pagbagu-bago ng mga presyo. May higanteng mga imbakan ng krudo ang China, Japan, South Korea, Singapore at iba pang bansa kung saan nag-aangkat ang Pilipinas ng mga produktong petrolyo.

Kabilang sa pinakanagdurusa sa pagtaas ng presyo ng langis ay ang mga drayber ng pampublikong transportasyon. Ayon sa Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), umaabot ng ₱363 kada araw ang nawawalang kita ng mga drayber. Dahil rin dito ay nababawasan pa ng halos ₱145 ang kinikitang ₱300-₱400 ng mga mamamalakaya.

Simbilis din ng sirit-presyo ang pag-anunsyo naman ng Meralco na magtataas ito ng singil nang ₱0.063 kada kilowatt hour o katumbas ng ₱13 kada buwan para sa isang tirahan na kumokonsumo ng 200 kilowatt hour kada buwan. Hindi pa diumano saklaw nito ang pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Sa mga palengke naman, tumaas na rin nang mahigit ₱1 ang mga de-latang karne at ₱2.75 ang gatas na kondensada. Ang mga pagtaas na ito ay epekto pa lamang ng nagdaang mga linggong pagsirit sa presyo ng langis. Ayon sa Philippine Amalgamated Supermarkets Association, tumaas na nang 3% hanggang 6% ang presyo ng mga batayang produkto mula unang linggo ng Marso. Ang mga imported na pagkain, katulad ng gatas ng bata, ay maaaring tumaas ng hanggang 15%. Pinangangambahan na rin ang posibleng pagtaas ng presyo ng bigas ng hanggang ₱3 kada kilo dahil sa pagtaas ng presyo di lamang ng langis, kundi pati ng pataba.

Problemado rin maging maliliit na negosyante dahil sa gastos nila sa transportasyon. Sa Benguet, ang mga trucker na nagdedeliber ng gulay sa mga palengke sa Maynila ay gumagastos na ng dagdag na ₱7,000 ngayong Marso kumpara sa gastos nila noong Enero.

Sa lahat na ito, ang tugon ng rehimeng Duterte ay bigyan ng kakarampot na ₱200 kada buwan o ₱6 kada araw ang kada pamilyang kabilang sa 50% na pinakamahihirap (sa mga benepisyaryo lamang ng 4Ps, ayon sa huling paglilinaw ng Malacañang). May kakarampot ding subsidyo na inilaan para sa mga tsuper (₱6,500) at maliliit na mangingisda. Liban sa saglit lamang din itong masasaid, hindi lahat ay nabibigyan dahil sa pinahirap na proseso ng pagkuha at kakuparan ng mga ahensya na ilabas ang pondo (sa ilang bahagi ng Northern Mindanao, ₱6,000 lamang ang natatanggap ng mga tsuper, at depende kung ano ang kulay sa pulitika).

Ang kagyat na hinihingi ng mga tsuper at konsyumer, irolbak ang presyo ng langis sa antas bago ang 2022. Giit din nilang suspendihin man lamang ang buwis sa langis. Tinanggihan ito ng rehimeng Duterte kahit pa nakakulekta na ito ng mahigit ₱75 bilyon mula sa mga buwis sa langis na binayaran ng mamamayan.

Ilan sa mga panawagang ito ang itinambol ng mga demokratikong grupo sa ilang araw na protesta mula noong Marso 15-18 laban sa pagtaas ng presyo ng langis. Nagkaroon ng koordinadong mga pagkilos sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, Negros, Iloilo, Davao City at Legazpi City. Naglunsad din ng tigil-palaot ang Pamalakaya sa Laguna de Bay at Manila Bay.

Lumalakas din ang sigaw ng mga drayber ng dyip para itaas hanggang ₱10 ang pamasahe. Kakabit nito ang panawagan para sa dagdag sahod, pagpababa ng presyo ng pagkain at bilhin, pagpapahinto sa pagtatambak ng imported na produktong agrikultural, pagtaas sa presyo ng mga produktong magsasaka, at iba pang kagyat na kahingian.

Nakahihilong sirit-presyo ng langis, bilihin at singil sa serbisyo