Serbisyong hukbo, kalingang masa
Mayaman sa karanasan ng pagbibigay ng serbisyong medikal ang mga mandirigmang medik ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Dahil nahaharap sa lahat ng klaseng sitwasyon, nagagamay ng mga medik ng Hukbo, na karamihan ay mula sa masang magsasaka, ang pag-agapay sa iba-ibang tipo ng pang-emerhensyang medikal.
Isang halimbawa ang kaso ni Ison, 9-taong gulang na batang Dumagat na nadulas sa batuhan at nabalian ng braso. Nadaanan siya at kanyang ama ng mga Pulang mandirigma sa tabing ilog nang mangyari ang aksidente. Nasa baryo noon ang isang yunit ng BHB kung kaya mabilis na nakasaklolo ang upisyal medikal nito.
“Halos mawalan ng ulirat ang bata at impit na umiiyak sa sakit,” salaysay ni Ka Nonoy, isa sa mga mandirigmang sumaklolo sa mag-ama. Dahil sanay sa mabilisang kilos, agad na nakapag-ipon ng betadine, gasa, plaster, elastic bandage at pain reliever ang tim ng mga mandirigma. Bitbit ang first aid bag at pistola, agad na pinuntahan ng kanilang medik na si Ka Aida ang bata at nilapatan ng first aid. Nilagyan din siya ng balangkat. Sapat na natugunan ang emerhensya at naituloy ng yunit ang pagpupulong masa sa baryo, kasama ang ina ni Ison na noo’y alalang-alala sa kanyang anak.
Makalipas ang kulang isang buwan, nadaanan ulit ng mga kasama si Ison at ang iba pang bata sa tabing-ilog. Hilom na ang kanyang sugat at braso mula sa higit isang linggong pabalik-balik na paggamot at paghilot ng mga kasama sa kanyang braso. Nang kamustahin, buong siglang sagot ni Ison na magaling na siya. “Nakaakyat na nga ulit ako sa mangga at nakapanguha na ng bunga para kina Tatay,” sabay wasiwas ng kanyang kanang braso. Nag-abot siya ng limang pirasong bunga para sa mga kasama. “Salamat po talaga sa inyo. Gumaling na ang braso ko. Pramis po, mag-iingat na ako sa susunod!”
Nag-alok ang mga bata na tumulong sa mga mandirigma para itawid ang kanilang mga gamit sa ilog. Si Ison, kasama ng iba pang mga batang Dumagat, ay “drayber ng mga kasama.” Tumutulong sila para ligtas na itawid ang mga gamit ng mga kasama kapag malaki ang ilog at madulas ang batuhan. Isinasakay nila ang mga bag sa malalaki nilang salbabida at inilalangoy sa kabilang pampang.
Karaniwan na ang ganitong mga tagpo sa mga lugar na kinikilusan ng hukbong bayan. Dahil salat sa atensyong medikal ang maraming baryo sa kabundukan, nakaasa sila sa serbisyo ng BHB. Kung kaya naman ilang beses nilang ibinabalik ang pagkalinga sa mga kasama. Ganito ang karanasan ng medik na si Ka Primo, na minsan ay tinamaan ng bala sa paa nang mapalaban ang kanyang yunit. Sa una’y inakala niyang “maigagapang” niya ang kanyang sarili pero hindi niya ito kinaya sa kalaunan. Inusong siya ng mga kasama sa duyan lalupa’t hindi pa sila nakalalayo ay pinasabugan sila ng mortar ng kaaway.
Nagmaniobra sila palayo sa operasyon ng mga sundalo nang mahigit dalawang linggo. Sa bawat komunidad na kanilang nadadaanan, mabilis silang sinasalubong ng masa. Sa bawat isa, may dalang suplay ng pagkain ang masa at ulat sa kalagayan ng seguridad sa kanilang dadaanang ruta. Malaki ang tulong nila sa pagbubuhat kay Ka Primo.
“Nagpasalin-salin ang ganitong sistema sa bawat sityong dinaanan namin,” salaysay ni Ka Primo. Sa gitna ng lakbay, dumating si Gimo, isang magsasakang minsan na niyang ginamot. Napukpok noon sa ulo si Gimo at nawalan ng malay. Si Ka Primo ang naglapat ng first aid sa kanya at nagbantay hanggang nagkamalay. Tiniyak din niyang maayos ang lagay ng pasyente bago siya lumisan sa lugar.
“Nang malaman kong ikaw ang nasugatan, sabi ko, sasama talaga ako’t makatulong! Para naman makabawi ako sa iyo,” salubong ni Gimo kay Ka Primo. Lubha itong ikinatuwa ng sugatang mandirigma at higit na nakapagpatibay sa kanyang paninindigan na magsilbi sa rebolusyon. Hindi madali ang mga daang binagtas nila—makitid, matarik, tagilid at masukal. Sama-samang nagtulong ang Pulang hukbo at masa hanggang mailabas at makapagpagamot si Ka Primo.
Gumaling si Ka Primo matapos ang ilang buwang gamutan. Nang makabalik siya, kasama na niya sa Pulang hukbo si Gimo.