Hinggil sa Localized Peacetalks
Mahigpit na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang lahat ng yunit ng NPA-Bicol sa ilalim ng Romulo Jallores Command. Nakiisa ang Romulo Jallores Command sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa buong bansa sa pagkilala sa paggabay ng Partido at pagsuporta sa NDFP negotiating panel bilang kinatawan ng buong rebolusyonaryong kilusan at ng mamamayan sa pakikipagharap sa GRP sa usapang pangkapayapaan.
Matagal nang ilinalako ng iba’t ibang rehimen ang lokalisadong usapang pangkapayapaan sa tuwing mabibigo itong paluhurin ang NDFP sa mga hindi makatwirang kasunduan sa pormal na usapang pangkapayapaan. Nangangarap si Duterte, AFP-PNP-CAFGU at iba pang paramilitar na grupo at mga lokal na ahente ng rehimen na magkakaroon ng katuparan ang lokalisadong usapang pangkapayapaan. Walang anumang yunit ng NPA sa Kabikulan ang papasok sa lokalisadong usapang pangkapayapaan ng militar na hiwalay pa sa negosasyong tinalikuran ng rehimeng Duterte. Kinikilala ng lahat ng yunit ng hukbo ang kakayahan ng NDFP bilang kinatawan ng mamamayan na dalhin sa usapan ang mga sosyo-ekonomikong repormang magsisilbi sa karamihan.
Ang nakakatawa pa, ilang taon nang idinedeklara ng 9th ID na lipas na’t wala nang insurhensya sa kalakhang bahagi ng rehiyong Bikol. Pero dahil sa silaw ng pondong ipinangako ng rehimeng Duterte para diumano’y bigyang pabuya ang mga sumusuko’t may dalang armas, nakalimutan ng mga punong kumander ng mga dibisyon at brigada ang kanilang matematika. Ilanpu ngayon ang sumusuko sa iba’t ibang prubinsya ng rehiyon? Kataka-takang naitataon pa ang pagsukong ito sa mga pagkakataong may matutunog na taktikal na opensiba na ilinulunsad ang NPA.
Ang tinatamasang tagumpay at lalong paglakas ng rebolusyonaryong kilusan ay bunsod ng pagkakaisa sa prinsipyong itinataguyod ng Partido. Hindi matitibag ang pagkakaisa ng NPA at buong rebolusyonaryong kilusan hangga’t matatag ang Partido sa kanyang pagsisilbi sa sambayanang inaapi at pinagsasamantalahan.