Ipagtanggol ang lupa at kabuhayan! Tutulan at labanan ang huwad na reforestation at mapang-agaw ng lupa na Expanded National Greening Program (E-NGP)!
Labanan ang mapanlinlang at mapang-agaw na Expanded National Greening Program ng rehimeng US-Duterte! Huwag paakyatin ang DENR sa kabundukan para sa pagpapatupad ng programang ito. Bunutin, tagpasin, patayin ang mga punong walang pakinabang ang mamamayan! Ilipat ang kapaki-pakinabang na panananim. Balikan ang mga uma na inagaw ng NGP. Bungkaling muli at ipagtanggol ang karapatan sa lupa!
Ito ang paninindigan at panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayan-Kanlurang Gitnang Luzon at ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM) at Rebolusyonaryong Organisasyong Ayta (ROA) sa mga pambansang minoryang Ayta, magsasaka, settler at sa buong mamamayan!
Mapanlinlang at pekeng programang pangkalikasan ang programang NGP ng gubyerno. Isinisisi nito sa mahihirap na pambansang minorya, settler, at magsasaka ang pagkasira ng kabundukan habang buong kasinungalingang itinatago ang krimen sa kalikasan ng malalaking kumpanya ng mina, logging, agro-industriyal na mga plantasyon, konstruksyon ng dambuhalang dam at iba pang mapanirang proyekto ng gubyerno. Hindi rin solusyon ang pagtatanim ng mga mapanirang mga puno tulad ng gemelina, mahoagny at mangium at mga punong di likas sa ating kagubatan. Nagreresulta ito ng pagkasira ng lupa, pagkatuyot ng mga bukal at sapa, at panganib sa mga hayop at insekto na nabubuhay sa kagubatan.
Ang NGP ay ginagamit sa pampabango sa mabahong rekord ng mga kumpanya na sumisira sa kalikasan. Ang pagpapatanim ng mga puno ay dagdag na puntos para sa mga kumpanya. Nagiging gatasang-baka rin ito ng mga korap na opisyal lalo na sa Department of Enviornment and Natural Resources (DENR), Department of Agriculture (DA), at lokal na gubyerno na nagpapakasasa sa bilyong badyet na nilalaan kada taon para sa programang ito. Kabilang rin sa mga nakikinabang sa NGP ang mga korap na mga Non-Government Organizations (NGO), grupong sosyo-sibil, pekeng people’s organization, at dayuhang nagpopondo.
Mapang-agaw at kontra-mamamayan ang NGP. Ang direksyon at intensyon nito ay buksan ang natitirang kagubatan at prontera para sa pagpasok ng mga naglalakihan at dayuhang negosyo. Magmimistulang malawakan na plantasyon ang kabundukan sa pakanang NGP. Ang pagtatanim ng mga punong pang-eksport gaya ng kape, kalaw, kawayan, prutas at iba pa ay nakadirehe sa pagtatanim at produksyon ng mga produktong pambenta at pang-eksport. Buong galang na ipapain nito ang programang pangkabuhayan para engganyuhin ang pambansang minorya, settler, at magsasaka na sumali at gamitin para sa programa ang kanilang lupa. Ngunit ang tunay na pakay nito ay pagpapalayas at malawakang pang-aagaw sa mga lupang tinataniman at tinitirahan ng mamamayan.
Nagiging instrumento ang NGP para wasakin ang pagkakaisa ng mamamayan at gayundin sa pagsupil sa kanilang pakikibaka para sa lupa at kabuhayan. Katuwang ang DENR at lokal na gubyerno, ginagamit bilang pantabing sa gma operasyong militar ang mga aktibidad ng programang NGP. Ang mga operasyong militar na ito ang salarin sa patuloy na paglabag sa karapatang pantao.
Hindi kailanman mabibigyang solusyon ng bulok na estado ang patuloy na pagkawasak ng kabundukan. Tanging ang pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan at pagtindig para sa sosyalistang lipunan matitigil ang pagkasira ng kalikasan. Ang panunumbalik ng sigla sa kabundukan ay masisiguro lamang sa pagtatayo ng demokratikong gubyernong bayan na may malinaw at maka-mamamayang programang pang-ekonomya at pangkalikasan.