Parangal kay Ka Bendoy
Ngayon ay araw ng pagdadalamhati para sa libu-libong Pilipino habang ihinahatid ang mga labi ni Alfredo Dino Merilos sa kanyang huling hantungan. Nakalibing man ang kanyang pangalan sa kawalan, para sa hindi mabilang na masa at kasama mananatili ang alaala ni Ka Bendoy o Ka Berdin bilang isa sa mga muog ng pagsusulong ng digmang bayan sa buong Bicol at bansa.
Inalay ni Ka Bendoy ang mga dekada ng kanyang buhay sa pagsusulong ng isang rebolusyonaryong hangarin. Isinilang at pinalaki sa isang lipunang nakalublob sa kaguluhan sa pulitika at ekonomya sa panahon ng Batas Militar, hindi nakakapagtakang naging interesado siya sa aktibismo maging sa mga taon niya sa hayskul. Panahon yaon kung kailan maging ang mga pari‘y tumangging suutin ang kanilang pasistang sutana at ginamit ang kanilang mga pangaral bilang panaklot laban sa estado. Iisipin mong walang pakialam si Ka Bendoy pero mabilis na napupulot ng kanyang matalas na pag-iisip ang mga bagay.
Hindi nakakapagtaka na naging aktibo siya sa paglaban para sa kanyang mga karapatan bilang estudyante sa kanyang ikalawang taon sa kolehiyo sa kursong Mechanical Engineering sa Bicol University. Pinaningas ng simpleng paggiit para sa mas magandang laboratoryo ang kanyang buong buhay na pagtutulak para sa mga demokratikong karapatan ng bawat aping uri at pag-aambag para sa pagtatayo ng isang lipunang malaya mula sa pagsasamantala’t pang-aapi. Maging sa kanyang pagtatapos sa kolehiyo, pagkapasa sa board exams at sa kabila ng abot kamay na mga oportunidad para sa mataas na sahod, nilisan niya ang mga de-aircon na upisina upang magsilbi bilang pultaym na organisador sa mga paaralan at komunidad sa mga sentrong bayan ng rehiyon. Matapos ang ilang taon, noong 1985, pinili niyang mamuhay, luminang at magtayo kasama ng mga masa sa kanayunan bilang isang pulang mandirigma.
Naging dalawa ang mukha ng mga balakid sa kanyang pagpapanibagong hubog dahil sa tangan niyang petiburges na kamalayan. Hindi lamang ang palagiang atake ng kaaway sa kanilang maliit na yunit ang kanyang hinarap kundi pati ang masalimuot na hamon ng pagwawasto ng mga nakaugat na mga kinasanayan. Pero dahil sa tuluy-tuloy na paggabay ng partido, pagpuna sa sarili at kolektibong punaan, naging mahusay siyang kadre na may matatag na pamumunong pulitikal at militar. Maaga pa lamang naarmasan na siya ng ganitong potenstal kung kaya naging bahagi siya ng Pangrehiyong Kagawaran sa Instruksyon (RIB), ang istap ng rehiyon na nagsisiguro sa pampulitikang pagpapaunlad sa mga mandirigma at mga kumander, mula 1986 hanggang 1990. Nilikha niya ang mga nakakatawang komiks para maipamahagi ang matalas ngunit madaling maintindihang pananaw ng partido. Isinilang si Batoy, ang hindi tumatandang karakter ng Silyab, ang panrehiyong pampartidong publikasyon. Sinasalamin ng kakulitan ni Batoy ang hilig ni Ka Bendoy sa mga nakakatawang biro na siyempre hindi niya inaamin at itinatawa na lang.
Mula 1991-1997 binalikat niya ang susing gawain ng pamumuno sa iba’t ibang sandatahang yunit propaganda (SYP) sa Sorsogon at sa Camarines Sur bilang kanilang pampulitikang giya. Ang kanyang tuluy-tuloy na pagpupunyagi para itulak ang kolektibong rebolusyonaryong pagsisikhay ay mabilis na nakapagtalaga sa kanya bilang Kalihim ng Larangan at hindi nagtagal ay regular na kagawad ng Komiteng Rehiyon ng Partido nang magkasunod na taon ng 1997 at 1998. Mula 2005-2012, ginampanan niya ang pagiging kalihim ng Komiteng Prubinsya ng Partido ng Camarines Sur at Camarines Norte at nahalal naman bilang regular na kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon noong 2007. Noong 2015 nahalal siyang kagawad ng Kalihiman ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon, at nang dumating ang 2016, naging delegado siya sa Ikalawang Pambansang Kongreso ng Partido kung saan siya nahalal na regular na kagawad ng Komite Sentral ng Partido.
Naging makatotohanang balon siya ng mga praktikal na gabay para sa mga susunod na henerasyon ng mga kadre ng partido dahil sa kanyang malawak na karanasan sa pagtatayo ng partido, pamumuno sa tropa at paglubog sa mga pangangailangan at kahilingan ng batayang masa. Kahit madalas niyang sinusubukang hindi maging kapansin-pansin, ang kanyang tangkad at ang kanyang mga nakakatawang kwento’t pakulo ang nakakahamig sa mga tao papalapit sa kanya. Pero istrikto siya kapag hininhingi ng pagkakataon laluna pagdating sa mga patakaran ng partido.
Ilang araw bago siya pinatay at ibinuwal ng mga alagad ng kamatayan ng estado, muli siyang inatake ng mild stroke. Lagi’t lagi niyang hinaharap ang kanyang diabetes, hypertension at pumapalyang puso. Sa edad na 56, mabilis na nahuhulog ang kanyang katawan subalit muli’t muli niyang tinatanggihan ang pagpapa-opera sa kanyang puso dahil alam niyang lilimitahan nito ang kanyang pagkilos at mahihiwalay siya sa pagsisilbi sa kanayunan. Tumanggi siyang magpahinga at nagpatuloy sa kanyang ritwal na pagkalikot sa mga bagay na dapat ayusin—sa literal at makahulugang sabi. Kung hindi ang balikong paa ng mesa, ang pinagtagpi-tagping bubong, o kaya naman, mga bag na dapat ikamada uli o kapag hindi pwede, ang mga problema sa buhay ng mga kasama. Pero kinailangan niyang harapin ang kanyang problema sa kalusugan para mapagsilbihan ang mamamayan ng mas matagal. Maiksi ang mga paalam dahil tiwala ang mga kasama na makakabalik lang siya pagkatapos ng ilang araw.
Pero hindi na siya nakabalik. Babalik siya kung maaari.
Ngayong araw, magpapaalam ang kanyang mga pamilya at kamag-anak sa isang ama, kapatid, asawa, kamag-anak at kaututang dila. Ngayong araw ihahatid ng bayan ang isa sa kanyang pinakamahusay na anak, kasama, guro, kumander at higit sa lahat tapaglingkod ng mamamayan sa kanyang huling hantungan. Kaduwagan ang pagpaslang sa mga rebolusyonaryo at wala itong pagwaging napapatunayan. Makakamit ang hustisya sa kamay ng hukumang bayan at ang kasaysayan ang huhusga.
Si Ka Bendoy ay isa lamang sa mga naatasang tagapag-ingat ng apoy upang patuloy na paningasin ang rebolusyonaryong diklap at hindi siya nabigong magsanay ng marami pang mga tagapag-ingat ng apoy mula sa hanay ng masa at mga pulang mandirigma. Ang kanyang inialay na buhay para sa mamamayang Pilipino ay magpapaliyab sa apoy na tutupok sa nabubulok na estado.
Magmartsa tungong Tagumpay!
Dalhin ang digmang bayan sa mas mataas na antas!