50 kabataan, sumapi sa KM-EV
Nasa 50 kabataang magsasaka ang nanumpa bilang bagong mga myembro ng Kabataang Makabayan (KM) sa inilunsad na kumperensya sa isang larangang gerilya sa Eastern Visayas noong Agosto 21.
Sa temang “Kabataan, suportahan ang kilusang masa sa mga baryo! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! Labanan ang pasismo ng AFP!,” nagbuklod sila at binalikan ang makasaysayang mga tungkulin ng sektor sa pagsusulong ng rebolusyon. Tinalakay sa kumperensya ang mga suliranin ng sektor tulad ng ligtas na pagbubukas ng mga eskwelahan at nagpapatuloy na panggigipit at pasistang atake ng rehimeng Duterte.
“Walang nakikitang kinabukasan ang mga kabataan sa ilalim ng rehimeng Duterte,” salaysay ni Ka Mori, tagapangulo ng balangay ng KM sa baryo. Pinagtibay ng bagong mga kasapi ang pagkakaisa na lalabanan at pangingibabawan ang mas malupit na militarisasyon sa kani-kanilang mga komunidad. Nanumpa silang patuloy na tatahakin ang landas ng pagrerebolusyon at maging di nasasaid na balon ng rebolusyonaryong kilusan.