Lupaypay sa mahal ng gulay

,

Biglang sumirit ang presyo ng mga produktong gulay noong nakaraang buwan. Sa Metro Manila, naiulat na tumaas nang 375% (₱300) ang presyo ng repolyo. Mahigit doble rin ang itinaas sa presyo kada kilo ng pechay Baguio at karot, habang 75% ang itinaas sa presyo ng talong, at 25% sa kalabasa at ampalaya.

Ibinunton ng Department of Agriculture (DA) ang sisi sa pagtaas ng presyo sa pagbagsak ng suplay ng gulay dulot ng pananalasa ng bagyong Fabian at habagat sa iba’t ibang bahagi ng Luzon noong huling linggo ng Hulyo. Gayunpaman, bago pa nito ay kumakaharap na ang Pilipinas sa tumitinding kakulangan ng suplay ng gulay. Mismong ang DA ang nagsabing kukulangin ang suplay ng gulay ngayong taon nang hanggang 434,840 metriko-tonelada (MT). Isinasangkalan ito ng ahensya para itodo ang pag-aangkat ng gulay sa bansa.

Umaabot sa 2 milyong MT ang abereyds na taunang bolyum na kinokonsumong gulay ng bansa o 18.24 kilo kada Pilipino. Nasa 136,934 MT ng gulay ang para sa binhi at pakain sa hayop, o di kaya’y inaasahang masisira.

Bagsak na produksyon

Mula 1995, bumabagsak na ang produksyon ng gulay sa bansa dulot ng liberalisasyon ng kalakalan alinsunod General Agreement on Tariffs and Trade. Wala pa sa kalahati ng naprodyus na gulay ng bansa noong 1996 (4.8 milyong tonelada) ang inaasahang mapoprodyus ngayong taon. Ang pagbagsak ay pangunahing resulta ng pagkalugi ng lokal na mga magsasaka bunsod ng todong pag-aangkat.

Pinakamatinding tinamaan ng liberalisasyon sa agrikultura ang produksyon ng bawang. Noong dekada 1990, 100% ng bawang na kinokonsumo ng bansa ay lokal. Noong 2020, umaabot na sa 91% ng suplay ng bawang sa bansa ay imported. Ganito rin ang sinapit ng produksyon ng munggo at sibuyas na 51% at 39% na ay imported. Sa mga gulay na inangkat ng bansa noong 2019, pinakamalaki ang bolyum ng munggo (36,656 MT na nagkakahalagang ₱1.7 bilyon) kasunod ng sibuyas (23,590 MT na nagkakahalagang ₱261.8 milyon).

Kakumbina ng malawakang pagpapalit-gamit, nagpatuloy ang pagbagsak ng produksyon at pagliit ng mga gulayan sa bansa. Ayon sa pinakahuling datos, 240,724 ektarya ng lupa ang kabuuang saklaw ng mga taniman ng siyam na pangunahing gulay sa bansa noong unang hati ng 2020. Mas makitid ito nang 6,365 ektarya kumpara noong 2016 sa simula ng rehimeng Duterte. Kabilang sa mga itinatanim ang ampalaya, repolyo, kamoteng kahoy, talong, munggo, sibuyas, patatas, kamote, at kamatis. Malaking bahagi ng mga gulayan ay matatagpuan sa Ilocos, Cordillera, Central Luzon, Southern Tagalog, Northern Mindanao, Bangsamoro at Eastern Visayas. Mayorya ng suplay ng Metro Manila ay nagmumula sa Benguet, Cordillera.

Sa mga gulay na inangkat ng bansa noong 2020, pinakamalaki ang bolyum ng sibuyas (40,585 MT o ₱2.03 bilyon), kasunod ng munggo (26,980 MT o ₱1.8 bilyon) at bawang (23,590 MT o ₱1.82 bilyon). Mula sa China ang halos lahat ng imported na bawang at higit sangkatlo ng imported na sibuyas sa lokal na mga pamilihan sa bansa. Galing naman sa Indonesia at Myanmar ang 80% ng kabuuang bolyum ng imported na munggo.

Lupaypay sa mahal ng gulay