Abugado, aktibista, pinaslang
Inambus ng pinaghihinalaang mga ahente ng estado si Atty. Rex Fernandez habang nasa kanyang sasakyan sa Banawa, Cebu City noong Agosto 26. Si Fernandez ay abugado ng mga manininda ng palengke ng Carbon sa kanilang laban kontra pribatisasyon. Siya rin ang abugado ng mga aktibistang hinuli sa isang protesta sa Cebu kontra Anti-Terror Law noong Hunyo 2020. Si Fernandez ang ika-57 abugadong pinaslang sa panahon ni Duterte.
Patay na nang ilitaw ang isa pang aktibistang taga-Cebu. Inilitaw ng pinaniniwalaang ahente ng estado ang bangkay ni Elena Tijamo, isang manggagawang pangkaunlaran at kasapi ng Farmers Development Center. Pinalabas na namatay siya sa isang ospital sa Metro Manila dahil sa operasyon sa goiter. Dinukot siya noong Hunyo 13, 2020 sa kanyang bahay sa Barangay Kampingganon, Bantayan Island.