Dumugin ng protesta ang kurakot at pasistang si Duterte
Mistulang sukol na halimaw si Duterte sa harap ng malawakang nagbabagang galit ng bayan na ginatungan ng kasuklam-suklam na malalaking kaso ng korapsyon sa gitna ng pandemya, krisis sa ekonomya at malawakang paghihirap ng masa. Niyuyugyog ang trono ng naghahari-hariang tirano ng nagbabadyang krisis sa pulitika na maaaring sumambulat sa nalalapit na panahon. Dapat samantalahin ng sambayanang Pilipino ang umiiral na krisis sa pamamagitan ng pagbwelo sa kanilang mga pakikibaka para sa demokrasya laban sa tiwali, terorista, at tiranikong rehimen.
Gula-gulanit na ang karatulang “anti-korapsyon” ni Duterte. Lantad na kung papaanong ginamit niya ito sa nagdaang limang taon para tabingan at itago ang sistematiko at malakihang pagnanakaw at pandarambong sa kaban ng bayan at pagkamal ng yaman. Sa inilabas na panimulang ulat ng Commission on Audit (COA) at imbestigasyon ng Senado, nalantad ang tuwirang pagkakasangkot ni Duterte mismo at ng kanyang mga alipures sa mga katiwalian.
Inabuso ni Duterte ang kapangyarihan sa gitna ng malawak na krisis pangkalusugan. Nabunyag na pinagkakitaan niya ang pandemya sa paggamit ng pera ng taumbayan para ibili ng napakamahal na mga face mask, face shield at personal protective equipment (PPE) mula sa pinaburan niyang kwestyunableng kumpanyang Chinese. Malamang na sinlaki o mas malaki pang mga katiwalian ang mabubuko sa mga inaabangang imbestigasyon ng Senado at COA.
Ang korapsyon sa ilalim ng gubyerno ni Duterte ang isa sa malalaking salik sa likod ng malubhang kapalpakan sa paggugubyerno sa harap ng patuloy na pananalasa ng pandemyang Covid-19 sa bansa. Inuna pa ni Duterte at ng kanyang mga kasabwat ang kanilang mga bulsa kaysa bigyang prayoridad ang pagpapalakas ng kakayahan ng bansa na harapin ang malubhang krisis pangkalusugan. Habang nagpakabundat si Duterte at mga burukratang kapitalista sa pagkurakot at paglustay sa pera ng bayan, walang kapantay naman ang pagdurusa ng taumbayan sa pabigat na mga lockdown, kakulangan ng mass testing, contact tracing at mga ospital at pasilidad medikal, usad-pagong na bakunahan, pagpapabaya sa mga nars at iba pang manggagawang pangkalusugan, malawakang disempleyo, nawalang kabuhayan at pinagkakakitaan at lubhang kakarampot na ayudang pang-ekonomya.
Dahil sa pagpapabaya at kapalpakan sa paggugubyerno, lalo pang lumalala ang pandemya sa bansa. Inamin na rin mismo ng mga upisyal ni Duterte na hindi epektibo ang mga lockdown, pero hindi para gawin ang dapat na pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan, kundi para lamang umiwas sa responsibilidad na magbigay ng ayuda sa mamamayan. Tiyak na mabibigo ang isasagawang diumano’y granular lockdown o lokalisadong lockdown sa harap ng malawakang hawaan at kulang na kulang na mass testing at contact tracing. Ang pagpalo sa humigit-kumulang 20,000 bagong kaso sa araw-araw ay nagbabadyang sumirit pa sa darating na mga linggo. Batak na batak na ang mga ospital at maraming maysakit—hindi lamang sa Covid-19—ang hindi na nabibigyan ng atensyong medikal.
Kasabay ng paglala ng pandemya, sumisidhi rin ang panunupil at karahasan laban sa mamamayan. Patuloy ang kampanya ng mga pagpatay sa mga lider at mga aktibo sa mga pakikibakang masa, gayundin ang mga pag-aresto, pagkakaso, paninindak, red-tagging at “pagpapasurender” sa mga taong naninindigan laban sa pasistang rehimen. Walang-awat ang paglustay ng bilyun-bilyong piso sa paghuhulog ng bomba, panganganyon, istraping at malalaking operasyong militar sa kanayunan na naghahasik ng terorismo sa masang magsasaka.
Sa gitna ng pandemya at krisis, wala nang pagsidlan ang nag-aalimpuyong galit ng sambayanang Pilipino sa rehimeng Duterte. Ang tugon ni Duterte ay ibayong pagsisinungaling at panlilinlang, pambubuska at pambabraso bilang mga paraan sa manipulasyon ng sentimyento at pananaw ng mga Pilipino. Ngunit hindi na umuubra ang ganitong estilo ni Duterte para makuha ang suporta ng mamamayan dahil lantad nang pantabing lamang ito sa ginagawang pagpapayaman at pag-agaw ng mas malaki pang kapangyarihan.
Dahil sa pag-aambisyon ni Duterte na manatili sa poder lagpas sa 2022 at sementuhin sa Malacañang ang kanyang dinastiya, gumuguho ang suporta maging ng kanyang mga kaalyado sa mga Marcos at Arroyo. Kani-kanyang maniobra sila ngayon upang ipwesto ang kanilang mga paksyon sa paparating na eleksyon. Maging ang sariling partidong PDP-Laban ay nabiyak dahil sa pagtutulak ni Duterte na tumakbong bise presidente, na ginagamit din niya bilang pamingga upang makakuha ng mas malaking pampulitikang ganansya.
Pampulitikang krisis ang nagbabantang sumambulat sa harap ng pangungunyapit ni Duterte sa poder sa gitna ng pandemya, pagkawasak sa ekonomya at kabuhayan ng masa, at pagkalantad ng malakihang korapsyon sa ilalim ng kanyang rehimen. Umiigting ang kontradiksyon sa loob ng naghaharing uri at sa pagitan ng pasistang rehimen at mamamayan na posibleng magbunsod ng malakihang banggaan bago pa man mag-eleksyon. Sa harap ng mga maniobra ni Duterte, dumarami rin ang mga pwersa na nagbubukas sa posibilidad ng pagwawakas sa paghahari ng tiraniya kahit bago ang eleksyon sa darating na taon.
Pabor ang sitwasyong ito para ibayong isulong ang mga pakikibakang masa at ang paglaban para wakasan ang tiranikong rehimen ni Duterte. Lalong lumalawak at tumitibay ang malapad na nagkakaisang prenteng anti-Duterte sa pagdami ng mga pwersa at personalidad na nauudyok na tumindig at hayagang kontrahin ang korapsyon at kapalpakan ng naghaharing pasistang rehimen.
Dapat samantalahin ng sambayanang Pilipino ang kalagayan upang puspusang isulong ang kanilang mga pakikibaka para sa kanilang kapakanan at mga karapatan. Dapat buuin ang lakas ng taumbayan sa mga pabrika, mga ospital at upisina, mga kampus at komunidad, at itaas ang kanilang kamulatan at determinasyong lumaban sa pamamagitan ng mga pag-aaral, pulong at asembliya. Paagusin ang mga lagaslas ng protesta tungo sa dambuhalang baha ng nagngangalit na laksa-laksang libo sa lansangan.
Ikawing ang mga pakikibaka sa kalunsuran sa mga pakikibaka sa kanayunan at itambol ang sigaw ng masang magsasaka para sa lupa at karapatan sa harap ng hayagang pananalasa ng brutal na panunupil ng militar at pulis.
Kasabay nito, dapat paigtingin ng Bagong Hukbong Bayan ang mga taktikal na opensiba at asintahin ang pinakapusakal na pasistang mga kriminal. Padagundungin sa buong bansa ang mga armadong tagumpay bilang hudyat sa pagbabagsak ng halimaw na si Duterte.