Mga protesta
Makatwirang benepisyo sa Asia Brewery. Nagpiket noong Setyembre 1 ang mga manggagawa ng Asia Brewery sa Cabuyao, Laguna para igiit ang nakabubuhay na sahod at benepisyo. Mahigit walong buwan na ang negosasyon ng mga manggagawa at maneydsment hinggil sa kanilang collective bargaining agreement. Ayon sa mga manggagawa, patuloy ang kanilang operasyon kahit sa gitna ng pandemya pero binabarat pa rin sila ng kapitalista. Ang Asia Brewery ay pagmamay-ari ng kapitalistang si Lucio Tan na nagtala ng 10.9% (₱6.08 bilyon) pagtaas ng netong kita noong 2020.
Ayuda sa tiempo muerto. Mahigit 300 manggagawang bukid sa ilalim ng National Federation of Sugar Workers ang nagmartsa tungo sa kapitolyo sa Bacolod City noong Agosto 25 para ipanawagan na ibigay na ang ayudang nakalaan para sa kanila sa panahon ng tiempo muerto (panahon na walang produksyon ng tubo).
Masaker sa Lianga, ginunita. Nagtirik ng mga kandila ang mga grupong nagtatanggol sa karapatang-tao sa harap ng Commission on Human Rights sa Quezon City noong Setyembre 1 bilang paggunita sa ikaanim na taon ng tinaguriang Masaker sa Lianga. Wala pa ring nakakamit na hustisya ang mga pamilya ni Emerito Samarca, executive director ng ALCADEV at mga lider-katutubong sina Juvello Sinzo at Dionel Campos.
Badyet sa korapsyon, kinundena. Nagprotesta ang iba’t ibang sektor sa harap ng House of Representatives sa Quezon City noong Setyembre 3 upang kundenahin ang korap at pahirap na gubyernong Duterte. Kasabay ang pagkilos sa isinasagawang deliberasyon sa pondong 2022 ng Office of the President. Anila, dapat alisin ang pondong nakalaan para sa pork barrel, korapsyon at panunupil.