Sinong matututo sa eskwelang sarado?
Muling iginiit ng Alliance of Concerned Teachers noong Setyembre 5 ang pagbubukas ng harapang mga klase para sa taong ito. Ito ay matapos ianunsyo ng Department of Education (DepEd) noong Agosto na mananatili sa palpak at pahirap na moda ng blended learning ang mga eskwelahan sa darating na Setyembre 13. Ayon ito sa dikta ni Rodrigo Duterte na hintayin munang mabakunahan ang lahat sa bansa laban sa Covid-19. Pero sa kupad ng pagbabakuna kung saan 12.51% pa lamang ng populasyon ang natuturukan, malamang na matatagalan pa bago makabalik sa loob ng mga silid-aralan ang mga estudyante.
Kabilang ang Pilipinas sa natitirang limang bansa sa buong mundo na hindi pa bumabalik sa harapang mga klase mula nang magsimula ang pandemya. Sa panahong ito, ang mga eskwelahan sa bansa ang pinakamatagal na sarado sa buong Asia-Pacific. Noong Pebrero, iniulat ng United Nations Children’s Fund (Unicef) na ikatlo ang Pilipinas sa may pinakamaraming estudyante na apektado ng mga saradong eskwelahan. Aabot sa 25 milyong estudyanteng Pilipino ang nakaliban nang buong panahon ng klase mula Marso 2020.
Inilahad sa ulat ng Unicef ang masasamang epekto ng saradong mga eskwelahan. Nangunguna sa mga ito ang paghinto sa pagkatuto ng mga estudyante, laluna sa higit na nakararaming mga walang kakayahang gumastos sa pag-aaral labas sa eskwelahan. Ipinagkakait din sa maraming estudyante ang nutrisyon na nakukuha nila sa mga “feeding program” ng mga paaralan.
Nagiging bulnerable rin sa pang-aabuso ang mga bata at kabataan, kabilang ang abusong sekswal at maagang pagbubuntis, pagpapatrabaho at pagkasangkot sa mararahas na aktibidad kapag hindi sila nakalalabas sa bahay.
Matindi ang epekto sa kalusugang mental ng mga estudyante ang pagkahiwalay sa kanilang mga kaklase at kaibigan. Ayon sa National Center for Mental Health, lumaki ang bilang ng mga kabataang dumaranas ng stress dahil sa mga aralin at pagkakakulong sa bahay.
Mabigat na pasanin para sa mga magulang ang saradong mga eskwelahan. Hindi sila handa at walang kasanayan sa pagpapadaloy ng distance learning. Sa maraming pagkakataon, naisasakripisyo nila ang hanapbuhay upang mag-alaga sa mga anak na nakulong sa mga bahay.
Maging ang mga guro ay wala ring kasanayan sa distance learning, kaya’t gaanuman kabuti ang hangaring makapagturo ay nagkakaroon pa rin ng mga gulo sa paghahanda ng mga modyul. Maraming pagkakataon ding nagresulta sa pagkasisante ng mga guro ang pagsara ng mga eskwelahan.
Daragdag din sa bilang na tinukoy ng Unicef ang milyun-milyon pang estudyante na hindi na nagpalista para sa darating na pasukan. Ngayong 2021, 12.7 milyong estudyante lamang sa Kindergarten hanggang Grade 12 ang nag-enrol, mahigit kalahati lang (51%) sa kabuuang bilang noong 2020.
Paulit-ulit nang idinaing ng mga estudyante, magulang at guro ang kahirapan sa kawalan ng harapang klase at iginiit ang ligtas na balik-eskwela. Sa kolehiyo kung saan pinayagan ang napakalimitadong harapang mga klase sa larangan ng medisina, 1% lamang ng mga estudyante ang naulat na nahawa.
Sa panig ng Unicef, kahit pa umano nagkakaroon ng mas nakahahawang mga baryant ng Covid-19, posible pa rin ang yugtu-yugtong pagbubukas ng mga eskwelahan. Sang-ayon din ang grupo na maaaring magsimula ito sa mga lugar na may mababang bilang ng mga kaso ng Covid-19. Maaari rin umano ito sa paraang boluntaryo at nagpapatupad ng mga hakbanging pangkalusugan.
Pero bago pa ang pandemya ay deka-dekada nang problema ang kakulangan ng pasilidad at serbisyo sa mga pampublikong paaralan. Noong 2020 ay umabot na sa mahigit 110,000 pampublikong klasrum ang kulang. Dahil dito, karaniwang pinaghahatian ng 75-80 estudyante ang isang silid na pang-40 katao lamang. Sadyang kulang na kulang ang mga pasilidad lalo kung muling magbubukas ang harapang mga klase, at 15-20 estudyante lamang ang papayagan sa bawat klasrum para may social distancing.
Mula 2016-2020, halos 4,507 lang na klasrum ang naipatayo ng gubyernong Duterte. Katiting na 4.06% lang ito ng kabuuang pangangailangan.
Kulang din ang mga pasilidad para tuparin ang mga pamantayang pangkalusugan. Sa datos mismo ng DepEd, noong 2020 ay 28% lang ng kabuuang bilang ng mga paaralan ang may klinika. Kapos na kapos din ang bilang ng mga nars sa mga eskwelahan, na katumbas lang ng isang nars sa halos 6,000 estudyante. Aabot rin sa 3,000 eskwelahan ang wala kahit batayang pasilidad para sa paghuhugas ng kamay. Walang ginawa ang rehimeng Duterte para resolbahin ang mga problemang ito.