Pait sa pagtatanim ng ampalaya
Magsasaka ng ampalaya sa Southern Mindanao ang 60-taong gulang na si Tatay Kaloy. Wala siyang sariling lupa kaya nangupahan siya ng kalahating ektarya para makapagsaka. Sa isang panayam sa mga kasama, naikwento niya kung papaano siya “natalo” (palasak na tawag sa “nalugi”) sa nakalipas na panahon ng taniman.
Aniya, karaniwang nasa apat hanggang anim na buwan ang siklo ng pagtatanim at pag-ani ng ampalaya. Gumagastos siya ng hindi bababa sa ₱12,600 para sa binhi, abono, pestisidyo, alambre, tali, at iba pang kagamitang pansaka. Dagdag rito ang ₱200/araw na sahod sa mga magbubukid na kinakatuwang niya sa panahon ng pagtatanim at anihan. Sa abereyds ay nakaaani siya ng 24 beses sa isang taniman at nakapagpoprodyus ng aabot sa 336-408 kilo ng ampalaya. Binibili sa kanya ang ampalaya sa halagang ₱35/kilo, sa gayon ay kumikita siya ng aabot sa ₱14,208. Kung ikakaltas ang mga ginastos niya sa pagtatanim, halos wala nang natitira sa kanya bilang malinis na kita.
Isa lamang si Tatay Kaloy sa libu-libong magsasaka na nagtitiis sa atrasado at manu-manong pagsasaka ng gulay sa bansa, at kawalan ng subsidyo sa porma ng mga kagamitang pansaka, abot-kayang pautang at irigasyon.