20-taong martsa pasulong ng hukbong bayan sa India

,

Nagtapos noong Disyembre 2, 2021 ang isang taong pagdiriwang ng rebolusyonaryong mamamayan ng India sa ika-20 taon ng kanilang hukbong bayan, ang People’s Liberation Guerilla Army (PLGA). Sa bidyong ipinalabas ng Communist Party of India (CPI)-Maoist noong Disyembre 28, 2021, makikita ang mga tagpo ng selebrasyon na kinatampukan ng mga martsa ng hukbong bayan, parada ng mamamayan, mga talumpati at pagparangal sa mga martir, mga pangkulturang pagtatanghal at iba pa.

Sa loob ng dalawang dekada, pinamunuan ng CPI (Maoist) ang PLGA sa paglulunsad ng matagalang digmang bayan sa India. Mula sa armadong mga iskwad, umaabot na sa antas ng batalyon ang mga yunit ng hukbong bayan. Mayroong yunit ng Partido mula sa mga iskwad, at sa alinmang pormasyon ng hukbo sa anumang antas. Ang Partido ang nagbibigay ng regular na teoretikal na edukasyon sa hukbo, gayundin ng mga pag-aaral sa wika, syensya, matematiks, syensyang panlipunan at iba pa para sa pagpapanibagong-hubog ng Pulang hukbo at pag-unlad nito sa pulitika at militar.

Kinikilusan ng PLGA ang 17 sa kabuuang 28 estado ng India. Katumbas ng rehiyon ng Pilipinas ang mga estado sa India pero malayong mas malalaki. Mayroon nang iba’t ibang antas ng pormasyong gerilya sa 13 estado, at mas matataas na antas ng pormasyon ng PLGA sa mga lugar kung saan mas maigting ang armadong pakikibaka.

Isa sa pangunahing mga taktika sa gera na napaunlad ng PLGA sa loob ng dalawang dekada ay ang paggamit ng mga eksplosibo kakumbina ng mga pamutok sa kanilang mga ambus. Tampok sa mga target ng mga eksplosibo ng hukbong bayan ang itinuturing ng reaksyunaryong hukbo na mga “mine proof vehicle” o mga sasakyang di tinatablan ng eksplosibo. Napayaman din ng PLGA ang karanasan sa pagbira sa kaaway na pabalik na sa kampo mula sa operasyong panghahalukay sa mga kanayunan.

Liban sa mga ambus, tampok din ang magkakasabay na reyd na isinagawa ng PLGA na tumarget sa mga armori at mga bilangguan upang palayain ang nakakulong na mga Pulang mandirigma, mga milisya at masang aktibista.

Sa dalawang dekada, nakapaglunsad ang PLGA ng 210 malalaking aksyong gerilya, 331 katamtamang-laki, at mahigit 4,000 maliliit. Dumarami ang bilang ng mga operasyon ng PLGA na gumagamit ng pormasyong kumpanya at batalyon. Ilan sa malalaking aksyon ay may katangian ng pakikidigmang makilos sa mga eryang maigting ang pakikidigmang gerilya. Nagbigay ito ng praktikal na kalinawan sa PLGA sa proseso ng pagpapaunlad ng pakikidigmang gerilya tungo sa mas mataas na antas.

Hindi pa kabilang sa talang ito ang mga opensiba ng PLGA mula Agosto 2021. Pinakahuli sa kanilang tampok na mga aksyon ay ang ambus sa Jeeragudem sa Bijapur, Chhattisgarh noong Abril 2021 laban sa operasyon ng 2,000 kaaway. Napatay ang 24 pulis at 31 ang sugatan, at nasamsam ang 14 armas. Inatake ng hukbong bayan ang yunit ng kaaway na pumasok sa kailaliman ng gubat. Nang pabalik na ang mga ito ay saka inambus ng mga gerilya. “Umulan ng mga granada,” sabi ng isang nakaligtas na pulis nang interbyuhin ng midya.

Mapanlikhang nagagamit ng PLGA ang sariling-gawang mga armas, kabilang ang mga “arrow bomb” (bomba sa pana) at kanyon. Malaki ang naging papel ng nililikha nilang artileri sa paggapi sa kaaway sa ambus noong Marso 2020 sa baryo ng Minapa sa Sukma (karatig-distrito ng Bijapur), Chhattisgarh na nagdulot ng 39 kaswalti sa kaaway at nakapagsamsam ng 14 armas.

Sa saklaw ng dalawang dekada, nalipol ang mahigit 3,050 elemento ng kaaway at mahigit 3,600 ang nasugatan. Nakapagsamsam ang PLGA ng 3,240 armas at mahigit 155,000 bala. Naging epektibo ang mga opensibang ito sa pansamantalang pagpigil sa pagdaluhong ng mga reaksyunaryong pwersa.

Masigla rin ang paglahok ng milisya sa digmang bayan. Aktibo sila hindi lamang sa paglalatag ng mga eksplosibo, kundi maging sa paghuhukay ng mga patibong na may mga tulos. Sa isang kampanyang depensa noong 2018, nakapagmobilisa ang milisya ng 15,000 katao para maghukay ng halos 18,000 patibong na may latag na halos 90,000 tulos. Direkta rin silang lumalahok sa mga opensiba.

Sa nakalipas na dalawang dekada, lumaki ang papel ng kababaihan sa digmang bayan sa India. Kabilang sila sa pinakaaping mga sektor ng lipunan. Ang mga atakeng sekswal sa kanila ang isa sa pangunahing mga taktikang mapanupil ng kaaway. Sa loob ng PLGA ay nabibigyang-hugis ang kanilang paglaban, at napagtitibay ang pantay na karapatan ng kababaihan at kalalakihan. Binubuo nila ang halos 20%-50% ng mga mandirigma, kumander at kadre ng PLGA. Maging sa mga baryo, lumaki ang papel ng kababaihan sa mga milisya. Sa mga pagpapatrulya upang mag-alam ng presensya ng kaaway, karamiha’y kababaihan ang gumagampan nito.

Tinatamasa ng PLGA ang suporta ng masang magsasaka at katutubo ng India dahil mahigpit na suportado ng hukbong bayan ang laban para sa likas na karapatan sa “jal-jungle-zameen” o “tubig-kagubatan-lupa.” Kaliwa’t kanan ang mga kontrata ng reaksyunaryong estado sa mga multinasyunal na korporasyon upang dambungin ang mga rekurso sa mga eryang binubungkal ng masa at lupaing ninuno ng mga Adivasi o katutubong mamamayan. Karamihan sa mga proyektong ito ay mga proyektong mina, irigasyon, “natural park,” at mga reserbasyong militar na malawakang nagpapalayas sa mamamayan.

Susi rin ang PLGA sa pagtatatag ng mga Revolutionary People’s Committee (RPC o mga Rebolusyonaryong Komite ng Mamamayan) bilang organo ng kapangyarihang pampulitika ng mamamayan. Sa teritoryong tinatawag na “Dandakaranya,” aabot sa 15,700 sambahayan na ang nakinabang sa rebolusyong agraryo. Kabilang sa mga nakamit ng PLGA at mga RPC sa naturang erya ang pagbubukas ng 25,774 parsela ng lupa, at libu-libong bahagi ng sakahan, pangisdaan at patubig.

Ang mga tagumpay na nakamit ng PLGA ay nahaharap sa mabagsik na kontra-rebolusyonaryong gera ng estado ng India, na ngayo’y kinakatawan ng rehimeng Modi. Inilunsad nito ang kampanyang Samadhan (o Solusyon) noong 2017 na layuning durugin ang rebolusyonaryong hukbo pagsapit ng 2022. Sa kabuuan, hindi bababa sa 6.5 lakh (o 650,000) na tropang kontra-gerilya, paramilitar, army at pulis ang ipinakat laban sa PLGA.

Kinatatangian ang kontra-rebolusyonaryong kampanyang ito ng mga “carpet security”* at maigting na intelidyens para sa mga operasyong asintado. Malaganap din ang paggamit ng mga helikopter at drone sa mga pambobomba, at mga operasyong kombat sa mga hangganan. Batid din ng PLGA na maaaring magdulot ng mga pinsala sa kanila ang “real time” na paniktik ng kaaway.

Ayon sa PLGA, kailangan nitong pagsikapan pa ang pagsandig sa mamamayan para sa paniktik. Dapat din nitong iangkop ang mga tungkulin ayon sa mga nagbabagong kundisyon sa digma. Higit nitong pinatatatag ang baseng masa upang paigtingin at palawakin ang pakikidigmang gerilya. Pinatataas din ang mga pagsisikap para sa mga kilusang masa at mga rebolusyonaryong komite. Sa ganitong batayan sumusulong ang PLGA bilang epektibo at di-magagaping armas ng mamamayan para sa pagtatatag ng kanilang kapangyarihan.

 

—–

* Inilalarawan ng CPI-Maoist ang “carpet security” bilang malawakang paglalatag ng mga kampo ng pulis sa loob ng mga eryang kinikilusan ng PLGA. Sinimulan ito noong 2005 bilang bahagi ng estratehiyang “Clear-Hold-Build-Build and Develop” ng naghaharing estado ng India.

Sa panayam ng Ang Bayan sa tagapagsalita ng CPI-Maoist, inihalimbawa nito ang erya ng Dandakaranyam na may 40,000 kilometro kwadradong lawak. Noong dekada 1980, nabibilang lang sa daliri ang dami ng mga istasyon ng pulis. Ngayon, sa bawat 3-5 kilometro ay mayroon nang isang kampo ng pulis. Mayorya ng may 700,000 armadong pwersa ng naghaharing estado ng India ay nakadeploy sa mga sonang gerilya laban sa PLGA.

Pangunahing pokus ng “carpet security” ang pagputol sa koordinasyon ng mga Komite ng Partido sa Purok (Area Committee) tungong Komite Sentral at masinsin na pagkubkob sa erya gamit ang mga operasyong dumog. Ginigipit din ng mga pulis ang mga residente upang alamin ang kinaroroonan ng mga gerilya. Anumang datos sa paniktik ay agad na ibinabahagi sa iba pang istasyon sa loob ng isang sektor at naglulunsad ng operasyon sa saklaw ng 50 kilometro. Dagdag ng CPI-Maoist, napakahalaga ang mga prinsipyo ng pagsisikreto at mabilisang pagkilos upang iwasan ang mga labanan.

 

20-taong martsa pasulong ng hukbong bayan sa India