Hamon sa mga syentista at teknolohista: Magsilbi sa bayan at rebolusyon
Muling inilathala ng Liga ng Agham para sa Bayan o LAB ang Agham Bayan, upisyal na pahayagan nito, noong Disyembre 2021. Unang nailathala ang pahayagan noong dekada 1970 pero natigil noong dekada 1990. Muli itong inilalabas para palaganapin at ipabatid ang mga pananaw, programa, kampanya at rebolusyonaryong aktibidad ng sektor ng mga rebolusyonaryo sa larangan ng syensya at teknolohiya.
Sa isyu na ito, nanindigan ang mga rebolusyonaryong syentista at teknolohista laban sa panunumbalik ng mga Marcos at pananatili ng mga Duterte sa poder sa pamamagitan ng eleksyong 2022. Inilarawan nila ang “madilim” na kinahaharap ng sektor ng syensya at tekonolohiya sa ilalim ng kasalukuyang sistemang panlipunan.
“(H)uli sa mga prayoridad ng gubyerno ang pananaliksik at pagpapaunlad, syensya, teknolohiya, inhinyerya at matematika,” ayon sa editoryal ng pahayagan. “Magpapatuloy ang pagkawala ng kaalaman habang napipilitan ang maraming mga syentista at inhinyero na lumabas ng bansa dahil sa kawalan ng mga oportunidad at trabaho sa Pilipinas.” Sa parehong panahon, binabalewala ang mga pananaliksik at mga proyektong nagsisilbi para sa pagpapaunlad ng ekonomya at tunay na magsisilbi sa mamamayan.
Pangalawang Kongreso
Ibinalita ng pahayagan ang paglulunsad ng Ikalawang Kongreso ng LAB noong Disyembre 12, 2020.
Tema ng Kongreso ang “Palawakin at patatagin ang Liga ng Agham para sa Bayan, mag-ambag sa pagpapaunlad ng rebolusyonaryong kilusang masa at armadong paglaban sa kanayunan.” Nanindigan ito na tanging sa pagwawagi ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba lubusang mapauunlad at yayabong ang syensya at teknolohiya sa Pilipinas.
Inaprubahan ng Kongreso ang pagsusuma sa mga karanasan at praktika ng liga sa pag-oorganisa ng mga syentista sa nakaraang dalawang dekada. Mula rito, binuo ang tatlong-taong programa na may panawagan para isulong ang anti-pasista, anti-pyudal at anti-imperyalistang kilusan, at biguin ang pasistang rehimeng Duterte.
Target ng LAB na makabuo ng puu-puong mga organisasyon sa sektor ng syensya at teknolohiya na may daan-daang myembro. Sa ngayon, mayroon itong mga balangay sa mga ahensya ng estado, eskwelahan at industriya na may ilandaang kasapian.
Kabilang sa mga tungkuling inilatag ng LAB ang pagiging mapangahas sa pag-oorganisa, at pagpapaunlad sa pag-unawa sa syensya at mga prinsipyo ng pagrerebolusyon.
Pinasadahan ng Kongreso ang konstitusyon at oryentasyon ng LAB at naghalal ng bagong mga upisyal. Hinirang nito si Trinidad Ramirez bilang tagapangulo ng organisasyon para sa susunod na tatlong taon. Sa kanyang panig, umaasa si Ramirez ng ibayo pang maging mabunga ang susunod na mga taon para sa liga.
Ang LAB ay rebolusyonaryong masang organisasyon na kumakatawan sa mga syentista, teknolohista, inhinyero, mga tagapagtanggol ng kalikasan at mga guro, estudyante at nagtataguyod ng syensya sa National Democratic Front of the Philippines. Itinatag ito noong Disyembre 25, 1975 ng mga myembro ng Progresibong Samahan sa Inhinyerya at Agham at Samahan ng Makabayang Syentipiko. Naging bahagi ito sa paglaban sa diktadurang US-Marcos.
Humina ito sa dulong bahagi ng dekada 1980, matapos maapektuhan ng rebisyunismo at sektaryanismo na nangibabaw noon sa buong rebolusyonaryong kilusan. Kabilang sa mayor na kamalian nito ang sektoralismo at ligalismo. Nabitawan din ang pagpapalawak at konsolidasyon.
Kasabay ng buong rebolusyonaryong kilusan, muling pinagtibay ng LAB ang batayang mga prinsipyo ng demokratikong rebolusyong bayan noong maagang bahagi ng dekada 1990. Noong 1996, inilunsad nito ang Unang Kongreso para ibangon at muling palawakin ang organisasyon.