Paninindak sa mga sibilyan, taktika ng teroristang estado

,

Naitala nitong kapaskuhan ang malaganap na mga atake ng Armed Forces of the Philippines sa mga sibilyang komunidad sa tangkang pigilan umano ang mga pagtitipon para sa ika-53 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).

Sinugod ng mga sundalo ng 75th IB ang isang kasalang Lumad sa Sityo Katabadan, Barangay San Roque, San Miguel, Surigao del Sur noong Disyembre 24 at pinaputukan ang mahigit 30 residenteng dumalo. Napatay sa pamamaril ang negosyanteng si Vilma Tawede, habang apat pa ang nasugatan. Pinalabas ng militar na myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) si Tawede.

Sa Sta. Teresita, Cagayan, iniulat noong Enero 4 na sinunog ng mga sundalo ng 98th IB ang tatlong kalapaw (kubo sa bukid) ng mga magsasaka sa Sityo Bungcag, Barangay Luga. Matapos ang krimen ay ipinakalat ng militar na BHB umano ang nagsagawa ng panununog.

Sa Northern Samar noong Disyembre 26, 2021, ala-1 ng madaling araw, apat na ulit na kinanyon ng 8th ID ang mga sakahan sa hangganan ng mga barangay ng San Miguel sa Las Navas, at Osang at Hinagonoyan sa Catubig. Nang hapon ding iyon, sapilitang tinipon ng 20th IB ang mga residente ng Barangay San Miguel, pinahawak ng mga anti-BHB na mga plakard at kinunan ng litrato para palabasin na boluntaryo silang dumalo sa isang rali kontra-PKP/BHB/NDF.

Kinanyon ng 9th ID ang paligid ng Sityo Campo Nueve, Barangay Del Carmen sa Lagonoy, Camarines Sur noong Disyembre 28 at 29, 2021. Magdamag ang panganganyon at di bababa sa sampung bomba ang pinakawalan ng militar. Dahil dito, napilitang lisanin ng may 100 residente ang kanilang mga bahay at magsangtwaryo sa maliit na kapilya ng barangay. Isinagawa ang atake matapos ang bigong pagsalakay ng 83rd IB sa yunit ng BHB na ikinasawi ng isang sundalo at ikinasugat ng dalawa pa.

Paninindak sa mga sibilyan, taktika ng teroristang estado