#MagpunyagiMakibaka: Ika-53 taon ng Partido, ipinagdiwang

,

Puno ng aral at lipos ng sigla ang mga pagdiriwang na inilunsad ng iba’t ibang yunit ng Partido at Bagong Hukbong Bayan (BHB) para gunitain ang ika-53 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong Disyembre 26, 2021. Matagumpay na naidaos ang mga pagtitipon sa kabila ng walang puknat na atake ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

“Simple pero maipagmamalaki,” ang paglalarawan ng BHB-Agusan del Norte sa kanilang selebrasyon na dinaluhan ng masa. Nagkaroon din ng mga pagdiriwang sa Bicol, Central Luzon, Negros, North Central Mindanao at Cagayan Valley. Dumalo sa mga ito ang mga kaibigan at masang magsasaka.

Ilocos-Cordillera. Matatag at lumalawak pa ang mga rebolusyonaryong base sa rehiyon, taliwas sa pinagmamayabang ng AFP na “nalinis” na nito ang rehiyon, ayon sa pahayag ng National Democratic Front-Ilocos. Ibinahagi naman ng Kasama-Cordillera Peoples’ Democratic Front na lumaki nang 28% ang kasapian ng kanilang organisasyon at napakikilos ang mga ito sa iba’t ibang porma at antas. Susi rito ang tuluy-tuloy na paglulunsad ng pulong ng mga konseho at mga talakayang grupo at pang-indibidwal.

Cagayan. Sa West Cagayan, binigo ng BHB ang mga operasyong kombat ng 501st IBde noong 2021. Nakapaglunsad ang BHB sa prubinsya ng dalawang bats ng Abanteng Kurso ng Partido at tuluy-tuloy ang pag-aaral ng Batayang Kurso ng Partido sa mga sangay sa lokalidad nang hindi namamalayan ng kaaway. Nakapaglunsad din ng ilang serye ng Batayang Kursong Pulitiko-Militar at mga operasyong haras laban sa mga yunit militar.

Southern Tagalog. Patuloy na pinangingibabawan ng mga pwersa at kasapi ng Partido ang mga hamon na dulot ng mga operasyong militar. Patuloy ang suporta ng masa sa hukbo sa kabila ng patuloy na atake ng kaaway.

May mga pagdiriwang din sa Batangas at Quezon kung saan marami sa dumalong kabataang mula sa lunsod ang nagpasyang magpaiwan at magpultaym sa hukbo.

Negros. Nadagdagan ng lima ang bilang ng mga bayan na kinikilusan ng BHB-Central Negros. Napalawak nang hanggang 10% ang kasapian ng mga organisasyong masa, at nakapaglunsad ng agraryong rebolusyon at 28 armadong aksyon.

Nanguna ang BHB-Northern Negros sa pagbubuo ng mga komunal na sakahan at palaisdaan at pag-aayos sa pamamahagi ng ayuda. Bilang tugon sa pandemya, nagsanay sa gawaing medikal at namahagi ng herbal na mga gamot, at naglinaw sa kahalagahan ng bakuna laban sa Covid-19. Nagsagawa rin ito ng harapang mga klase at tumulong sa modyul ng mga estudyante.

Panay. Pinagpugayan ng PKP-Panay ang walong mandirigma na nasawi sa brutal na pambobomba ng AFP sa Barangay Alimodias, Miag-ao, Iloilo noong Disyembre 1, 2021. Patuloy at nakapanatili ng lakas ang Partido, BHB at rebolusyonaryong masa sa kanayunan at kalunsuran sa kabila ng halos isang taon nang pinatinding atake sa rehiyon.

Eastern Visayas. Sa isang pahayag, pinagpugayan ng PKP-Eastern Visayas ang 22 mandirigmang namartir noong Agosto 2021. Hindi bababa sa 16 na batalyon ng AFP at PNP ang humahalihaw sa rehiyon. Sa kabila nito, nakonsolida ang mga baseng masa, napalakas ang mga samahang masa at napakilos ang masa upang igiit ang kanilang demokratikong karapatan. Kahit sa mga baryo na may mga kampo militar ay patuloy na nakauugnay ang rebolusyonaryong pwersa. Hindi bababa sa isang kumpanya ang tinamong kaswalti ng AFP mula sa armadong aksyon ng BHB sa rehiyon.

North Central Mindanao. Higit pang napanday ang PKP at BHB sa rehiyon sa buhay at kamatayang pakikibaka sa nagdaang taon. Magsisilbing saligan ang mga aral na nahalaw mula rito upang ibayong isulong ang digmang bayan. Binigyang pugay ng rehiyon ang 20 Pulang mandirigmang nag-alay ng kanilang buhay. Noong 2021, nakapaglunsad ang BHB ng 55 aksyong opensiba kung saan halos isang kumpanyang kaswalti ang tinamo ng kaaway.

Naglabas ng pahayag ang komite ng Partido sa Bicol, gayundin ang mga rehiyunal na balangay ng Makibaka, at mga balangay ng Kabataang Makabayan ng Southern Tagalog, Southern Mindanao, Cagayan at Negros. Nakiisa naman ang Liga ng Agham para sa Bayan at Compatriots-Asia Pacific.

Sa Canada, naglunsad ng operasyon dikit ang Friends of the Filipino People in Struggle sa Ontario. Nakiisa rin ang Communist Party of Australia (ML), Communist Workers Union (MLM) sa Colombia, Communist Party of Turkey (ML), Communist Party of India (Maoist) at Freedom Road Socialist Organization ng US.

#MagpunyagiMakibaka: Ika-53 taon ng Partido, ipinagdiwang