Ang malansang katotohanan ng delatang tuna

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Hindi biro ang magtrabaho sa pabrika ng delatang tuna sa General Santos City. Ayon mismo sa mga manggagawa rito, animo’y “binabalatan” sila sa hirap ng mga kundisyon sa paggawa. Daig pa nila ang delatang tuna na niluluto sa oven (hurno), anila. Labis ang kanilang pagtatrabaho ngunit kulang na kulang naman ang kanilang sahod at mga benepisyo.

Binansagang “Tuna Capital” ng Pilipinas ang General Santos City dahil sa masaganang suplay ng tuna sa karagatan nito. Noong 2020, nakapagprodyus ito ng 254,779 metriko toneladang iba’t ibang klase tuna. Binubuo nito ang 26.12% ng kabuuang 975,205 MT ng lahat ng klaseng isdang komersyal sa bansa.

Sa kasalukuyan, mayroong pitong tuna cannery sa syudad. Pinakamalaki ang operasyon ng Century Tuna Corporation na pagmamay-ari ng pamilyang Po. (Noong nakaraang taon, nagtala ng $1.45 bilyon ang pamilya bilang ika-16 pinakamayamang pamilya o indibidwal sa Pilipinas.)

Nag-eempleyo ang pitong pabrika ng hindi bababa sa 25,000 manggagawa.

Ang mga pabrika ay may pinagsamang kapasidad na magproseso ng 950 metriko tonelada sa isang araw. Halos lahat (90%) ng mga produkto nito ay inieeksport sa USA, Germany, Japan, at mga bansa sa Europe, Asia at South America.

Noong 2020, nagtala ang lokal na industriya ng tuna ng 134,412 toneladang bolyum sa eksport na nagkakahalaga ng $480.90 milyon (₱23.74 bilyon.) Pinakamalaki rito ang mga delatang produkto na umaabot sa 88,547 MT at nagkakahalaga ng $344.406 milyon (₱17.0028 bilyon.)

Ang tunang skipjack o gulyasan na sinusuplay ng mga lokal at dayuhang malalaking komersyal na barkong pangisda ang pangunahing ginagamit na sangkap sa mga produktong delata.

Dumadaan sa walong hakbang ang pagmamanupaktura nito: pag-iimbak; pagpapasingaw at pagkakatay at paghihiwa ng mga isda; pagbabalat at pag-aalis ng ulo at bituka; ang pagtatanggal ng mga tinik at paghihiwalay ng itim sa puting laman ng isda; paghiwa-hiwalay sa mga laman ayon sa kalidad; pagtitimpla ng mga sahog para sa pagdedelata; pagseselyo ng mga delata; at pagluluto ng mga selyadong delata sa isang malaking hurno.

Manwal o manumano ang lahat ng bahagi ng proseso liban sa pagkakatay at paghihiwa ng mga isda na ginagamitan ng makina. Muli na lamang gumagamit ng makina para sa pagpepetsa, paglilinis at paglalagay ng label (etiketa) sa mga lata.

Ang bawat pabrika ay may sariling sistema ng kota at insentiba na nakadisenyo para pumiga ng pinakamataas na labis na halaga mula sa mga manggagawa. Ang mga superbisor ang nagtatakda ng kota at tumatanggap ng insentiba kapag nakaabot sa kota ang manggagawa. Mas maliit na insentiba ang natatanggap ng mga manggagawa kapag sinasagad nila ang kanilang mga katawan para lampasan ang kota.

Madalas ang mga aksidente sa trabaho, tulad ng pagkasugat sa pagtitinik o kaya’y pagkapaso sa pagbabalat ng maiinit na isda.

Madalas umaabot nang hanggang 12 oras ang relyebo ng trabaho laluna kapag marami ang suplay ng isda. Sa halos buong panahon na ito, nakatayo at nakahawak sa maiinit na isda ang mga manggagawa habang istriktong minamanmanan ng mga superbisor.

Galing sa iba’t-ibang mga prubinsya ng Mindanao at Visayas ang malaking bilang ng mga manggagawa sa pabrika ng delatang tuna. Mayorya (85%) sa kanila ay kababaihan at dumadaan sa mga ahensya o “kooperatiba” sa paggawa na may kontrata na sa mga kapitalista.

Dahil kontraktwal, lima hanggang anim na buwan lamang ang kanilang kontrata habang isang taon naman sa mga direktang inempleyo. Sa mga kontrata, nakalagay na dapat tumatanggap sila ng rehiyunal na minimum na nasa ₱326/araw na wala pang sangkatlo sa nakabubuhay na sahod. Sa aktwal, may mga tumatanggap nang 12%-15% mas mababa nito. Depende rin sa kapitalista ang pagbibigay ng mga benepisyo. “No work, no pay” ang sistemang ipinatutupad sa mga pabrika.

Mahihigpit ang aksyong pandisiplina tulad ng suspensyon sa nagkakamaling manggagawa nang walang dinadaang karampatang proseso. Arbitraryo rin ang proseso ng pagpapatalsik sa kanila.

Ayon sa mga manggagawa, mahigpit na ipinagbabawal na magtayo o sumapi sa mga unyon o asosasyon sa paggawa. Walang kumakatawan sa kanila sa loob ng mga pabrika. Dahil dito, marami ang nananahimik na lamang sa takot na matanggal kung magreklamo.

Ang malansang katotohanan ng delatang tuna