Tuloy ang laban, para sa beterano ng pakikibakang anti-diktadura
Masinsing sinusubaybayan ni Kasamang Delio ang eleksyong 2022 at ang kandidatura ng anak ng diktador na si Ferdinand Marcos Jr. Ikinatutuwa niya ang pagbwelo ng oposisyon na hindi basta-basta nagpapatalo sa dambuhalang makinarya ng disimpormasyon ng pamilya ng diktador para irebisa ang kasaysayan at lubusang makapanumbalik sa Malacañang.
Mahigit 70 taong gulang na si Ka Delio. May asawa at anak, at may apo na rin. Isa siya sa maituturing na beterano ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na nabuhay at nakalagpas sa diktadurang Marcos at sa sumunod na reaksyunaryong mga rehimen.
Marami na sa kanyang mga kakontemporaryo ang namartir o di kaya’y nagretiro. Pero retirado man o hindi, nananatiling aktibo ang diwang mapanlaban ng mga katulad ni Ka Delio na hanggang ngayon ay nakikibaka para sa inaasam ng mamamayang Pilipino na isang lipunan na malaya, demokratiko at progresibo.
Batay sa kanyang karanasan, hindi tuwid ang daan ng armadong demokratikong rebolusyon.
Dekada 1960 ay kasapi na siya ng kilusang kabataan para sa reporma bilang kasapi ng isang grupong sosyal demokrata na impluwensyado ng kleriko pasista. Nang pumutok ang First Quarter Storm of 1970, naghanap siya ng mauugnayan sa pambansa-demokratikong kilusan.
Una siyang sumapi sa Samahan ng Demokratikong Kabataan at kalaunan, sa Kabataang Makabayan nang isuspendi ni Marcos ang writ of habeas corpus noong 1971.
Lalo siyang nakumbinsing lumahok sa rebolusyonaryong kilusan nang mabasa ang libro ni Prof. Jose Maria Sison na Struggle for National Democracy. Ibinigay sa kanya ang librong ito ng dating kaklase mula sa isang pamantasan sa Maynila.
Nagbabalak pa lamang siya at kanyang mga kapwa aktibista na maglunsad ng panlipunang pagsisiyasat para sa bubuksang sonang gerilya sa isang lugar sa Visayas nang ideklara ang batas militar. Bagamat wala silang kasanayang militar tulad ng mga kadreng “Tarlac-trained” o “Isabela-trained,” pwersado sila na pumunta sa kanayunan at simulan ang armadong pakikibaka. Tanging gabay lamang nila ay ang tagubilin ni Tagapangulong Mao: Tayo ay tulad ng mga punla na saan mang lugar mapadpad ay tumutubo, umuugat at yumayabong.
Inatasan ng Partido si Ka Delio na magbukas ng sonang gerilya noong huling bahagi ng Oktubre 1972, ilang linggo matapos ipataw ang batas militar. Dahil nasindak ang mamamayan sa batas militar, halos isinuko nila ang kanilang mga armas na pananggol laban sa mga magnanakaw at bandido. Gayunpaman, hindi lahat ay nagpasindak sa taktikang saywar ng diktadurang Marcos. May ilang matatapang na hindi nagsuko ng armas. Ibinigay nila ang mga ito kina Ka Delio bilang ambag sa nagsisimulang armadong rebolusyon.
Dalawang paltik na rebolber ang pinagsimulan ng hukbong bayan sa lugar na ito sa Visayas. Nadagdagan ang mga ito ng isang pistolang kalibre .45 at apat na granada sa kalaunan. Mula sa walang karanasan, ang tinaguriang mga “sundalong walang sapatos” ay natutong maglunsad ng gera mula mismo sa kanilang praktika.
Nagpalawak sina Ka Delio mula sa iisang baryo na dinatnan nila. Ngunit naamoy agad ng kaaway ang kanilang presensya at naglunsad ng unang operasyong militar na “nip-in-the-bud” laban sa isang maliit at lubhang mahinang yunit ng BHB. Isang gabi ng Marso 1973, sinalakay ng mga sundalo ng Philippine Constabulary ang isang kubo na tinutulugan ng mga mandirigma. Nireyd din nila ang bahay ni Ka Ponso, isang magsasakang kumikilos na partaym.
Nabigo silang durugin kahit ang maliit na yunit na ito ng BHB. Sa desperasyon ay dinukot ng kaaway ang 4-taong gulang na anak na lalaki ni Ka Ponso para pasukuin siya. Isang taon na ginawang hostage ng militar ang bata.
Sa pinakabatayan, walang gaanong malaking pagkakaiba sa pagharap sa militar noon at ngayon, ayon kay Ka Delio. Sa estratehikong pagtingin, sila ay mga tigreng papel. Pero sa taktikal na pagtingin, sila ay talagang kumakain ng tao. Sila ay mga sundalo ng mga naghaharing uri na binabayarang pumatay sa mga uring api at pinagsamantalahan na determinadong magbangon at lumaban para sa kanilang kalayaan at kagalingan.
Ano ang sikreto sa mahabang buhay ni Ka Delio? Walang iba kundi ang masa at masa lamang. Kapag mulat at organisado ang masa parang naghahanap ang kaaway ng karayom sa dayami gaano man sila karami. Nananatiling aktibo at ligtas sa panggigipit ng kaaway si Ka Delio dahil sa pagtutulung-tulong ng masa at mga kasama.