Dalawang bata sa Negros, tinutugis ng AFP

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Mahigit 100 elemento ng Armed Forces of the Philippines ang sumalakay sa mga sityo ng Malikoliko at Cunalom sa Barangay Carabalan at sa Sityo Tigbao sa Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental noong Abril 22. Pinaghahanap nila ang 2-buwang sanggol at 2-taong bata na mga anak umano ng mga Pulang mandirigma. Niransak ng 30 sundalo ang apat na bahay sa Sityo Malikoliko para hanapin ang dalawang bata.

Pinagbantaan ng mga sundalo ang lola ng mga bata at pito pang residente. Kasabay nito, kinordon ng mga berdugo ang komunidad, pinagbawalang lumabas ang sinuman o magtungo sa kanilang sakahan. Sa kabuuan, 42 indibidwal ang napalyas sa lugar—14 ay kababaihan at 21 ay mga bata. Kabilang dito ang kaanak ng pinaslang na magkapatid na Jayson at Arnulfo Sabanal noong Marso.

Pamamaslang. Walang patumanggang pinaputukan ng mga tropa ng 48th IB ang limang magsasaka sa Barangay Talisay, San Isidro, Davao Oriental noong Abril 23. Dalawa ang agad na nasawi habang tatlo ang inaresto at pinalabas na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Mariin itong pinasinungalingan ng NDF-Southern Mindanao, anila, ang totoo, walang Pulang mandirigma o yunit ng BHB sa lugar noong araw na iyon. Kinontra din ng mga residente ng San Isidro ang pahayag na ito ng AFP.

Sa Sorsogon, pinatay ng mga sundalo ng 31st IB sina Alvin Orpiada, Randy Radana at Christopher Nimo sa Sityo Small, Barangay Sta. Cruz, Donsol noong madaling araw ng Mayo 2. Pinalabas ng militar na mga myembro ng BHB ang mga biktima na namatay sa engkwentro.

Sa South Cotabato, pinatay ng mga ahente ng estado si Eugene Latrella, kasapi ng Bayan Muna at kagawad ng Barangay Veterans, Surallah noong Abril 27. Binaril siya habang nagmamaneho ng motor sa kalsada ng Barangay Sinolon, T’boli.

Blokeyo. Nagpatupad ng blokeyo ang mga elemento ng PNP-SAF, 68th IB, 4th IB at 67th IB sa mga bayan ng Calintaan at Rizal sa Occidental Mindoro mula Abril 26 hanggang Abril 27 sa tabing ng pagtugis ng isang yunit ng BHB. Pinagbawalan nila na magdala ng pagkain ang mga magsasaka sa kanilang kaingin.

Dalawang bata sa Negros, tinutugis ng AFP