Kumpanyang Elbit, iboykot at labanan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Sa Mayo 15, gugunitain ng mamamayang Palestino ang ika-74 taon ng Nakba o Malaking Sakuna kung saan marahas na pinalayas ang daan libong mga Palestino mula sa kanilang lupa para buuin ang estado ng Israel. Mula noon, palala nang palala ang brutal na okupasyon at henosidyo ng Israel sa mamamayang Palestino sa kabila ng mga internasyunal na kasunduang nagtatanggol sa pinakabatayan nilang mga karapatan.

Kabilang sa mga pang-aatake ng Israel ang pagtatayo nito ng mga bakod para palayasin ang mga Palestino sa loob ng West Bank at Jerusalem noong 2002.

Noong 2004, idineklara ng International Court of Justice (ICJ) na iligal ang pader sa West Bank. Inobliga nito ang lahat ng mga gubyerno na nakapirma sa Fourth Geneva Convention na “tiyakin ang pagsunod ng Israel” sa internasyunal na makataong batas. Ipinagbawal nito sa mga gubyerno na magbigay ng anumang tulong na “makapagpapanatili ng sitwasyong nilikha ng pader.”

Sa ganitong konteksto nailuwal noong 2005 ang kilusang Boycott, Divest and Sanction (BDS) laban sa Israel at mga kumpanyang sumusuhay sa marahas nitong okupasyon. Isa sa mayor na mga kampanya ng kilusan ang Divest Elbit Systems (Huwag mamuhunan sa Elbit Systems). Sa ilalim nito, iginiit ng mga Palestino at kanilang mga tagasuporta sa iba’t ibang bansa na iatras ng mga kumpanya, institusyon at gubyerno ang kanilang puhunan sa Elbit Systems at itigil ang pagbili ng mga armas at teknolohiyang militar nito.

Mula 2009, nagawa na ng kilusang ito na paatrasin ang ilang malalaking bangko at institusyon na mamuhunan sa kumpanya.


Bakit Elbit Systems?

Sa kabila ng hatol ng ICJ, patuloy na nagtayo ang Israel ng mga pader para palayasin ang mga Palestino sa kanilang mga lupa. Noong 2013, itinayo nito ang pader sa hangganan ng Golan Heights at Syria. Noong 2017, binakuran nito ang Gaza Strip na epektibong nagkulong sa milyun-milyong Palestino sa tinaguriang “pinakamalaking bukas na kulungan sa buong mundo.” Nilagyan ng Israel ang bakod na ito ng matataas na tore, tsekpoynt at mahigpit na sistemang pangsarbeylans. Buong panahon itong minamanmanan ng mga sundalo at teknolohiyang militar.

Pangunahing nakinabang sa pagtatayo at pagpapanatili ng mga pader na ito ang Elbit Systems na nagsusuplay ng teknolohiya para sa sopistikadong pagmamanman tulad ng image recognition at biometrics at nagmamantine ng malawak at mapanghimasok na mga database (o tinitipon na impormasyon tungkol sa mga tao). Nagpaunlad ito ng armadong mga robot na nagpapatrulya sa lupa at mga drone sa himpapawid.

Ang Elbit Systems Ltd ang pinakamalaking kumpanyang militar ng Israel. Noong 2021, ibinilang ito ng Transnational Institute sa 23 internasyunal na kumpanya na kumikita sa pang-aabuso sa karapatang-tao ng mga migrante at refugee sa buong mundo.

Pinakakilala ito sa paglikha ng elektronikong kagamitan ng militar at sistema ng sarbeylans, pangunahin ng mga unmanned air vehicle (UAV) o drone. Nag-eempleyo ito ng 12,700 manggagawa sa Israel at namamahala sa masaklaw na pandaigdigang network ng mahigit 80 subsidyaryo at kaugnay na mga korporasyon. May espesyal itong dibisyon ng unmanned aerial system (UAS) ang nakabase sa US na nagpaunlad sa Hermes 450 bilang pang-atakeng drone. Ang drone na ito ang ginagamit ng Israel Defense Force para paulit-ulit na bombahin ang mga teritoryo ng Palestine, partikular ang Gaza.

Elbit sa Pilipinas

Sa tulak ng US, ang gubyerno ng Pilipinas ang isa sa tumatangkilik sa mga armas at teknolohiya ng Israel at Elbit Systems. Ang mga binibili nitong gamit at sasakyang militar mula sa Elbit ay pawang ginagamit sa brutal na gera kontra-insurhensya ng rehimen na pumipinsala sa buhay at kabuhayan ng mamamayan, at sa kagubatan at kapaligiran.

Noong 2019, lumagda ang Deparment of National Defense sa kontrata para sa “ilang daan” na maliliit na drone at katamtamang-laking mga drone tulad ng Hermes 450 at 900. Ang mga ito ay pinalilipad kaakibat ng kampanyang pambobomba sa kanayunan.

Noong 2021, bumaha ang mga armas na minamanupaktura ng Elbit sa bansa. Kabilang sa mga ito ang mga M113A2 81mm Armored Mortar Carrier, 28 Iveco VBTP-MP Guarani APC, Remote Controlled Weapon Station at 12 Soltam ATMOS 155mm/52cal self-propelled howitzer.

Noon lamang Abril 21, muling ginawang aktibo ng Philippine Army ang 1st Tank Battalion bilang paghahanda sa pagdating ngayong taon ng inorder nitong 18 Sabrah light tanks at 10 Sabrah 8×8 wheeled light tank mula sa Elbit. Nagkahalaga ang kontrata ng pagbili ng $172 milyon.

Kumpanyang Elbit, iboykot at labanan