Mayo Uno 2022: Katiyakan sa paggawa, dagdag sahod at karapatang mag-unyon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Dala ang mga panawagan para sa nakabubuhay na sahod, katiyakan sa paggawa, benepisyo at karapatan sa pagawaan, nagmartsa ang milyun-milyong manggagawa sa iba’t ibang panig ng mundo upang gunitain ang Araw ng Paggawa noong Mayo 1.

Para sa mga manggagawang Pilipino, dapat nang ipatupad ang ₱750 pambansang arawang minimum na sahod laluna sa harap ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Panawagan din nila na tapusin na ang kontraktwalisasyon, at sapat na trabaho.

Naging sentro ng mga pagtitipon ang Araneta Coliseum sa Quezon City kung saan umabot sa halos 16,000 ang mga dumalo sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Bagong Alyansang Makabayan. Sinimulan ng mga raliyista ang paggunita sa isang programa sa labas ng koliseyum kung saan nagsalita ang kanilang mga kandidato sa pagkasenador na sina Elmer Labog at Neri Colmenares.

Ayon sa KMU, malaking hamon ang hinaharap ng mamamayang Pilipino ngayong taon: ang pinatinding pagsasamantala at pang-aapi sa banta ng panunumbalik ng mga Marcos at pagkapit sa poder ng mga Duterte. Ilang araw bago nito, pormal na inendorso ng grupo ang kandidatura nina Vice President Leni Robredo sa pagkapresidente at ni Sen. Kiko Pangilinan sa pagkabise-presidente. Naging punong panauhin ang dalawa sa aktibidad. Matatandaang sa Araneta Coliseum din inilunsad ang kongreso ng pagtatatag ng KMU noong Mayo 1, 1980 sa ilalim ng diktadurang US-Marcos.

Kasabay nito, nagmartsa sa lansangan ang mga manggagawa sa Baguio City, Legazpi City, Naga City. Sa Calamba, Laguna, nagtipon ang iba’t ibang grupo upang ipanawagan na itigil na ang panggigipit sa mga manggagawa sa rehiyon.

Naglunsad din ng mga protesta at programa kaisa ang mga tagasuporta sa pagkakandidato ng tambalang Leni-Kiko sa Pasig City. Pinamunuan ng mga pambansa-demokratikong pwersa ang mga protesta sa Pampanga, Rizal, Cavite at Aklan, gayundin sa mga lunsod ng Roxas, Iloilo, Bacolod, Cebu at Davao. Kumilos din ang mga Pilipino sa Australia.

Sa ibayong dagat, hindi bababa sa 700,000 ang nagmartsa sa Havana, Cuba upang bigyang pugay ang mga manggagawang Cubano at higit pang palakasin ang pagtatanggol ng soberanya ng bansa laban sa agresyon at panghihimasok ng imperyalistang US.

Sa South Korea, pinangunahan ng Korean Confederation of Trade Unions ang paggunita sa Mayo Uno. Panawagan nila: Karapatan sa paggawa nang walang diskriminasyon, disenteng trabaho para sa lahat at pagtatakwil sa di pagkakapantay-pantay.

Kinundena naman ng Centre of India Trade Unions ang pagpapaypay ng rehimeng Modi sa diskriminasyon sa hanay ng mga manggagawa. Ipinanawagan din nilang protektahan ang pagkakaisa ng mga manggagawa.

Sa Thailand magkasamang nagmartsa ang mga manggagawang Thai at Burmese sa distrito ng Siam upang ipanawagan ang umento sa sahod.

Daan-daan ang nagtipon sa New York, USA upang ipanawagan ang mga kontra-imigranteng patakaran ng US. Kasama sa pagkilos ang mga bagong tayong unyon ng Starbucks at Walmart. May mga pagkilos din sa Chicago, Los Angeles, San Francisco, Boston, Washington D.C. at iba pang bahagi ng US.

Puu-puong libong manggagawa din ang nagmartsa sa France upang hamunin ang presidente ng bansa na si Emmanuel Macron. Isang linggo pa lamang ang nakalilipas matapos mahalal bilang presidente si Macron sa pangalawang pagkakataon.

Pagpapatuloy naman sa kanilang panawagan para sa dagdag na sahod ang protesta ng mga manggagawa sa Turkey. Noon pang nakaraang taon sinimulan ng mga unyon ang negosasyon para itaas ang sahod ngayong taon.

Sa Sri Lanka, nagpapatuloy ang Occupy Galle Face, isang kilusan na sinimulan noong Abril 9 sa layuning patalsikin ang pangulo ng bansa na si Gotabaya Rajapakasa.

May mga pagkilos din sa Ecuador, Portugal, Germany, Belgium, Ireland, iba’t ibang bahagi ng United Kingdom, Cambodia, Iran, Russia, Dominican Republic, Panama, Pakistan, Chile, Spain at iba pang bansa.

Sa Bolivia, magkasamang inianunsyo ng gubyerno at mga unyon ang umento sa pambansang minimum na sahod para sa lahat ng mga manggagawa sa bansa.

Mayo Uno 2022: Katiyakan sa paggawa, dagdag sahod at karapatang mag-unyon