Batas sa kumpensasyon, kulang at huling-huli

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Noong Abril 13, pinirmahan ni Rodrigo Duterte ang RA 11696 o “Marawi Siege Victims Compensation Act of 2022.” Sa ilalim nito, magbubuo ng ahensya na magpoproseso sa pamimigay ng kumpensasyon o bayad danyos sa mga biktima ng pambobomba ng rehimen na dumurog sa Marawi City noong 2017. Gayunpaman, hindi malinaw sa batas kung magkano ang matatanggap ng bawat biktima. Wala rin itong pondo sa kasalukuyang badyet at sa 2023 pa maisasama sa pambansang badyet.

Kinilala ng Marawi Advocacy Accompaniment (MAA), grupo ng mga lider Meranaw at organisasyong Moro, ang pagpasa sa RA 11696. Pero anito, dapat kaalinsabay ng kumpensasyon ang pagtitiyak sa batayang mga pangangailangan ng mga bakwit at pagsasakatuparan ng kanilang ligtas at marangal na panunumbalik sa syudad. Binatikos ng grupo ang usad-pagong na rehabilitasyon at rekonstruksyon ng Marawi.

Ipinagyayabang ng Task Force Bangon Marawi (TFBM) na sa darating na Hunyo o bago bumaba si Duterte sa pwesto ay 95% kumpleto na ang rehabilitasyon ng syudad. Ang totoo, mayorya sa mga residente ay hindi pa rin pinahihintulutang makabalik sa syudad, sa kabila ng pagsumite nila ng mga rekisitong papeles. Pinagbawalan na ring bumalik ang mga naninirahan sa Barangay Padian, kahit pa mayroon silang titulo dito, dahil sa isasagawang reklamasyon sa Lake Lanao. Katwiran ng Bangsamoro Transition Authority, “walang bisa ang mga titulo sa lupa, dahil pagmamay-ari na ito ng gubyerno.”

Sa Mayo 23, anim na taon na mula nang salakayin at pulbusin ng rehimeng Duterte ang syudad ng Marawi.

Batas sa kumpensasyon, kulang at huling-huli