Magkakasunod na armadong aksyon, inilunsad sa Surigao at Agusan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Limang armadong aksyon ang inilunsad ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Northeastern Mindanao Region sa nagdaang mga linggo.

Pinaralisa ng BHB-Surigao del Norte ang dump truck at payloader ng isang kumpanyang kwari sa Magtiaco River, Barangay San Pedro, Alegria, Surigao del Norte noong Abril 19. Tinatayang ₱5.7 milyon ang halaga ng pinsala.

Ipinataw ng BHB ang sangsyon laban sa operasyong kwari na pagmamay-ari ng konsehal ng Alegria na si Ruel Jalasan dahil sa pagkasira ng kalikasan at daloy ng tubig ng naturang ilog na nagdudulot ng pagbaha sa mga kanugnog na lugar. Hindi rin ito nagpapasahod ng maayos sa mga manggagawa.

Sa Lianga, Surigao del Sur, inisnayp ng BHB sa isang yunit ng 3rd Special Forces Battalion noong Abril 27. Kinabukasan, dinis-armahan ng BHB ang isang kandidato pagka-alkalde sa bayan ng San Miguel dahil sa paggamit niya ng mga armadong maton para takutin ang mga botante. Nasamsam kay Rolmar “Mamal” Basalan sa kanyang bahay sa Purok 1, Barangay Siagao ang isang ripleng M16, tatlong kalibre .45 pistola, pitong radyo, mga magasin at bala.

Noong Abril 30, pinaputukan ng BHB-Surigao del Sur ang nag-ooperasyong tropa ng 36th IB sa Barangay Nurcia, Lanuza. Naiulat ang dalawang kaswalti sa hanay ng mga sundalo.

Sa parehong araw, naglunsad ng operasyong haras ang BHB-Agusan del Norte laban sa kontra-insurhensyang yunit ng Special Action Force ng mga pulis sa Purok Santol, Barangay Los Angeles, Butuan City.

Magkakasunod na armadong aksyon, inilunsad sa Surigao at Agusan