2 magsasaka, iligal na inaresto
Dalawang magsasaka ang inaresto matapos tinaniman ng ebidensya sa kanilang mga bahay noong panahon ng eleksyon. Inaresto si Victoria Tumabiao ng mga elemento ng 61st IB, Iloilo Provincial Intelligence Unit at PNP-Leon sa sentro ng Barangay Jimog-Gines, Leon, Iloilo noong Mayo 9, araw ng botohan. Si Tumabiao ay pollwatcher ng party list na Anakpawis at lider ng Leon United Peasant Association.
Noong Mayo 4 inaresto sa kasong illegal possession of firearms si Danilo Hapa, residente ng Sityo Parad, Barangay Fabrica, Barcelona, Sorsogon ng mga elemento ng PNP-Barcelona at 31st IB. Si Hapa ang ika-12 biktima ng tanim-baril sa Sorsogon.
Pagpaslang. Namatay sa pamamaril ng mga elemento ng 67th IB sa Sityo Mamparasan, Barangay San Roque, Bislig City, Surigao del Sur si Lolong Magallanes noong Mayo 6. Noon pang Abril hinaharas si Magallanes ng mga elemento ng intelidyens at inaakusahang kontak at tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan.
Panununog. Noong Mayo 13, sinalakay at sinunog ng tropa ng 31st IB ang bahay ni Adelfa Quiñones sa Barangay San Pascual, Casiguran, Sorsogon. Binantaan din ng mga sundalo si Henry Fusana na gagantihan kung may makasagupa silang yunit ng hukbong bayan sa lugar.