Eleksyong party list, dominado ng mga naghaharing uri

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Hindi natuloy ang proklamasyon ng Commission on Elections (Comelec) sa nanalo sa eleksyon ng sistemang party list na nakatakda noong Mayo 19 dahil sa gaganapin pang espesyal na eleksyon sa Lanao del Sur. Gayunman, batay sa mga di-upisyal at parsyal na mga tala ng mga boto, malinaw na halos lubusan nang inagaw ng naghaharing uri ang kahit pakunswelong espasyo na nakalaan para sa partido ng mamamayang “marginalized” o walang kapangyarihan.

Dominado ang eleksyong party list ng ACT-CIS, 1-Rider, Tingog, 4Ps, Ako-Bikol, Sagip, CIBAC, mga grupong Tutok to Win, Duterte Youth at Agimat—pawang mga alyado ng mga partido nina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte.

Ang mga ito ay hindi tunay na kumakatawan sa mga sektor na nasa laylayan ng lipunan. Sa katunayan, ang mga ito ay pinatatakbo o di kaya ay may ugnay sa mga burgesyang kumprador, burukratang kapitalista, panginoong maylupa, pulis at militar upang mapalakas pa ang kapit sa reaksyunaryong pulitika. Hindi bababa sa anim na party list na may kinatawan mula sa dinastiya sa pulitika ang nakatakdang uupo sa kongreso.

Samantala, mula sa kasalukuyang pitong kinatawan, tatlo na lamang mula sa progresibong blokeng Makabayan ang makauupo sa ika-19 na Kongreso. Ang mga ito ay ang mga kakatawan sa Kabataan PartyList (KPL), Gabriela Women’s Party at ACT Teachers Partylist. Liban sa KPL na nakakuha ng halos dobleng boto kumpara sa nakuha nito noong 2019, lahat ng mga partido ng Makabayan ay dumanas ng pagliit ng mga boto. Ang Anakpawis Partylist ay hindi na maaaring tumakbo sa susunod na eleksyon dulot ng dalawang beses na itong hindi nakapagpaupo sa Kongreso.

Bago at sa araw mismo ng botohan, ipinalaganap ng mga operatiba ng NTF-Elcac ang pekeng resolusyon ng Comelec na nagsasabing diskwalipikado sa eleksyon ang mga partido ng Makabayan, sina Neri Colmenares at Elmer Labog, at maging ang mga kandidato ng Tropang Angat at 1Sambayan. Bago nito, sustenido at malawakan ang pangre-red-tag at paninira ng ahensya sa mga progresibong kandidato. Sa kabila nito, nakakuha pa rin si Colmenares ng higit anim na milyong boto, mas mataas kumpara sa 4.66 milyon botong nakuha niya noong 2019.

Hindi rin pinalusot ang mga partidong Akbayan at Magdalo na nakadikit sa Liberal Party at kampo ni Leni Robredo.

Samantala, ipinroklama na ang 12 nanalong senador noong Mayo 18. Ang mga ito ay sina: Robin Padilla na nakakuha ng pinakamaraming boto, kasunod sina Loren Legarda, Raffy Tulfo, Sherwin Gatchalian, Francis Escudero, Mark Villar, Alan Peter Cayetano, Juan Miguel Zubiri, Joel Villanueva, JV Ejercito, Risa Hontiveros at Jose “Jinggoy” Estrada. Liban kay Hontiveros, lahat ng nanalong senador ay sumuporta sa tambalang Marcos-Duterte.

Eleksyong party list, dominado ng mga naghaharing uri