Ibayong magkaisa at labanan ang rehimeng US-Marcos II

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Dapat ibayong pagbuklurin ang sambayanang Pilipino para determinadong labanan ang mauupong rehimeng US-Marcos II na itatatag sa pundasyon ng pandaraya sa halalan, nakaw na yaman, at pambabaluktot sa kasaysayan.

Hindi pa man nauupo sa poder, labis nang nahihiwalay ang naghaharing pangkating Marcos-Duterte dahil sa matinding galit ng sambayanang Pilipino sa tiraniya, korapsyon at pang-aapi sa ilalim ng kanilang mga dinastiya. Ang malawak na kilusang anti-Marcos-Duterte noong panahon ng eleksyon ay dapat lalong mahigpit na buklurin, palaparin at pakilusin.

Mahina at mabuway ang itatatag na rehimen ni Marcos Jr. na mamumuno sa gitna ng paglubha ng krisis sa ekonomya at kabuhayan, sumisidhing mga hinaing ng sambayanan, at tumitinding ribalan ng mga naghaharing paksyon. Dahil dito, tiyak na lalo itong babaling sa pampulitikang panunupil gamit ang armadong pwersa ng estado.

Gayon, dapat pagtibayin ang determinasyon ng sambayanang Pilipino na manindigan at lumaban gaano man kahirap o katagal ang magiging pakikibaka sa darating na hinaharap. Dapat palakasin ang hanay ng iba’t ibang sektor, laluna ng masang anakpawis na magsisilbing pangunahing muog sa malamang ay magiging mahirap na pakikibaka.

Mauupo si Marcos Jr. sa trono ng Malacañang at pamumunuan ang estadong neokolonyal ng US. Siya ang magiging pangunahing tagapangasiwa at tagapagtanggol ng naghaharing sistema at ng interes ng mga imperyalistang bangko at kumpanya sa Pilipinas, ng katuwang nitong naghaharing uring malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa, at ng kanilang mga burukrata-kapitalistang ahente.

Tanda ng lalong pagkabulok ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal ang nakatakdang pag-upo sa tuktok ng reaksyunaryong estado ni Marcos Jr., anak ng dating diktador na nagpapakasasa sa 14-taong pandarambong, pasismo at korapsyon ng kanyang ama at inang si Imelda. Katuwang ni Marcos Jr. si Sara Duterte, anak at tagapagpatuloy ng dinastiya ng tiranong si Rodrigo Duterte. Ang kanilang pangkat, kasama si Gloria Arroyo, ay kumakatawan sa pinakapasista at pinakaganid sa mga paksyon ng naghaharing uri.

Ang pagbabalik ng mga Marcos sa poder ay walang pagdududang maghahatid ng labis na pagdurusa sa sambayanang Pilipino. Tuluyang ipagkakait sa bayan ang yamang dinambong ng mga Marcos noong batas militar, na tinatayang nagkakahalagang $10 bilyon. Isasagad ng mga Marcos ang burukrata-kapitalistang korapsyon sa pagmamadaling kumamkam ng dagdag pang yaman sa anyo ng panunuhol at pagbubulsa ng porsyento sa mga proyektong pang-imprastruktura ng gubyerno. Pakay ng mga Marcos na ipagpatuloy at palawakin ang paghahari ng kanilang dinastiya.

Hahawakan ni Marcos ang poder habang batbat ng krisis ang naghaharing sistema. Matapos ang anim na taong paghahari, iiwan ni Duterte ang gabundok na utang at gubyernong binangkarote ng korapsyon, sobrang gastos ng militar at pulis, at pagkaltas ng buwis sa mga kumpanyang dayuhan. Ngayon pa lang, usap-usapan na ang pagpapataw ng karagdagang mga buwis para ipambayad sa utang na hindi naman pinakinabangan ng bayan. Ang mga planong ito ay lalong magpapabigat sa pasanin ng mamamayang nagdurusa sa pagsirit ng presyo ng mga bilihin, mababang sahod at kawalang kita.

Hawak ang kapangyarihan, ipagpapatuloy at patitindihin ni Marcos ang pambabaluktot sa kasaysayan para pagtakpan ang mga krimen at pandarambong ng mga Marcos sa ilalim ng batas militar at palabasin na ito’y isang “ginintuang panahon” sa kasaysayan ng bansa. Sa Setyembre 21, eksaktong limampung taon mula nang ideklara ang batas militar, tiyak na sasalubungin ng protesta ng puo-puong libong mamamayan ang plano ni Marcos Jr. na tuluyang burahin sa kamalayan ng mga tao ang lahat ng mapait na alaala ng pasistang paghaharing diktador.

Ang paghahari ni Marcos Jr. ay inaasahang magpapatuloy sa paghaharing tiraniko ni Duterte at magpapanumbalik sa paghaharing diktador ng kanyang ama. Sa tabing ng “pagkakaisa,” nais ni Marcos Jr. na absolutong hawakan ang buong gubyerno at burahin ang anumang uri ng pagtutol sa kanyang paghahari. Nais din niyang yumukod sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng oligarko at mga karibal na paksyon ng naghaharing uri. Ang kongreso at ang senado ay inaasahang mapaiilalim sa supermayoryang kontrol ni Marcos Jr. at, tulad sa ilalim ni Duterte, ay magsisilbing tagapagpatibay lamang ng kanyang mga dikta.

Iiral ang awtoritaryanismo ni Marcos Jr. sa ilalim ng karatulang “pagkakaisa.” Ang hindi “makikiisa” ay babansagang “hindi maka-Pilipino” o “kalaban ng estado” at tatargetin ng panunupil ng mga pwersa ng estado. Tumitindi na ang red-tagging ng NTF-Elcac laban sa mga kumukwestyon sa pandaraya sa nagdaang eleksyon at sa mga pwersang nagpapaalala sa mga abuso at korapsyon sa ilalim ng diktadurang US-Marcos I. Pinupuntirya ang mga demokratikong organisasyong masa ng iba’t ibang batayang sektor, pati na rin ang mga akademiko, mga samahang pangkultura, taong-simbahan, abugado at iba pang kritikal sa napipintong pag-upo ni Marcos.

Matatag ang determinasyon ng Partido na labanan ang napipintong paghahari ni Marcos Jr., upang ipagtanggol ang interes ng sambayanan at isulong ang kanilang pakikibaka para sa tunay na demokrasya at kalayaan. Batid ng Partido kung papaanong ang pag-upo ni Marcos sa poder ay lumilikha ng kundisyong pabor para sa pagsulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka dahil inilalantad nito ang bulok na kaibuturan ng naghaharing sistema, at dahil ginigipit ang ligal na mga paraan ng paghahayag o paglaban.

Katulad ng panahon sa ilalim ng batas militar, hindi matitinag ang Partido na pamunuan ang pakikibaka laban sa pasismo at korapsyon ng paghaharing Marcos. Malawak ang hanay ng mga pwersang makaaagapay ng Partido sa landas na ito ng paglaban, kaya magpapakahusay ito sa pakikipagkaisa sa lahat ng positibong pwersa para ibayong ihiwalay si Marcos Jr. at asintahin siya ng malalawak na kilos protesta at iba pang anyo ng pagbaka.

Ibayong magpapakatatag at magsisilbi ang Partido na pinakamatibay na gulugod ng paglaban sa rehimeng US-Marcos II. Patuloy nitong pamumunuan at palalakasin ang Bagong Hukbong Bayan upang magsilbing pangunahing instrumento sa pagbaka sa naghaharing pasistang rehimen at para ibayo pang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan at ang hangarin para sa pambansa at panlipunang paglaya.

Ibayong magkaisa at labanan ang rehimeng US-Marcos II