Mapait na kalagayan ng mamimingwit ng tuna
Rekisito para sa isang mamimingwit ng tuna ang mataas na antas ng kasanayan at mahabang pasensya para makahuli ng isang malaki at de-kalidad na tuna. Dobleng ingat ang kailangan sa paghahawak ng tuna dahil bumabagsak ang presyo nito kapag bugbog o sira ang laman ng isda. Kung kaunti o walang nahuli, uuwi silang walang laman ang bulsa.
Ganito ang kalagayan ng mga manggagawa sa pangingisdang handlining o pamimingwit ng tuna sa General Santos City. Bagaman may mas abante at mabilis na mga paraan, itinuturing ang tradisyunal na pamimingwit bilang pinakamainam at maingat na paraan para sa panghuhuli ng piling klase ng tunang tambakol (yellowfin).
Sa sektor ng industriya ng tuna sa syudad, pinakamalaki ang bilang ng mga mamimingwit o handliner. Umaabot sa 3,500 na sasakyang dagat at 71,000 mangingisda ang sangkot sa gawaing ito. Ang ilan sa malalaking opereytor ng handlining ay mga indibidwal at kumpanyang nagmamay-ari rin ng mga yunit ng purse seiners o onay.
Noong 2020, umabot sa 59,618 metriko tonelada (MT) ang produkto ng mga handliner, o 23.4% ng kabuuang 254,779.32 MT ng tunang dumaong sa lunsod. Ang bulto nito at may pinakamagandang kalidad ay ini-eksport bilang sariwa, pinalamig at yeladong isda (42,445 MT), at tinapang mga produkto (3,420 MT). Umaabot sa $136.5 milyon o ₱7 bilyon ang halaga nito.
Pagsasamantala, pagkakabaon sa utang at pang-aalipin
May dalawang tipo ng mamimingwit. Ang mga palaran ay namimingwit sa karagatang saklaw ng mga munisipalidad o 15 kilometro buhat sa baybayin. Maliliit at mahihina ang makina ng kanilang mga bangka at kaya lamang sa magdamagang pangingisda.
Ang mga pamariles naman ay gumagamit ng malalaking pumpboat o bangkang pangisda at lumalayag sa karagatan ng timog Pilipinas hanggang sa labas ng bansa. May dala-dala ang mga ito ng maliliit na bangkang ginagamit sa pamimingwit (kawa-kawa), at sinusuhayan ng mas malalaking barko (pakura). Mayroon itong walo hanggang 20 mandaragat, depende sa laki ng bangka. Tumatagal ng mula 10 araw hanggang tatlong buwan ang kanilang paglalayag.
Hindi saklaw ng bilateral na mga kasunduan sa dayuhang pangingisda ang operasyong handlining. Dahil sa papaliit na bolyum ng isda sa karagatan ng bansa, napipilitan ang mga mangingisdang pamariles na makipagsapalaran sa mga karagatan sa teritoryo ng Indonesia, Papua New Guinea, Australia, Palau at Fiji. Liban sa masungit na panahon, banta rin sa kanila ang mga pirata at ibang elementong kriminal na maaaring maengkwentro nila sa karagatan.
Kulang din sila sa mga kagamitang pangkaligtasan at kasanayan sa paggamit ng mga ito, kaya karaniwan ang mga aksidenteng may namamatay o lubhang nasusugatan.
Sa kalakhan, umiiral ang sistemang kabo sa pang-eempleyo ng mamimingwit kahit matagal na itong ipinagbabawal ng batas. Walang umiiral na pormal na mga kasunduan sa pag-empleyo. Hindi sila itinuturing na empleyado ng kanilang mga amo kundi “kasosyo” at ibinabatay sa bawat paglalayag ang kanilang sahod. Ito ay kahit mahigit 10 taon na silang nagtatrabaho sa isang partikular na opereytor.
Hindi nasusunod ang minimum na sahod at mga benepisyo sa pagdadahilan ng mga opereytor na di tiyak ang dami ng huli at laki ng kanilang kita. Kalimitang ipinapatupad ang partehan ng kita o sistemang “nilima” kung saan 20% ng kabuuang kita ang kanilang matatanggap. Lahat ng gastos sa produksyon ay kinukuha sa kabuuang kita. Ang natitira (madalas na 50%) ay “malinis na kita” na pinaghahatian ng opereytor at may-ari ng bangka. Madalas na ang mga may-ari ng bangka at opereytor din ang bumibili ng huling tuna at nagbebenta sa mga ito sa napakataas na halaga sa mga merkado.
Dahil laging kinakapos, karaniwang nangungutang ang mga mandaragat sa kanilang opereytor, mga tindahan, at lokal na mga usurero. Umaabot nang 20% ang interes na ipinapataw sa napakamahal nang mga bilihin. Dahil kulang na kulang ang sahod, naoobliga silang humingi ng “advance” o paunang bayad na lalupang nagbabaon sa kanila sa utang.
Sa kaso ng mga palaran, binabarat ng mga komersyante ang pagbili ng kanilang huling tuna. Bukambibig ng mga ito ang pagtaas ng presyo ng petrolyo bilang dahilan ng pagmahal ng tuna sa merkado pero hindi naman nila itinataas ang presyo ng pagbili sa mga mangingisda.