Kampanya kontra inter-imperyalistang gera, inilunsad
Sa pangunguna ng International League of Peoples’ Struggles (ILPS) at mga organisasyon sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan, inilunsad noong Mayo 21 ang Internasyunal na Kampanyang Kontra-Gera (International Anti-War Campaign) sa pamamagitan ng pagprotesta sa harap ng embahada ng US sa Maynila. Marahas na binuwag ang programa at inaresto sina Lloyd Manango, bise-presidente ng League of Filipino Students at Kathy Yamzon ng Defend Jobs-Philippines. Napalaya sila ng kanilang mga abugado matapos ang limang oras.
Layon ng kampanya na ilantad at batikusin ang panunulsol ng gera ng US, mga alyado nito at malaking masmidya. Ayon sa ILPS, ang malawak na disimpormasyon na pumapanig sa interes ng pandaigdigang militarismo ay banta sa pakikibaka ng mamamayan para sa sariling pagpapasya laban sa gera, okupasyon at iba pang porma ng imperyalistang interbensyon.
Kinundena rin ng ILPS ang inter-imperyalistang pagtatagisan ng US-NATO (North Atlantic Treaty Organization) at Russia na nagdulot ng labis na karahasan at kahirapan sa mamamayan ng Ukraine.
Anang ILPS, “Mas marami pang digmang katulad nito ang sisiklab habang bumabaling ang imperyalismong US sa militarismo at gerang pandaigdigan para tiyakin ang tubo at pahupain ang mga epekto ng kasalukuyang krisis sa ekonomya.”
Tinukoy ng grupo ang hegemonya ng US sa Southeast Asia na nakaangkla sa dominasyong militar ng US sa Pilipinas bilang pangunahing salalayan ng pagtatanggol ng estratehikong interes nito sa rehiyon. Isa ang US sa pinakaunang bumati kay Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang “tagumpay” sa nakaraang eleksyon.
Itinaon ang pagkilos sa upisyal na pagbisita ni Biden sa mga bansa sa Asia mula Mayo 20 hanggang 24.