Paniniil at panlilinlang ang magiging sangkap ng paghaharing Marcos II
Hindi pa man ganap na nakauupo si Ferdinand Marcos Jr. sa ninakaw niyang trono, nakasungaw na ang balaraw ng pasistang paniniil at panlilinlang, pangitain ng kadilimang haharapin ng sambayanang Pilipino sa darating na anim na taon.
Sa nagdaang ilang linggo, sunud-sunod ang banta at hakbanging sumasagasa sa demokratikong karapatan ng mamamayan na magpahayag at sama-samang ipamalas ang kanilang hinaing at protesta. Hindi bababa sa tatlong aksyong masa sa lansangan ang marahas na binatuta, binumbero at binuwag ng mga pulis. Ang mga ito’y nagpabalik sa mapapait na alaala ng paniniil sa panahon ng pasistang diktadurang Marcos kung kailan tuwirang pinagbawalan ang mga tao na magtipon at kolektibong magpahayag.
Sa pagbibigay-matwid sa ginawang marahas na pagbuwag, iginiit ng mga upisyal ng pulis na ang mga rali ay “panggugulo.” Pinalalabas na “iligal” ang mga raliyista at ang mga kabataang lumalahok ay “biktima ng pang-uudyok.” Pilit na nilulunod ang boses ng mamamayang nagwawaksi sa panunumbalik ng mga Marcos sa poder at naghahayag ng hinaing laban sa malawakang pandaraya sa nagdaang eleksyon.
Ginagamit ng Philippine National Police (PNP) ang Batas Pambansa 880, na pinagtibay sa ilalim ng diktadurang Marcos, para takdaan ng hangganan ang karapatan ng mamamayan na magrali sa lansangan. Tahasang idinedeklara ng PNP ang patakarang anti-demokratiko at inilatag ang magiging patakaran sa ilalim ng rehimeng Marcos II.
Ang panunupil sa mga rali sa lansangan ay pagpapakitang-gilas ng mga upisyal ng PNP kay Marcos Jr., upang patunayang handa silang pagsilbihan ang kagustuhan ng anak ng diktador katulad na nagsilbi sila noong mga bastonerong tagasaway sa sinumang magsalita o kumilos laban sa korapsyon, pandarambong at paniniil sa ilalim ng batas militar.
Nakikini-kinita ring kaakibat sa paniniil sa mga demokratikong karapatan, titindi ang panlilinlang at pagtatakip sa mga krimen ng mga Marcos sa tabing ng “pagdedebate ukol sa kasaysayan” at diumano’y “pagbibigay ng panig” ng mga Marcos. Gagamitin ng mga Marcos ang pampulitikang kapangyarihan at malawak na rekurso ng gubyerno para makapangibabaw ang maka-Marcos na pambabaluktot sa kasaysayan at katotohanan sa masmidya, social media, edukasyon at kultura.
Sa iba’t ibang kaparaanan ay ginigipit ang masmidya upang pigilang magampanan ang trabaho nito sa pagsisiwalat ng katotohanan sa halip na bumalik sa papel nito noong batas militar na tagapagbrodkas lamang ng sasabihin ng mga Marcos at kanilang mga upisyal. Itinutulak ng mga Marcos na upisyal na bigyan ng mas malaking espasyo ang masusugid nilang tagapropaganda sa social media (mga “vlogger”) upang lunurin at isasantabi ang masmidya. Ang kritikal na mga mamamahayag at brodkaster, maging mga akademiko at eksperto, ay pinagkakaitan ng pagkakataong makapagtanong o makapangalkal ng impormasyon, dinudumog ng panunuya o kaya’y tahasang pinagbabantaan.
Pinipilipit ang salitang “pagkakaisa” upang paluhurin ang lahat sa kapangyarihan ng mga Marcos, bilhin ang katapatan ng mga huwes, pulitiko at malalaking negosyante, patahimikin o sagasaan ang mga tumututol, upang gayo’y dominahan ang lahat ng aspeto ng pulitika at lipunan. Ganap nang kontrolado ng mga Marcos ang Senado at Kongreso. Hindi malayong isunod rin ang Korte Suprema.
Paspasan ngayon ang paglalatag ng mga sangkap ng paniniil at panlilinlang para sa pagtatag ng paghaharing may absolutong kontrol ng mga Marcos sa estado at lipunan. Ang kapangyarihang ito ay tiyak na gagamitin upang siguruhin ang interes ng mga Marcos kabilang ang $10-bilyong nakaw na yaman, mga deposito sa mga bangko, mga dyamante, mga mansyon, mga mamahaling larawan at iba pang obra, hindi bayad na buwis, at pati na para ganap na makaiwas sa pananagutan sa ilanlibong pinatay, tinortyur at pinahirapan noong madilim na panahon ng batas militar.
Ang pagbaling sa tiranikong paniniil at panlilinlang ang mukha ngayon ng maka-uring paghahari ng neokolonyal na estado ng mga burges kumprador at panginoong maylupa. Sa gitna ng pandaigdigan at lokal na krisis, lalong nag-iibayo ang pagkagahaman ng mga naghaharing pangkatin sa hangad na solohin ang kumikitid na pakinabang ng kanilang pakikipagsabwatan sa dayuhang malalaking bangko at korporasyon.
Pabor sa mga naghahari na gamitin ang absolutong kapangyarihan upang sagasaan ang pambansang soberanya, todong huthutin ang yaman ng bansa at pagkakitaan ang bayan. Ang labis na kapital na hawak ng mga bangko sa US, Japan at China ay ginagamit na pang-utang sa ngalan ng “kaunlaran” para ibili ng kanilang mga kalakal at serbisyo.
Matapos pirmahan kamakailan ni Duterte ang bagong mga neoliberal na batas, nagmamadali ngayong makapasok ang mga kumpanyang Amerikano sa pagmimina at mga plantasyon, laluna sa Mindanao. Kaakibat nito ang pinaigting na kampanya ng panunupil laban sa masang magsasaka at mga minoryang mamamayan para palayasin sila at agawin ang kanilang mga lupa. Ang malalaking burgesya at burukratang maka-Marcos ay tiyak na patuloy na makikinabang sa malalaking kontrata sa gubyerno sa imprastruktura, kontrol sa pampublikong yutilidad at iba pa.
Habang may ilang malalaking burgesya at burukratang kapitalistang nagiging bilyunaryo, mayorya ng mamamayan ay nasasadlak sa hirap at gutom, mababang sahod, malawakang disempleyo at kawalan ng kita. Palubha nang palubha ang kanilang pagdurusa habang palalim nang palalim ang krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal.
Para sa mamamayang Pilipino, laluna para sa mga manggagawa at masang anakpawis, walang ibang hahantungan ang paglalatag ng paghaharing absoluto ni Marcos Jr., kundi ang pagkakait ng kanilang mga karapatang demokratiko at pagsasara ng iba’t ibang larangan ng malayang pamamahayag. Itinutulak sila ng kalagayan na ibayong magkaisa at sama-samang kumilos para ihayag ang kanilang mga hinaing at ipagtanggol ang kanilang interes at kapakanan. Dapat kumilos ang progresibo at patriyotikong mga uri at sektor para buuin sa buong bansa ang pinakamalapad na nagkakaisang prente ng lahat ng pwersang demokratiko para ihiwalay ang absolutong paghaharing Marcos II.
Kaalinsabay nito, dapat palakasin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan. Katulad sa nakaraan, magsisilbi ang Bagong Hukbong Bayan bilang di natitinag na moog ng paglaban ng bayan sa pasistang tiraniya.