Mga protesta sa South Cotabato laban sa open-pit mining, umiigting
Sa harap ng sunud-sunod na protestang inilunsad ng mga residente ng South Cotabato, binaligtad ni Gov. Reynaldo Tamayo Jr. noong Hunyo 3 ang unang resolusyon ng sangguniang panlalawigan na pahintulutang bumalik ang mapanirang open-pit mining sa prubinsya. Sa kanyang pahayag sa sumunod na araw, sinabi niyang minadali ang desisyon at mayroong kwestyunableng mga probisyon ang resolusyon.
Walang nakitang dahilan ang gubernador kung bakit ipawawalambisa ang pagbabawal dahil “matagal na nitong pinrotektahan ang mamamayan ng South Cotabato.”
Gayunpaman, kinilala niyang “ultra vires” o lagpas sa awtoridad ng pamahalaang panlalawigan ang pagbabawal sa open-pit mining dahil umiiral ang isang pambansang kautusan na nagpapahintulot nito. Ang naturang kautusan (Executive Order 130) ay inilabas ni Rodrigo Duterte noong Abril 2021. Sa gayon, aminado siyang wala itong epekto sa planong pagtutuloy ng operasyon ng Sagittarius Mines Inc. na itinuturing na pinakamapangwasak sa lahat ng mga operasyong open-pit sa prubinsya.
Pinuri ng mga grupong makakalikasan, relihiyoso at pansektor ang desisyon ni Tamayo. Nanawagan sila sa sangguniang panlalawigan na kilalanin ang desisyon at igalang ang pagtutol ng libu-libong mamamayan ng South Cotabato. Ani Leon Dulce ng Kalikasan PNE, dapat bawiin ng lokal na pamahalaan ang mga permit na nagpapahintulot sa open-pit na pagmimina sa lugar.
Kabilang sa mga nagprotesta ang diocese ng Marbel na nangakong magpapatuloy na maging mapagbantay.