Mga protesta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Boykot ng mga manggagawa sa Bicol Steel Trading. Nagtipon ang mga empleyado ng Bicol Steel Tower Trading Corporation sa Diversion Road, Naga City noong Mayo 30-31 upang batikusin ang hindi patas na mga patakaran at barat na pagpapasahod ng kumpanya. Nagbebenta ang kumpanya ng bakal na pangkonstruksyon.

#NeverAgain sa Cebu at Iloilo. Noong Mayo 21, nagtipon ang mga nakaligtas at pamilya ng mga martir ng batas militar sa Redemptorist Compound sa Cebu City para gunitain ang mga kalupitan ng diktadurang Marcos Sr. Nagtirik din sila ng kandila at nag-alay ng panalangin para sa lahat ng biktima ng karahasan ng estado.

Sa Iloilo City, martsa kontra-tiraniya, disimpormasyon at pambabaluktot sa kasaysayan ang inilunsad ng mga progresibong grupo tungong Iloilo Provincial Capitol. Bago nito, Mayo 20, binuo ng National Union of Students of the Philippines-Panay ang Kabataan Against the Return of Marcos-Duterte Alliance.

Mga protesta ng kabataan at manggagawa sa Laguna. Ikinasa ng Youth Defy Marcos and Duterte-Southern Tagalog ang Protesta de Mayo mula Mayo 25 hanggang 27 sa Carabao Park, University of the Philippines-Los Baños. Ito ay pagtutol sa pag-upo ni Ferdinand Marcos Jr. bilang ika-17 presidente ng bansa.

Samantala, noong Hunyo 4, ikinasa ng mga manggagawa, rider, drayber at sorter ng J&T Express ang kanilang protesta at nalabanan ang pambubuwag dito ng mga pulis. Nagwelga sila para batikusin ang pambabarat sa sahod, iligal na tanggalan at union busting, kawalan ng benepisyo at kaligtasan sa paggawa. Tinutulan din nila ang iligal na pagsisante sa pangulo ng United Rank and File Employees ng kumpanyang J&T Express sa prubinsya.

Mga protesta